Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 101

Ang Pangako ng Hari

101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
    Kailan nʼyo ako lalapitan?
    Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[a]
at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
    Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
    at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
    hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
    Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
    silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
    mawawala sila sa bayan ng Panginoon.

Salmo 109:1-30

Ang Daing ng Taong Nasa Kahirapan

109 O Dios na aking pinapupurihan, dinggin nʼyo ang aking panawagan!
Dahil akoʼy pinagbibintangan ng mga sinungaling at masasamang tao.
    Nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
Sinisiraan nila ako at sinusugod ng walang dahilan.
Kahit nakikipagkaibigan ako sa kanila ay kinakalaban pa rin nila ako,
    ngunit ipinapanalangin ko pa rin sila.
Sa kabutihang ginagawa ko sa kanila, masama ang iginaganti nila.
    At sa aking pag-ibig, ibinabalik nilaʼy galit.
Sinasabi nila,[a]
    “Maghanap tayo ng masamang tao na kakalaban sa kanya,
    at magsasampa ng kaso sa hukuman laban sa kanya.
At kapag hinatulan na siya, lumabas sana na siya ang may kasalanan,
    at ituring din na kasalanan ang kanyang mga panalangin.
Mamatay na sana siya agad at ibigay na lang sa iba ang katungkulan niya.
At nang maulila ang kanyang mga anak at mabiyuda ang kanyang asawa.
10 Maging palaboy sana at mamalimos ang kanyang mga anak
    at palayasin sila kahit na sa kanilang ginibang tahanan.
11 Kunin sana ng kanyang pinagkakautangan ang kanyang mga ari-arian,
    at agawin ng mga dayuhan ang kanyang pinaghirapan.
12 Wala sanang maawa sa kanya at sa mga naulila niyang mga anak kapag namatay na siya.
13 Mamatay sana ang kanyang mga angkan upang silaʼy makalimutan na ng susunod na salinlahi.
14-15 Huwag sanang patawarin at kalimutan ng Panginoon ang mga kasalanan ng kanyang mga magulang at mga ninuno;
    at lubusan na sana silang makalimutan sa mundo.
16 Dahil hindi niya naiisip na gumawa ng mabuti,
    sa halip ay inuusig at pinapatay niya ang mga dukha, ang mga nangangailangan at ang mga nawalan ng pag-asa.
17 Gustong-gusto niyang sumpain ang iba, kaya sa kanya na lang sana mangyari ang kanyang sinabi.
    Ayaw niyang pagpalain ang iba kaya sana hindi rin siya pagpalain.
18 Walang tigil niyang isinusumpa ang iba; parang damit na lagi niyang suot.
    Bumalik sana ito sa kanya na parang tubig na nanunuot sa kanyang katawan,
    at parang langis na tumatagos sa kanyang mga buto.
19 Sanaʼy hindi na ito humiwalay sa kanya na parang damit na nakasuot sa katawan o sinturon na palaging nakabigkis.”

20 Panginoon, sanaʼy maging ganyan ang inyong parusa sa mga nagbibintang at nagsasalita ng masama laban sa akin.
21 Ngunit Panginoong Dios, tulungan nʼyo ako upang kayo ay maparangalan.
    Iligtas nʼyo ako dahil kayo ay mabuti at mapagmahal.
22 Dahil akoʼy dukha at nangangailangan, at ang damdamin koʼy nasasaktan.
23 Unti-unti nang nawawala ang aking buhay. Itoʼy parang anino na nawawala pagsapit ng gabi,
    at parang balang na lumilipad at nawawala kapag nagalaw ang dinadapuan.
24 Nanghihina ang mga tuhod ko dahil sa pag-aayuno.
    Akoʼy payat na payat na.
25 Akoʼy kinukutya ng aking mga kaaway.
    Iiling-iling sila kapag akoʼy nakita.
26 Panginoon kong Dios, iligtas nʼyo ako ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin.
27 At malalaman ng aking mga kaaway na kayo Panginoon ang nagligtas sa akin.
28 Isinusumpa nila ako, ngunit pinagpapala nʼyo ako.
    Mapapahiya sila kapag sinalakay nila ako ngunit ako na inyong lingkod ay magagalak.
29 Silang nagbibintang sa akin ay lubusan sanang mapahiya,
    mabalot sana sila sa kahihiyan tulad ng damit na tumatakip sa buong katawan.

30 Pupurihin ko ang Panginoon,
    pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao.

Salmo 119:121-144

121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
    huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
    upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
    dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
    nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.

129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
    kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
    gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
    at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
    upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
    at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.

137 Matuwid kayo, Panginoon,
    at tama ang inyong mga paghatol.
138 Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139 Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140 Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
    kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141 Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142 Walang katapusan ang inyong katuwiran,
    at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143 Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
    ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144 Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
    Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.

Malakias 1:1

Ito ang mensahe ng Panginoon para sa mga taga-Israel sa pamamagitan ni Malakias.

