Book of Common Prayer
Ang Pangako ng Hari
101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
2 Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
Kailan nʼyo ako lalapitan?
Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[a]
3 at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
4 Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
5 Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
6 Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
7 Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
8 Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
mawawala sila sa bayan ng Panginoon.
Ang Daing ng Taong Nasa Kahirapan
109 O Dios na aking pinapupurihan, dinggin nʼyo ang aking panawagan!
2 Dahil akoʼy pinagbibintangan ng mga sinungaling at masasamang tao.
Nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
3 Sinisiraan nila ako at sinusugod ng walang dahilan.
4 Kahit nakikipagkaibigan ako sa kanila ay kinakalaban pa rin nila ako,
ngunit ipinapanalangin ko pa rin sila.
5 Sa kabutihang ginagawa ko sa kanila, masama ang iginaganti nila.
At sa aking pag-ibig, ibinabalik nilaʼy galit.
6 Sinasabi nila,[a]
“Maghanap tayo ng masamang tao na kakalaban sa kanya,
at magsasampa ng kaso sa hukuman laban sa kanya.
7 At kapag hinatulan na siya, lumabas sana na siya ang may kasalanan,
at ituring din na kasalanan ang kanyang mga panalangin.
8 Mamatay na sana siya agad at ibigay na lang sa iba ang katungkulan niya.
9 At nang maulila ang kanyang mga anak at mabiyuda ang kanyang asawa.
10 Maging palaboy sana at mamalimos ang kanyang mga anak
at palayasin sila kahit na sa kanilang ginibang tahanan.
11 Kunin sana ng kanyang pinagkakautangan ang kanyang mga ari-arian,
at agawin ng mga dayuhan ang kanyang pinaghirapan.
12 Wala sanang maawa sa kanya at sa mga naulila niyang mga anak kapag namatay na siya.
13 Mamatay sana ang kanyang mga angkan upang silaʼy makalimutan na ng susunod na salinlahi.
14-15 Huwag sanang patawarin at kalimutan ng Panginoon ang mga kasalanan ng kanyang mga magulang at mga ninuno;
at lubusan na sana silang makalimutan sa mundo.
16 Dahil hindi niya naiisip na gumawa ng mabuti,
sa halip ay inuusig at pinapatay niya ang mga dukha, ang mga nangangailangan at ang mga nawalan ng pag-asa.
17 Gustong-gusto niyang sumpain ang iba, kaya sa kanya na lang sana mangyari ang kanyang sinabi.
Ayaw niyang pagpalain ang iba kaya sana hindi rin siya pagpalain.
18 Walang tigil niyang isinusumpa ang iba; parang damit na lagi niyang suot.
Bumalik sana ito sa kanya na parang tubig na nanunuot sa kanyang katawan,
at parang langis na tumatagos sa kanyang mga buto.
19 Sanaʼy hindi na ito humiwalay sa kanya na parang damit na nakasuot sa katawan o sinturon na palaging nakabigkis.”
20 Panginoon, sanaʼy maging ganyan ang inyong parusa sa mga nagbibintang at nagsasalita ng masama laban sa akin.
21 Ngunit Panginoong Dios, tulungan nʼyo ako upang kayo ay maparangalan.
Iligtas nʼyo ako dahil kayo ay mabuti at mapagmahal.
22 Dahil akoʼy dukha at nangangailangan, at ang damdamin koʼy nasasaktan.
23 Unti-unti nang nawawala ang aking buhay. Itoʼy parang anino na nawawala pagsapit ng gabi,
at parang balang na lumilipad at nawawala kapag nagalaw ang dinadapuan.
24 Nanghihina ang mga tuhod ko dahil sa pag-aayuno.
Akoʼy payat na payat na.
25 Akoʼy kinukutya ng aking mga kaaway.
Iiling-iling sila kapag akoʼy nakita.
26 Panginoon kong Dios, iligtas nʼyo ako ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin.
27 At malalaman ng aking mga kaaway na kayo Panginoon ang nagligtas sa akin.
28 Isinusumpa nila ako, ngunit pinagpapala nʼyo ako.
Mapapahiya sila kapag sinalakay nila ako ngunit ako na inyong lingkod ay magagalak.
29 Silang nagbibintang sa akin ay lubusan sanang mapahiya,
mabalot sana sila sa kahihiyan tulad ng damit na tumatakip sa buong katawan.
30 Pupurihin ko ang Panginoon,
pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao.
121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.
129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.
137 Matuwid kayo, Panginoon,
at tama ang inyong mga paghatol.
138 Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139 Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140 Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141 Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142 Walang katapusan ang inyong katuwiran,
at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143 Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144 Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.
Ang Pamumuno ni Samuel sa Israel
2 Nanatili sa Kiriat Jearim ang Kahon ng Panginoon sa mahabang panahon – mga 20 taon. Sa panahong iyon, nagdalamhati at humingi ng tulong sa Panginoon ang buong mamamayan ng Israel. 3 Sinabi ni Samuel sa kanila, “Kung taos sa puso ninyo ang pagbabalik-loob sa Panginoon, itapon ninyo ang inyong mga dios-diosan pati na ang imahen ni Ashtoret. Ilaan ninyo ang inyong buhay sa Panginoon lamang at siya lang ang inyong paglingkuran. Kung gagawin ninyo ang mga ito, ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.” 4 Kaya itinapon nila ang mga imahen ni na Baal at Ashtoret, at sa Panginoon lamang sila naglingkod.
5 Pagkatapos, sinabi ni Samuel sa mga Israelita, “Magtipon kayong lahat sa Mizpa at ipapanalangin ko kayo sa Panginoon.” 6 Nang magkatipon na silang lahat sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harap ng presensya ng Panginoon. Nang araw na iyon, hindi sila kumain buong araw at nagsisi sa mga kasalanang ginawa nila sa Panginoon. Pinamunuan ni Samuel ang Israel doon sa Mizpa.
