Book of Common Prayer
Ang Panalangin ng Taong Matuwid
26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
2 Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
3 dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
4 Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
5 Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
8 Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.
9-10 Huwag nʼyo po akong parusahang kasama ng mga makasalanan,
gaya ng mga mamamatay-tao.
Palagi silang handang gumawa ng masama,
at nanghihingi ng suhol.
11 Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,
kaya iligtas nʼyo ako at inyong kahabagan.
12 Ngayon, ligtas na ako sa panganib,[b]
kaya pupurihin ko kayo, Panginoon, sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.
Panalangin ng Paghingi ng Tulong
28 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
2 Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
Humingi ako sa inyo ng tulong,
habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
3 Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
Nagkukunwari silang mga kaibigan,
pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
4 Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
5 Binalewala nila ang inyong mga gawa.
Gaya ng lumang gusali,
gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
6 Purihin kayo, Panginoon,
dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
7 Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
Tinutulungan nʼyo ako,
kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
8 Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
9 Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
at kalungin magpakailanman.
Ang Kasamaan ng Tao at ang Kabutihan ng Dios
36 Pumapasok sa puso ng masamang tao ang tukso ng pagsuway,
kaya wala man lang siyang takot sa Dios.
2 Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili,
hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan para kamuhian ito.
3 Ang kanyang mga sinasabi ay puro kasamaan at kasinungalingan.
Hindi na niya iniisip ang paggawa ng ayon sa karunungan at kabutihan.
4 Kahit siyaʼy nakahiga, nagpaplano siya ng masama.
Napagpasyahan niyang gumawa ng hindi mabuti,
at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.
5 Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
ay umaabot hanggang sa kalangitan.
6 Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
7 Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
tulad ng pagkalinga ng inahing manok
sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
8 Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
9 Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
Pinapaliwanagan nʼyo kami,
at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan ng mga mapagmataas
o itaboy ng mga masasama.
12 Ang masasamang tao ay mapapahamak nga.
Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon.
Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan
39 Sinabi ko sa aking sarili,
“Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
2 Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
3 Akoʼy tunay na nabahala,
at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
4 “Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
5 Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
6 o kayaʼy parang anino na nawawala.
Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
7 At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
8 Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
9 Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]
12 “Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”
Sa Bundok ng Sinai
19 1-2 Umalis ang mga Israelita sa Refidim at pumunta sa ilang ng Sinai. Doon sa harap ng bundok sila nagkampo. Ikatlong buwan ito mula nang lisanin nila ang Egipto.
3 Umakyat si Moises sa bundok para makipagkita sa Dios. Tinawag siya ng Panginoon doon sa bundok at sinabi, “Sabihin mo ito sa mga Israelita na mga lahi ni Jacob: 4 ‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Egipcio, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak. 5 Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa para maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo, 6 pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”
7 Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga tagapamahala ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 8 At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap para marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
10 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila[a] ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit. 11 Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang Panginoon ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao. 12 Maglagay ka ng tanda sa paligid ng bundok kung hanggang saan lamang tatayo ang mga tao. Sabihin mo sa kanila na huwag silang aakyat o lalapit sa bundok. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin, 13 tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”
14 Bumaba si Moises sa bundok at inutusan niya silang linisin ang mga sarili nila. At nilabhan ng mga tao ang kanilang mga damit. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo para sa ikatlong araw; huwag muna kayong makipagtalik sa inyong asawa.”
16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na kapatid natin.
2 Mahal kong mga taga-Colosas, pinabanal[a] at matatapat na kapatid na nakay Cristo:
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Colosas
3 Lagi kaming nagpapasalamat sa Dios na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa tuwing nananalangin kami para sa inyo. 4 Sapagkat nabalitaan namin ang pananampalataya nʼyo bilang mga nakay Cristo Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal ng Dios, 5 dahil umaasa kayong makakamtan ninyo ang mga inilaan para sa inyo sa langit. Ang pag-asang itoʼy una ninyong narinig nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita. 6 At ang Magandang Balitang itoʼy lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios. 7 Natutunan nʼyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Cristo, at pumariyan siya bilang kinatawan namin. 8 Siya ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig nʼyo na ibinigay ng Banal na Espiritu.
9 Kaya nga, mula nang mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, patuloy namin kayong ipinapanalangin. Hinihiling namin sa Dios na bigyan nawa kayo ng karunungan at pang-unawang mula sa Banal na Espiritu para lubusan ninyong malaman ang kalooban niya. 10 Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios. 11 Nawaʼy palakasin niya kayo sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan, para makatagal at makapagtiis kayo sa lahat ng bagay nang may kagalakan. 12 At makapagpapasalamat din kayo sa Ama. Ginawa niya kayong karapat-dapat na makabahagi sa mamanahin ng mga pinabanal niya, ang manang nasa kinaroroonan ng kaliwanagan. 13 Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng minamahal niyang Anak. 14 At sa pamamagitan ng kanyang Anak, tinubos niya tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad na ang ating mga kasalanan.
7 Pero nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang pumupunta para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? 8 Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. 9 Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 10 Tandaan ninyo, ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol para putulin ang mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi, ngunit may isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[a] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Tulad siya ng isang taong nagtatahip upang ihiwalay ang ipa sa butil. Ilalagay niya ang mga butil sa bodega, at ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®