Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
95 Tayo na't lumapit
kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
2 Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
3 Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
4 Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
5 Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
6 Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
7 Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.
At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
8 “Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
9 Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
2 Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
matibay na kuta para sa aking kaligtasan.
3 Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
4 Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
5 Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.
6 Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
7 Matutuwa ako at magagalak,
dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
alam mo ang aking pagdurusa.
8 Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.
9 O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
pati mga buto ko'y naaagnas na rin.
11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
plano nilang ako ay patayin.
14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
ikaw ang aking Diyos na dakila!
15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
ang mga palalong ang laging layunin,
ang mga matuwid ay kanilang hamakin.
19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
upang hindi laitin ng mga kaaway.
21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
nang ang iyong tulong ay aking hingin.
23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
35 Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
2 Ang iyong kalasag at sandatang laan,
kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
3 Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!
4 Silang nagnanasang ako ay patayin
ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
hadlangan mo sila at iyong lituhin.
5 Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
habang tinutugis ng sinugong anghel.
6 Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
7 Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
8 Hindi nila alam sila'y mawawasak,
sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.
9 Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
“Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”
11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14 Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
wari'y inulila ng ina kong mahal.
15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.
17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
Iligtas mo ako sa ganid na leon;
sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
pupurihin kita sa harap ng bayan.
19 Huwag(A) mong tutulutang ang mga kaaway,
magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
magalak sa aking mga kalumbayan.
20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
“Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
“Siya ay nagapi namin sa labanan!”
26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”
28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
sa buong maghapon ay papupurihan!
Kamatayan sa Nagkasala
18 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ano(A) ba ang ibig ninyong sabihin sa kasabihan ninyong, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin’?”
3 “Ako ang buháy na Diyos,” sabi pa ni Yahweh, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel. 4 Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.
25 “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. 26 Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. 27 At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. 28 Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay. 29 Maaari ngang sabihin ninyong hindi tama ang ginagawa ko. Sasabihin ko namang ang ginagawa ninyo ang hindi tama.
30 “Kaya nga, bawat isa sa inyo ay hahatulan ko ayon sa kanyang ginawa. Magsisi nga kayo't tumalikod sa inyong kasamaan bago bumagsak sa inyo ang parusa. 31 Lumayo kayo sa inyong kasamaan at magbagong-buhay sapagkat di kayo dapat mamatay, mga Israelita. 32 Hindi(A) ko gustong mamatay ang sinuman, kaya magpakabuti na kayo upang mabuhay.”
Ilang mga Tagubilin
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking kagalakan at karangalan, sa ganitong paraan ay magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.
2 Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. 3 Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong katuwang, tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang mga pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! 5 Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. 6 Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
8 Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. 9 Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
9 “Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iniiwan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa. 12 Habang(A) kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong tiyak na mapapahamak,[a] upang matupad ang kasulatan. 13 Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. 14 Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. 15 Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama! 16 Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. 17 Ibukod mo sila para sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko ang aking sarili para sa iyo, upang maitalaga rin sila sa katotohanan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.