Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 45

Awit sa Maharlikang Kasalan

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.

45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
    habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
    panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.

Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
    kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
    ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;
    sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!

Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay,
    alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;
    tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;
    susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.

Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[b]
    isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
    higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
    mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
    inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
    samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
    palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.

10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
    ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
    siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
    pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.

13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
    sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
    mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
    nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.

16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
    kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
    kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!

Mga Awit 47-48

Kataas-taasang Hari

Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
    Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
    siya'y naghahari sa sangkatauhan.
Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
    sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
Siya ang pumili ng ating tahanan,
    ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[a]

Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
    sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
    awitan ang hari, siya'y papurihan!
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
    awita't purihin ng mga nilikha!

Maghahari siya sa lahat ng bansa,
    magmula sa tronong banal at dakila.
Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
    sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
    lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.

Zion, ang Bayan ng Diyos

Awit na katha ng angkan ni Korah.

48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
    sa loob ng muog ng banal na bayan.

Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
    upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
    pawang nagsitakas at nahintakutan.
Ang nakakatulad ng pangamba nila
    ay pagluluwal ng butihing ina.
Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.

Sa banal na lunsod ay aming namasid
    ang kanyang ginawa na aming narinig;
    ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[b]

Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
    nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
    sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11     Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
    dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.

12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13     ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14     na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
    sa buong panahon siya ang patnubay.

Genesis 37:12-24

Ipinagbili si Jose at Dinala sa Egipto

12 Isang araw, nasa Shekem ang mga kapatid ni Jose at pinapastol doon ang kawan ng kanilang ama. 13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.”

“Opo,” tugon ni Jose.

14 Sinabi pa ng kanyang ama, “Tingnan mo kung sila'y nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos, bumalik ka agad at nang malaman ko.” Lumakad nga si Jose mula sa libis ng Hebron at nakarating sa Shekem. 15 Sa kanyang paglalakad, nakita siya ng isang lalaki at tinanong kung anong hinahanap niya.

16 “Hinahanap ko po ang aking mga kapatid na nagpapastol ng aming kawan,” sagot niya. “Saan ko po kaya sila makikita?”

17 Sinabi ng lalaki, “Umalis na sila at ang dinig ko'y sa Dotan pupunta.” Sumunod si Jose at natagpuan nga roon ang mga kapatid.

18 Malayo pa'y natanaw na siya ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. 19 Sinabi nila, “Ayan na ang mahilig managinip! 20 Patayin natin siya at ihulog sa balon, at sabihing siya'y sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”

21 Narinig ito ni Ruben at binalak niyang iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. 22 Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid at dalhin ito sa kanyang ama. 23 Paglapit ni Jose, hinubad nila ang mahabang damit nito na may manggas,[a] 24 at inihulog sa isang tuyong balon.

1 Corinto 1:20-31

20 Ano(A) ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat(B) ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.

26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. 27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. 29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. 30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. 31 Kaya(C) nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”

Marcos 1:14-28

Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(A)

14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(B) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![a] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(C)

16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.

Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(D)

21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(E) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”

26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”

28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.