Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 45

Ang Kasal ng Hari

45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
    habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
    Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.

Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
    At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
    Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
Marangal na hari na dakilang mandirigma!
    Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
    Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
    Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
    Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.

O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
    at ang paghahari moʼy makatuwiran.
Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
    Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
    Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[a]
    nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
    At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
    na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.

10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
    Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
    Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
    pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.

13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
    Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
    kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.

16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
    ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
    Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
    Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.

Salmo 47-48

Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan

47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
    Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
    Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
    Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
    habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.

Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
    Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
    Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
    kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
    Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
    at mataas ang paggalang nila sa kanya.

Ang Zion ang Bayan ng Dios

48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
    at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
    ang kanyang banal na bundok.
Itoʼy mataas at maganda,
    at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
    Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
    at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.

Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
    nagulat, natakot at nagsitakas sila.
Dahil sa takot, nanginig sila
    gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
    na sinisira ng hanging amihan.

Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
    pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
    Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
    at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

Sa loob ng inyong templo, O Dios,
    iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
    at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
    Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
    at ng mga bayan ng Juda,
    dahil sa inyong makatarungang paghatol.

12 Mga mamamayan ng Dios,
    libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
    upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
    Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”

Deuteronomio 12:1-12

Ang Lugar na Pinagsasambahan

12 “Ito ang mga utos at tuntunin na dapat nʼyong sundin nang mabuti habang nabubuhay kayo rito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kapag pinalayas na ninyo ang mga taong naninirahan doon, gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagsasambahan nila sa kanilang mga dios-diosan: sa matataas na mga bundok, sa mga kaburulan at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Gibain din ninyo ang kanilang mga altar, durugin ang mga alaalang bato nila, sunugin ang kanilang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at durugin ang imahen ng kanilang mga dios para hindi na ito alalahanin pa sa mga lugar na iyon.

“Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon na inyong Dios na gaya ng paraan ng kanilang pagsamba, kundi dumulog kayo sa Panginoon na inyong Dios at parangalan siya sa lugar na kanyang pipiliin mula sa lahat ng teritoryo ng mga lahi ng Israel. Doon ninyo dalhin ang mga handog ninyo na sinusunog at iba pang mga handog, ang inyong mga ikapu, ang inyong mga espesyal na handog, ang inyong mga ipinangakong regalo at mga handog na kusang-loob, gayon din ang panganay ng inyong mga hayop. Doon kayo kumain at ang inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at magsaya kayo sa lahat ng inyong nagawa dahil pinagpala kayo ng Panginoon.

8-9 “Kapag dumating na kayo sa lugar na kung saan makapagpapahinga na kayo, ang lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, huwag na ninyong gawin ang ginagawa natin ngayon, na kahit saan lang tayo naghahandog. 10 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan at nanirahan sa lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, mabubuhay kayo nang mapayapa dahil hindi papayag ang Panginoon na gambalain kayo ng mga kaaway sa inyong paligid. 11 Pagkatapos, dalhin ninyo ang mga handog doon sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Ito ang mga handog na iniutos ko sa inyo: mga handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, ang inyong ikapu, ang mga espesyal na regalo at ang lahat ng handog na ipinangako ninyo sa Panginoon. 12 Doon kayo magsasaya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, pati ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita na naninirahan sa mga bayan ninyo na walang lupang mamanahin.

2 Corinto 6:3-7:1

Hindi kami gumagawa ng kahit ano na ikatitisod ng ibang tao, para hindi mapintasan ang paglilingkod namin sa Dios. Sa lahat ng aming ginagawa, sinisikap naming ipakita na kami ay totoong mga lingkod ng Dios. Tinitiis namin anumang hirap, pasakit, at kagipitan. Nakaranas kami ng pambubugbog, pagkakakulong, at panggugulo ng mga tao. Nagsikap kami nang husto, at kung minsan ay wala pang tulog at wala ring pagkain. Pinatunayan namin sa lahat na kami ay mga tunay na lingkod ng Dios sa pamamagitan ng aming malinis na pamumuhay, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, sa pamamagitan ng patnubay ng Banal na Espiritu sa amin, sa tapat na pag-ibig at pananalita, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. Ang matuwid naming pamumuhay ang aming sandata na panlaban at pananggalang sa kaaway. Bilang mga lingkod ng Dios, naranasan naming parangalan at siraan ng kapwa, purihin ng iba at laitin ng iba. Pawang katotohanan ang aming mga sinasabi, ngunit itinuturing kaming mga sinungaling. Kami ay tanyag, ngunit hindi kinikilala; lagi kaming nasa bingit ng kamatayan, ngunit buhay pa rin hanggang ngayon. Dinidisiplina kami ng Dios pero hindi pinapatay. 10 May mga nagpapalungkot sa amin, ngunit lagi pa rin kaming masaya. Mahirap lang kami, ngunit marami kaming pinapayaman. Kung tungkol sa mga bagay dito sa mundo, wala kaming masasabing amin, ngunit ang totoo, kami ang nagmamay-ari sa lahat ng mga bagay.

11 Mga taga-Corinto, naging tapat kami sa aming pananalita sa inyo, dahil mahal na mahal namin kayo. 12 Hindi kami nagkulang sa pagmamahal sa inyo. Kayo ang nagkulang sa pagmamahal sa amin. 13 Nakikiusap ako sa inyo tulad ng isang ama sa kanyang mga anak: Mahalin ninyo ako tulad ng pagmamahal ko sa inyo.

Huwag Makikiisa sa mga Hindi Mananampalataya

14 Huwag kayong makiisa sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan, gaya ng liwanag at dilim hindi rin sila maaaring magsama. 15 At kung paanong hindi magkasundo si Cristo at si Satanas, ganoon din naman ang mananampalataya at ang hindi mananampalataya. 16 Hindi maaaring magsama ang mga dios-diosan at ang Dios sa iisang templo. At tayo ang templo ng Dios na buhay! Gaya ng sinabi ng Dios,

“Mananahan akoʼt mamumuhay sa kanilang piling.
    Akoʼy magiging Dios nila,
    at silaʼy magiging mga taong sakop ko.
17 Kaya lumayo kayo at humiwalay sa kanila.[a]
    Layuan ninyo ang itinuring na marumi[b]
    at tatanggapin ko kayo.
18 At akoʼy magiging Ama ninyo,
    at kayo namaʼy magiging mga anak ko.
    Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Mga minamahal, dahil sa mga ipinangako ng Dios sa atin, linisin natin ang ating sarili sa anumang bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu, at sikapin nating mamuhay nang banal at may takot sa Dios.

Lucas 17:11-19

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Lalaking may Malubhang Sakit sa Balat

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo 13 at sumigaw kay Jesus, “Panginoong Jesus, maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat. 15 Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Jesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios. 16 Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano. 17 Sinabi ni Jesus, “Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan ang siyam? 18 Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Dios maliban sa taong ito na hindi Judio?” 19 Sinabi niya sa lalaki, “Tumayo ka at umuwi na. Iniligtas[a] ka ng pananampalataya mo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®