Book of Common Prayer
Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)
105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
2 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
3 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
7 Siya ang Panginoon na ating Dios,
siya ang humahatol sa buong mundo.
8 Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
9 – ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”
12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.
23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.
37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
at may dala pa silang mga pilak at ginto.
At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.
Purihin ang Panginoon!
Tinanggap ng mga Israelita ang Kasunduan ng Panginoon
24 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin at isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang 70 tagapamahala ng Israel. Sa malayo mo sila pasambahin sa akin. 2 Ikaw lang, Moises, ang makakalapit sa akin, ang ibaʼy hindi na maaaring makalapit sa akin. Hindi dapat umakyat dito ang mga tao kasama mo.”
3 Nang sinabi ni Moises sa mga tao ang lahat ng itinuro at iniutos ng Panginoon, sabay-sabay silang sumagot, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” 4 At isinulat ni Moises ang lahat ng sinabi ng Panginoon.
Kinaumagahan, bumangon si Moises at nagpatayo ng altar sa may paanan ng bundok, at naglagay siya ng 12 haliging bato na kumakatawan sa 12 lahi ng Israel. 5 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kabataang lalaki na mag-alay sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mag-alay din ng mga toro bilang handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon. 6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay ito sa mga mangkok at iwinisik sa altar ang kalahati. 7 Kinuha rin niya ang Aklat ng Kasunduan at binasa ito sa mga tao. At sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon. Susundin namin siya.”
8 Pagkatapos, kinuha niya ang dugo sa mga mangkok at iwinisik ito sa mga tao, at sinabi, “Ito ang dugo na nagpapatibay sa kasunduan na ginawa ng Panginoon sa inyo nang ibigay niya ang mga utos na ito.”
9 Pumunta paakyat sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at 70 tagapamahala ng Israel, 10 at nakita nila ang Dios ng Israel. Sa paanan niya ay may parang daan na gawa sa batong safiro na kasinglinaw ng langit. 11 Kahit nakita na ng mga pinuno ang Dios, hindi sila pinatay ng Dios. Kumain pa sila at uminom doon sa kanyang presensya.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumunta ka rito sa akin sa itaas ng bundok at maghintay, dahil ibibigay ko sa iyo ang malalapad na batong sinulatan ko ng mga kautusan at batas ko para ituro sa mga tao.” 13 Kaya umakyat si Moises sa bundok kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago sila umakyat, sinabi ni Moises sa mga tagapamahala ng Israel, “Hintayin nʼyo kami rito hanggang sa makabalik kami. Maiiwan dito sina Aaron at Hur, at kung may problema kayo, lumapit lang kayo sa kanila.”
15 Pagdating ni Moises sa itaas ng bundok, natakpan ng ulap ang bundok. 16 At bumaba ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai. At sa loob ng anim na araw, natakpan ng ulap ang bundok. Sa ikapitong araw, tinawag ng Panginoon si Moises mula sa ulap. 17-18 Kaya pumasok si Moises sa ulap habang papaakyat pa siya sa bundok. Nagpaiwan siya roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi. Para sa mga Israelitang nasa ibaba, parang apoy na naglalagablab ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa tuktok ng bundok.
8 Mag-ingat kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapandayang pilosopiya. Mga tradisyon lang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Cristo. 9 Kaya huwag kayong padadala, dahil ang kapuspusan ng Dios ay nananahan sa katawan ni Cristo. 10 At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.
11 Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Cristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuli na ito ay hindi pisikal kundi espiritwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Inilibing kayong kasama ni Cristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Cristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Dios na bumuhay sa kanya. 13 Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga kasalanan ninyo. Pero ngayon, binuhay kayo ng Dios kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang lahat ng kasalanan natin. 14 May pananagutan dapat tayo sa Dios dahil hindi natin matupad ang Kautusan. Pero inalis ito ng Dios sa pamamagitan ng pagkapako ni Cristo sa krus. Kaya hindi na tayo parurusahan. 15 Doon din sa krus nilupig ng Dios ang mga espiritung namumuno at may kapangyarihan, at ipinakita sa lahat na ang mga ito ay bihag na niya.
16 Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga. 17 Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan nito. 18 Huwag kayong padadaya sa mga taong humihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili nʼyo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang, walang kabuluhan, at gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip. 19 Wala silang kaugnayan kay Cristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay-ugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayo nang naaayon sa Dios.
Ang Bagong Buhay Kay Cristo
20 Namatay kayong kasama ni Cristo, at pinalaya sa mga walang kabuluhang pamamaraan ng mundo, kaya bakit namumuhay pa rin kayo na parang mga makamundo? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga tuntuning tulad ng, 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyon,” “Huwag hihipo niyan”? 22 Ang mga itoʼy batay lang sa utos at turo ng tao tungkol sa mga bagay na nawawala pagkatapos kainin o inumin. 23 Sa unang tingin, parang may karunungan ang mga ganitong katuruan tungkol sa gusto nilang pagsamba, pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa sariling katawan. Pero ang totoo, wala namang naitutulong ang mga ito sa pagpipigil sa masasamang hilig ng laman.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(A)
12 Nang mabalitaan ni Jesus na nakulong si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali. 14 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
15 “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa[a] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.
Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.
16 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”[b]
17 Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na[c] ang paghahari ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®