7 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na nagtitipon ang mga Israelita sa Mizpa, naghanda ang mga pinuno ng mga Filisteo para salakayin sila. Nang mabalitaan ito ng mga Israelita, natakot sila sa mga Filisteo. 8 Sinabi nila kay Samuel, “Huwag po kayong tumigil sa pananalangin sa Panginoon na ating Dios na iligtas niya tayo sa mga Filisteo.” 9 Kaya kumuha si Samuel ng isang batang tupa at sinunog ito nang buo bilang handog na sinusunog para sa Panginoon. Humingi siya ng tulong sa Panginoon para sa Israel at sinagot siya ng Panginoon.
10 Habang iniaalay ni Samuel ang handog na sinusunog, dumating ang mga Filisteo para makipaglaban sa mga Israelita. Pero sa araw na iyon, nagpakulog nang malakas ang Panginoon kaya natakot at nalito ang mga Filisteo, at nagsitakas sila sa mga Israelita. 11 Hinabol sila at pinatay ng mga Israelita sa daan mula sa Mizpa hanggang sa Bet Car.
12 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa gitna ng Mizpa at Shen. Pinangalanan niya itong Ebenezer dahil sinabi niya, “Hanggang ngayon, tinutulungan kami ng Panginoon.” 13 Kaya natalo nila ang mga Filisteo, at hindi na nila muli pang sinalakay ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Samuel dahil ang Panginoon ay laban sa mga Filisteo. 14 Naibalik sa Israel ang mga lupain malapit sa Ekron at Gat, na sinakop ng mga Filisteo. Natigil na rin ang digmaan sa pagitan ng mga Israelita at mga Amoreo.
15 Nagpatuloy si Samuel sa pamumuno sa Israel sa buong buhay niya. 16 Taun-taon, lumilibot siya mula Betel papuntang Gilgal at Mizpa para gampanan ang tungkulin niya bilang pinuno ng mga lugar na ito. 17 Pero bumabalik din siya sa Rama kung saan siya nakatira at namumuno rin sa mga tao roon. At gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.
Ang Pagpili ng Pitong Lalaki
6 Nang mga panahong iyon, dumarami na ang mga tagasunod ni Jesus. Nagreklamo ang mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo. Itoʼy sa dahilang hindi nabibigyan ng pang-araw-araw na rasyon ang kanilang mga biyuda. 2 Kaya ipinatawag ng 12 apostol ang lahat ng tagasunod ni Jesus, at sinabihan sila, “Hindi mabuting pabayaan namin ang pangangaral ng salita ng Dios para mag-asikaso lang ng materyal na mga tulong. 3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking may malinis na pangalan, marunong, at puspos ng Banal na Espiritu. Sila ang pamamahalain natin sa mga materyal na tulong. 4 At ilalaan naman namin ang aming oras sa pananalangin at sa pangangaral ng salita ng Dios.” 5 Sumang-ayon ang lahat ng mga mananampalataya sa sinabi ng mga apostol. Kaya pinili nila si Esteban na may matibay na pananampalataya at puspos ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procorus, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioc. Si Nicolas ay hindi Judio pero umanib sa relihiyon ng mga Judio. 6 Dinala nila ang mga napiling ito sa mga apostol. At ipinanalangin sila ng mga apostol at pinatungan ng kamay bilang pagtatalaga sa tungkulin.
7 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios. Marami pang mga taga-Jerusalem ang naging tagasunod ni Jesus, at marami ring pari ang sumampalataya sa kanya.
Ang Pagdakip kay Esteban
8 Pinagkalooban ng Dios si Esteban ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at mga kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao. 9 Pero may mga taong kumalaban sa kanya. Ito ay ang mga Judiong mula sa Cyrene, Alexandria, Cilicia, at Asia. Mga miyembro sila ng sambahan ng mga Judio na tinatawag na Sambahan ng mga Pinalaya sa Pagkaalipin. Nakikipagtalo sila kay Esteban, 10 pero hindi nila kayang talunin si Esteban dahil binigyan siya ng karunungan ng Banal na Espiritu. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan[a] ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin si Esteban na nagsalita ng masama laban kay Moises at sa Dios.” 12 Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Judio, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at dinala sa korte ng mga Judio. 13 Mayroon din silang pinapasok na ilang tao para tumestigo ng kasinungalingan laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita ng laban sa ating sagradong templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinabi niya na ang ating templo ay gigibain ni Jesus na taga-Nazaret at papalitan niya ang mga kaugaliang iniwan sa atin ni Moises!” 15 Ang lahat ng miyembro ng Korte ay tumitig kay Esteban, at nakita nila ang kanyang mukha na nagliwanag na parang mukha ng anghel.
Huling Hapunan ni Jesus(A)
14 Pagdating ng oras ng hapunan, kumain si Jesus at ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Gustong-gusto kong makasalo kayo sa hapunang ito sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, bago ako maghirap. 16 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling kakain nito hanggang sa matupad ang kahulugan nito sa araw ng paghahari ng Dios.” 17 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[a] nagpasalamat sa Dios, at sinabi sa kanila, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios” 19 Pagkatapos, kumuha siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin: kinuha niya ito at nagpasalamat sa Dios, at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng dugo kong mabubuhos ng dahil sa inyo.
21 “Ngunit makinig kayo! Kasalo ko sa mesang ito ang taong magtatraydor sa akin. 22 Sapagkat ayon sa itinalaga ng Dios, Ako na Anak ng Tao ay papatayin, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin.” 23 Nagtanungan sa isaʼt isa ang mga tagasunod niya kung sino kaya sa kanila ang gagawa noon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®