Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 38

Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap

38 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
    Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
    Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
Sumasakit ang buo kong katawan,
    at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
    at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
    at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10 Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
    pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11 Dahil sa aking karamdaman,
    akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
    at maging ng aking mga kamag-anak.
12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
    Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
    Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.

13 Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14 Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15 Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
    Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
    “Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
    o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17 Akoʼy parang babagsak na
    sa walang tigil na paghihirap.
18 Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.

19 Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
    Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20 Sa mabuti kong ginawa,
    sinusuklian nila ako ng masama.
    At kinakalaban nila ako
    dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.

21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
    huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.

Salmo 119:25-48

25 Akoʼy parang mamamatay na, kaya panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
26 Sinabi ko sa inyo ang tungkol sa aking pamumuhay at pinakinggan nʼyo ako.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
27 Ipaunawa nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
    upang pagbulay-bulayan ko ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
28 Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan, palakasin nʼyo ako ayon sa inyong pangako.
29 Ilayo nʼyo ako mula sa paggawa ng masama,
    at tulungan nʼyo ako na sundin ang inyong kautusan.
30 Pinili ko ang tamang daan,
    gusto kong sumunod sa inyong mga utos.
31 Panginoon, sinunod ko ang inyong mga turo,
    kaya huwag nʼyong papayagang akoʼy mapahiya.
32 Pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga utos,
    dahil pinapalawak nʼyo ang aking pang-unawa.

33 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
    at habang nabubuhay itoʼy aking susundin.
34 Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan,
    at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan.
35 Pangunahan nʼyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos,
    dahil ito ang aking kasiyahan.
36 Bigyan nʼyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman.
37 Ilayo nʼyo ako sa pagnanais ng mga bagay na walang kabuluhan.
    Panatilihin nʼyo ang aking buhay[a] ayon sa inyong pangako.
38 Tuparin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
    na siyang mga ipinangako nʼyo sa mga may takot sa inyo.
39 Alisin nʼyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan,
    dahil mabuti ang inyong mga tuntunin.
40 Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin.
    Dahil kayoʼy matuwid, panatilihin nʼyo akong buhay.[b]

41 Panginoon, ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.
42 Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin,
    dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.
43 Tulungan nʼyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon,
    dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga kautusan.
44 Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.
45 Mamumuhay akong may kalayaan,
    dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
46 Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.
47 Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos na aking minamahal.
48 Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal,
    at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.

Exodus 19:16-25

16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[a] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[b]

20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, 21 at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo sila na huwag na huwag silang lalampas sa hangganan na inilagay sa paligid ng bundok para tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. 22 Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa presensya koʼy kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”

23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Paano po aakyat ang mga tao sa bundok gayong binigyan nʼyo na kami ng babala na ituring naming banal ang bundok, at sinabihan nʼyo kaming lagyan ng tanda ang paligid ng bundok kung hanggang saan lang kami tatayo.”

24 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Pero ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, para hindi ko sila parusahan.”

25 Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.

Colosas 1:15-23

Ang Kadakilaan ni Cristo

15 Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. 17 Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. 18 Si Cristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan[a] nito, ang unang nabuhay sa mga patay, para maging pinakadakila siya sa lahat. 19 Sapagkat minabuti ng Dios na ang pagka-Dios niya ay manahan nang lubos kay Cristo, 20 at sa pamamagitan ni Cristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng dugo[b] ni Cristo sa krus.

21 Noong una ay malayo kayo sa Dios, at naging kaaway niya dahil sa kasamaan ng inyong pag-iisip at mga gawa. 22 Pero ngayon, ibinalik na niya kayo sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng katawang-tao ni Cristo. Kaya maihaharap na kayo sa kanya na banal, malinis at walang kapintasan. 23 Pero kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa pananampalataya, at huwag hayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na narinig ninyo. Ang Magandang Balita na ito ay ipinahayag na sa buong mundo, at akong si Pablo ay naging lingkod nito.

Mateo 3:13-17

Ang Pagbabautismo kay Jesus(A)

13 Dumating si Jesus sa Ilog ng Jordan mula sa Galilea at pinuntahan niya si Juan upang magpabautismo. 14 Tumutol si Juan na bautismuhan si Jesus at sinabi, “Bakit magpapabautismo ka sa akin? Ako ang dapat magpabautismo sa iyo.” 15 Pero sumagot si Jesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, dahil ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Dios.” Kaya pumayag si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Bumukas ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Dios na bumaba sa kanya na tulad ng isang kalapati. 17 At may boses na narinig mula sa langit na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®