Malakias 1:6-14

Sinaway ng Panginoon ang mga Pari

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Iginagalang ng anak ang kanyang ama at iginagalang ng alipin ang kanyang amo. Pero bakit ako na inyong ama at amo ay hindi ninyo iginagalang? Nilalapastangan ninyo ako. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano ka namin nilalapastangan?’ Nilalapastangan ninyo ako sa pamamagitan ng paghahandog ng maruruming[a] handog sa aking altar. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’[b] Naging marumi ang inyong handog dahil sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar. Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na bulag, pilay o may sakit. Hindi tama iyan. Ganyan kaya ang ihandog ninyo sa inyong gobernador at tingnan nʼyo kung matutuwa at malulugod siya sa inyo.”

Sinabi ni Malakias, “Kayong mga pari, hilingin ninyo sa Dios na kaawaan niya tayo. Pero sa ganyang klaseng mga inihahandog ninyo sa kanya, tiyak na hindi niya kayo kalulugdan. Iyan ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon.”

10 Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, “May isa sana sa mga pari nʼyo na magsara ng mga pintuan ng aking templo, upang hindi na kayo magsisindi ng walang kabuluhang apoy sa aking altar. Hindi ko tatanggapin ang inyong mga handog dahil hindi ako nalulugod sa inyo. 11 Ang totoo, pinupuri ang aking pangalan ng mga bansa, mula silangan hanggang kanluran.[c] Kahit saan nagsusunog ang mga tao ng insenso at naghahandog[d] ng malinis[e] na handog sa akin na Panginoong Makapangyarihan. 12 Pero kayo, nilalapastangan ninyo ako, dahil sinasabi ninyong marumi ang aking altar at walang kabuluhan ang mga inihahandog doon. 13 Sinasabi pa ninyo na nagsasawa na kayo sa paghahandog at binabalewala ninyo ang aking altar.[f] Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na may sugat,[g] pilay o may sakit. Akala ba ninyoʼy tatanggapin ko iyan? 14 Susumpain ko ang mga mandaraya sa inyo, na nangakong maghahandog ng pinakamabuting hayop pero ang inihahandog ay ang may kapintasan. Susumpain ko siya dahil ako ang makapangyarihang hari na kinatatakutan ng mga bansa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Santiago 3:13-4:12

Ang Karunungang Mula sa Dios

13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba. 14 Kung pagkainggit at pagkamakasarili naman ang umiiral sa inyong puso, huwag ninyong ipagyabang na may karunungan kayo, dahil pinasisinungalingan nʼyo ang katotohanan. 15 Ang ganitong karunungan ay hindi nagmumula sa Dios kundi sa mundo. Mula ito sa diyablo at hindi sa Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kung saan umiiral ang pagkainggit at pagkamakasarili, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng kasamaan. 17 Ngunit ang taong may karunungang mula sa Dios, una sa lahat ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari. 18 Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.

Huwag Ibigin ang Mundo

Ano ba ang pinagmumulan ng mga pag-aaway at alitan ninyo? Hindi baʼt ang masasamang kagustuhan na naglalaban-laban sa puso nʼyo? May mga ninanais kayo pero hindi nʼyo makamtan, kaya handa kayong pumatay dahil dito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo. Hindi nʼyo nakakamtan ang mga ninanais nʼyo dahil hindi kayo humihingi sa Dios. At kung humihingi naman kayo, wala kayong natatanggap dahil humihingi kayo nang may masamang motibo para mapagbigyan ang sarili nʼyong kasiyahan. Kayong mga hindi tapat sa Dios, hindi nʼyo ba alam na kaaway ng Dios ang umiibig sa mundo? Kaya ang sinumang nagnanais makipagkaibigan sa mundo ay ginagawa niyang kaaway ng Dios ang sarili niya. Huwag ninyong isipin na walang kabuluhan ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Espiritung pinatira sa atin na may kaagaw sa pag-ibig niya.”[a] Ngunit sapat ang biyayang ibinigay ng Dios. Kaya nga sinasabi sa Kasulatan, “Kinakalaban ng Dios ang mga mapagmataas, pero kinakaawaan niya ang mapagpakumbaba.”[b]

Kaya magpasakop kayo sa Dios. Labanan nʼyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo. Lumapit kayo sa Dios at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin nʼyo ang inyong puso. Maging malungkot kayo at maghinagpis dahil sa mga kasalanan nʼyo. Palitan nʼyo ng pagdadalamhati ang pagsasaya ninyo. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo.

Paalala sa Paghuhusga sa Kapwa

11 Mga kapatid, huwag ninyong siraan ang isaʼt isa. Ang naninira o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. At kung ikaw ang humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad nito kundi isa nang hukom. 12 Ngunit ang Dios lang ang nagbigay ng Kautusan at siya lamang ang hukom. Tanging siya ang may kakayahang magligtas at magparusa.[c] Kaya sino ka para husgahan ang kapwa mo?

Lucas 17:11-19

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Lalaking may Malubhang Sakit sa Balat

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo 13 at sumigaw kay Jesus, “Panginoong Jesus, maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat. 15 Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Jesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios. 16 Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano. 17 Sinabi ni Jesus, “Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan ang siyam? 18 Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Dios maliban sa taong ito na hindi Judio?” 19 Sinabi niya sa lalaki, “Tumayo ka at umuwi na. Iniligtas[a] ka ng pananampalataya mo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®