Book of Common Prayer
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit na katha ni David.
103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
5 Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
6 Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
7 Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
8 Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.
11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.
15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!
Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos
148 Purihin si Yahweh!
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya'y papurihan.
2 Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
3 Ang araw at buwan, siya ay purihin,
purihin din siya ng mga bituin,
4 mataas na langit, siya ay purihin,
tubig sa itaas, gayon din ang gawin!
5 Siya ang may utos na kayo'y likhain,
kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
6 Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
hindi magbabago magpakailanpaman.[a]
7 Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
maging dambuhala nitong karagatan.
8 Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
malakas na hangin, sumunod na lahat!
9 Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
maging hayop na gumagapang at mga ibon.
11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
matatandang tao't kaliit-liitan.
13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Purihin si Yahweh!
62 Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tatahimik hanggang hindi niya nakakamit ang kaligtasan;
hanggang sa makita ang kanyang tagumpay na parang sulong nagliliyab.
2 Makikita ng mga bansa ang pagpapawalang-sala sa iyo,
at ng lahat ng hari ang iyong kaningningan.
Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan,
na si Yahweh mismo ang magkakaloob.
3 Ikaw ay magiging magandang korona sa kamay ni Yahweh, isang maharlikang putong na hawak ng Diyos.
4 Hindi ka na tatawaging ‘Pinabayaan,’
at ang lupain mo'y hindi na rin tatawaging ‘Asawang Iniwanan.’
Ang itatawag na sa iyo'y ‘Kinalulugdan ng Diyos,’
at ang lupain mo'y tatawaging ‘Maligayang Asawa,’
sapagkat si Yahweh ay nalulugod sa iyo,
at ikaw ay magiging parang asawa sa iyong lupain.
5 Tulad ng isang binatang ikinakasal sa isang birhen,
ikaw ay pakakasalan ng sa iyo ay lumikha,
kung paanong nagagalak ang binata sa kanyang kasintahan,
ganoon din ang kagalakan ng Diyos sa iyo.
10 Pumasok kayo at dumaan sa mga pintuan!
Gumawa kayo ng daan para sa ating kababayang nagsisibalik!
Maghanda kayo ng malawak na lansangan! Alisan ninyo ito ng mga bato!
Maglagay kayo ng mga tanda upang malaman ng mga bansa,
11 na(A) si Yahweh ay nagpapahayag sa buong lupa:
Sabihin mo sa mga taga-Zion,
“Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas;
dala niya ang gantimpala sa mga hinirang.”
12 Sila'y tatawagin ng mga tao na ‘Bayang Banal, na Tinubos ni Yahweh.’
Tatawagin silang ‘Lunsod na Minamahal ng Diyos,’
‘Lunsod na hindi Pinabayaan ng Diyos.’
Ang Nakasakay sa Kabayong Puti
11 Pagkaraan(A) nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang(B) nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at sa kanyang ulo ay mayroong maraming korona. Nakasulat sa kanya ang isang pangalan niya na siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan. 13 Basang-basa(C) sa dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” 14 Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. 15 May(D) matalim na tabak na lumalabas sa kanyang bibig na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
Isinilang si Jesu-Cristo(A)
18 Ito(B) ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan[a] si Maria nang palihim.
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang(C) siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
23 “Maglilihi(D) ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
(ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”).
24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit(E) hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.