Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 50

Ang Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
    ay nagsalita at tinatawag ang lupa
    mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
    nagliliwanag ang Diyos.

Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
    nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
    at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
    at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
“Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
    yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
    sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)

“Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
    O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
    Ako'y Diyos, Diyos mo.
Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
    laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
    ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
    ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
    at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.

12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
    sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
    o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
    at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
    ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”

16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
    “Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
    o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
    at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
    at sumasama ka sa mga mangangalunya.

19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
    at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
    iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
    iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.

22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
    baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
    sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
    ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”

Mga Awit 59-60

Panalangin(A) upang Ingatan

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.

59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
    mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
    at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
    ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
    sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
    huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)

Tuwing hapon ay bumabalik sila,
    tumatahol na parang aso,
    at nagpapagala-gala sa lunsod.
Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
    mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
    sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”

Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
    iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
    sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
    ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
    O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
    masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13     Pugnawin mo sila sa poot,
    pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
    hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)

14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
    na tumatahol na parang aso
    at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
    at tumatahol kapag hindi sila nabusog.

16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
    oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
    at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
    sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
    ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.

Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
    Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
    kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
    binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.

Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
    upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)

Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
    bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.

Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
    “Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
    at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
    ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
    ang Juda ay aking setro.
Ang Moab ay aking hugasan;
    sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
    Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
    Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
    At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
    sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
    sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.

Mga Awit 114-115

114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
    ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
    ang Israel ay kanyang sakop.

Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
    ang Jordan ay umatras.
Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
    ang mga burol na parang mga batang tupa.
Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
    O Jordan, upang umurong ka?
O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
    O mga burol, na parang mga batang tupa?

Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Diyos ni Jacob;
na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
    na bukal ng tubig ang hasaang bato.

Ang Isang Tunay na Diyos

115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
    dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
Bakit sasabihin ng mga bansa,
    “Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”

Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
    kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
Ang(D) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
    gawa ng mga kamay ng mga tao.
Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
    may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
    gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.

O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
    Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.

12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(E) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
    ang mababa kasama ang dakila.

14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
    siya na gumawa ng langit at lupa!

16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
    ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
    ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
    mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!

Error: 'Karunungan ni Solomon 5:9-23' not found for the version: Ang Biblia, 2001
Colosas 2:8-23

Kayo'y mag-ingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga simulain ng sanlibutan, at hindi ayon kay Cristo.

Sapagkat sa kanya'y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan,

10 at kayo'y napuspos sa kanya, na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan.

11 Sa kanya ay tinuli rin kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pamamagitan ng paghuhubad ng katawang laman sa pagtutuli ni Cristo;

12 nang(A) ilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo rin ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay.

13 At(B) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan at sa di-pagtutuli ng inyong laman ay kanyang binuhay kayong kasama niya, nang ipinatawad niya sa inyo ang lahat ng mga kasalanan,

14 na(C) pinawi ang sulat-kamay[a] na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at ito'y kanyang inalis at ipinako sa krus.

15 Inalisan niya ng sandata ang mga pinuno at ang mga may kapangyarihan at sila'y ginawa niyang hayag sa madla, na nagtatagumpay sa kanila sa pamamagitan nito.

16 Kaya't(D) ang sinuman ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain at inumin, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o mga araw ng Sabbath,

17 na ang mga ito ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katawan ay kay Cristo.

18 Huwag ninyong hayaan na agawan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na pinanghahawakan ang mga bagay na kanyang nakita, na nagyayabang nang walang dahilan sa pamamagitan ng kanyang makalamang pag-iisip,

19 at(E) hindi kumakapit sa Ulo, na sa kanya'y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos.

Babala Laban sa Maling Turo

20 Kung kayo'y namatay na kasama ni Cristo mula sa mga simulain ng sanlibutan, bakit kayo'y nabubuhay na parang nasa sanlibutan pa rin? Bakit kayo'y nagpapasakop sa mga alituntuning,

21 “Huwag humipo, huwag tumikim, huwag humawak”?

22 Ang lahat ng mga alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng mga tao.

23 Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman.

Lucas 6:39-49

39 Sinabi(A) naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay?

40 Ang(B) alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro.

41 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata?

42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid.

Ang Punungkahoy at ang Bunga Nito(C)

43 “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga.

44 Sapagkat(D) ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan.

45 Ang(E) mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.

Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(F)

46 “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko?

47 Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito.

48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito.[a]

49 Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001