Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 70-71

Dalangin para Tulungan ng Dios

(Salmo 40:13-17)

70 Panginoong Dios,
    iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
    Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
    Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
    O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
    Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
    Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.

Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas

71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
    Dinggin nʼyo ako at iligtas.
Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
    Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
    Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
    Pupurihin ko kayo magpakailanman.
Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
    dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
    Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
    kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
    at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
    Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
    na matuwid kayo at nagliligtas,
    kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
    at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
    Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
    inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
    huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
    Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
    at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
    Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
    Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
    Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
    at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
    O Banal na Dios ng Israel,
    aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
    at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.

Salmo 74

Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan

74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
    Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
    Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
    tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
    Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
    Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
    Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
    Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
    Kumilos na kayo![a]
    Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
    Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
    at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
    Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
    Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
    dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
    Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
    Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.

Error: 'Ecclesiastico 44:1-15' not found for the version: Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pahayag 16:12-21

12 Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa malawak na ilog ng Eufrates. Natuyo ang ilog upang makadaan doon ang hari mula sa silangan. 13 At nakita kong lumabas mula sa bunganga ng dragon, ng halimaw, at ng huwad at sinungaling na propeta, ang tatlong masasamang espiritu na parang mga palaka. 14 Iyon ang mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pumunta sila sa mga hari sa buong mundo upang tipunin sila para sa pakikipaglaban sa Dios pagdating ng dakilang araw na itinakda ng Dios na makapangyarihan sa lahat. 15-16 Ang lugar na pinagtipunan sa kanila at sa kanilang mga sundalo ay tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo.

Pero sinabi ng Panginoon, “Makinig kayong mabuti! Darating ako na tulad ng magnanakaw dahil walang nakakaalam. Mapalad ang taong nagbabantay at hindi naghuhubad ng kanyang damit, upang sa pagdating ko ay hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa mga tao.”

17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa hangin. At may narinig akong sumisigaw mula sa trono sa templo, “Naganap na ang lahat!” 18 Pagkatapos, kumidlat, kumulog, umugong at lumindol nang napakalakas. Walang ganoong kalakas na lindol sa buong kasaysayan ng tao. Iyon ang pinakamalakas sa lahat. 19 Ang dakilang lungsod ng Babilonia ay nahati sa tatlo at ang mga lungsod sa lahat ng bansa ay nawasak. Tinupad ng Dios ang sinabi niya tungkol sa mga taong nakatira sa lungsod ng Babilonia, kaya dumating na sa kanila ang parusa ng Dios, dahil sa matinding galit niya. 20 Naglaho ang lahat ng isla at naglaho rin ang mga bundok. 21 Inulan ang mga tao ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng 50 kilo bawat tipak. At nilait ng mga tao ang Dios dahil sa matinding salot na iyon.

Lucas 13:18-30

Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)

18 Nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo niya, “Ano kaya ang katulad ng paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 19 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[a] na itinanim ng isang tao sa kanyang taniman. Tumubo iyon at lumaki na parang punongkahoy ang taas, at pinamugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”

Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(B)

20 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano ko pa kaya maihahambing ang paghahari ng Dios? 21 Katulad ito ng pampaalsang inihalo ng isang babae sa malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”

Ang Makipot na Pintuan(C)

22 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon. 23 May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sumagot si Jesus, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’ Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 At sasabihin ninyo, ‘Nakasalo po ninyo kami sa pagkain at pag-inom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’ 27 Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’ 28 Iiyak kayo at magngangalit ang inyong ngipin[b] kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta na napabilang sa paghahari ng Dios, habang kayo naman ay itinaboy sa labas.[c] 29 Makikita rin ninyo ang mga hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako[d] ng mundo na kasalo sa handaan ng paghahari ng Dios. 30 May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®