Book of Common Prayer
Ang Dios ang Hukom
75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
2 Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
3 Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
4 Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
5 Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
6 Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
7 kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
8 Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
9 Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.
Sa Dios ang Tagumpay
76 Kilalang-kilala ang Dios sa Juda,
at sa Israel ay dakila siya.
2 Nakatira siya sa bundok ng Zion sa Jerusalem[d]
3 Doon, sinira niya ang mga nagniningas na palaso ng kaaway,
ang kanilang mga pananggalang, espada at iba pang kagamitang pandigma.
4 O Dios, makapangyarihan kayo at higit na dakila habang bumababa kayo sa bundok na kung saan pinatay nʼyo ang inyong mga kaaway.[e]
5 Binawi nʼyo sa matatapang na sundalo ang kanilang mga sinamsam.
Silang lahat ay namatay na;
wala nang makakapagbuhat pa ng kamay sa amin.
6 O Dios ni Jacob, sa inyong sigaw,[f] ang mga kawal[g] at ang kanilang mga kabayo ay namatay.
7 Kaya dapat kayong katakutan.
Sinong makakatagal sa inyong harapan kapag kayoʼy nagalit?
8 Mula sa langit ay humatol kayo.
Ang mga tao sa mundo ay natakot at tumahimik
9 nang humatol kayo, O Dios,
upang iligtas ang lahat ng inaapi sa daigdig.
10 Tiyak na ang galit nʼyo sa mga tao[h] ay magbibigay ng karangalan sa inyo,
ngunit hindi nʼyo pa lubusang ibinubuhos ang inyong galit.
11 Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito.
Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan.
12 Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno;
kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.
Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol
23 Ang Panginoon ang aking pastol,
hindi ako magkukulang ng anuman.
2 Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
3 Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
upang siyaʼy aking maparangalan.
4 Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
dahil kayo ay aking kasama.
Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
5 Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
6 Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.
Panalangin ng Pagtitiwala
27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
Sino ang aking katatakutan?
Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
2 Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
sila ang nabubuwal at natatalo!
3 Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
hindi ako matatakot.
Kahit salakayin nila ako,
magtitiwala ako sa Dios.
4 Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
5 Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
6 Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
umaawit at nagpupuri.
7 Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
8 Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
9 Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
Kayo na laging tumutulong sa akin,
huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.
14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos nito, nakita ko ang isang anghel na bumaba mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan. 2 Sumigaw siya nang malakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang sikat na lungsod ng Babilonia. Tirahan na lang ito ngayon ng mga demonyo at masasamang espiritu, at mga kasuklam-suklam na ibon na itinuturing na marumi. 3 Nangyari ito sa lungsod ng Babilonia dahil inakit nito ang mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad niya na kinamumuhian ng Dios. Ang mga hari sa mundo ay nakipagrelasyon sa kanya. At yumaman ang mga negosyante sa mundo, dahil sa kanila siya bumibili ng mga pangangailangan niya upang masunod ang bisyo at kalayawan niya.”
4 Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi,
“Kayong mga mamamayan ko, lumayo kayo sa kanya
upang hindi kayo maging bahagi sa ginagawa niyang kasalanan,
at upang hindi ninyo danasin ang parusang nakalaan sa kanya.
5 Ang bunton ng kanyang kasalanan ay abot hanggang langit.
At hindi na palalagpasin ng Dios ang kanyang kasamaan.
6 Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niyang masama sa inyo.
Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo doblehin ninyo at ibigay sa kanya.
7 Kung paanong nagmataas siya at namuhay sa karangyaan at kalayawan,
gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan.
Sapagkat inakala niyang reyna siya at hindi makakaranas ng kalungkutan tulad ng mga biyuda.
8 Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya sa loob lang ng isang araw ang mga salot:
mga sakit, kalungkutan, at gutom.
Pagkatapos, susunugin siya,
sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Dios na nagpaparusa sa kanya.”
9 “Iiyakan siya ng mga haring nakipagrelasyon sa kanya at nakisama sa kalayawan niya kapag nakita nila ang usok ng kanyang pagkasunog. 10 Tatayo lang sila sa malayo at magmamasid dahil takot silang madamay sa parusa sa lungsod na iyon. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat at makapangyarihang lungsod ng Babilonia. Sa loob lang ng maikling panahon[a] ay naparusahan siya!’
11 “Iiyak at magdadalamhati sa kanya ang mga negosyante sa buong mundo dahil wala nang bibili ng mga paninda nila. 12 Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, mamahaling bato, at perlas; at ng kanilang mga telang linen, seda at mga telang kulay ube at pula. Wala na ring bibili ng kanilang mababangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante at yari sa mamahaling kahoy, tanso, bakal at marmol. 13 At sino pa ang bibili ng mga pabango nila tulad ng sinamon, kamangyan, mira at iba pa? Wala nang bibili ng kanilang mga alak, langis, harina at trigo; at ng kanilang mga baka, tupa, kabayo at karo; at pati ng kanilang mga alipin at mga tao. 14 Sasabihin ng mga negosyante sa lungsod ng Babilonia, ‘Nawala na ang lahat ng bagay na hinangad mo na maangkin. Kinuha na sa iyo ang lahat ng kayamanan at ari-ariang ipinagmamalaki mo, at hindi mo na makikitang muli ang mga ito!’
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Minamanas
14 Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Jesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Minamanmanan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya. 2 Doon ay may isang lalaking minamanas. 3 Tinanong ni Jesus ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling ng may sakit sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” 4 Pero hindi sila sumagot. Kaya hinawakan ni Jesus ang may sakit, pinagaling at saka pinauwi. 5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Kung mahulog ang anak o baka ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan nʼyo na lang ba ito? Siyempre, iaahon nʼyo agad, hindi ba?” 6 Hindi sila nakasagot sa tanong niya.
Matutong Magpakababa
7 Napansin ni Jesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito, 8 “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo. 9 At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao. 10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin. 11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®