Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 66-67

Papuri at Pasasalamat

66 Kayong mga tao sa buong mundo,
    isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
    Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
Sabihin ninyo sa kanya,
    “O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
    Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
    luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
    na may awit ng papuri.”
Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
Pinatuyo niya ang dagat;
    tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
    Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
Maghahari ang Dios ng walang hanggan
    sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
    kaya ang mga sumusuway sa kanya
    ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
    Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
Iningatan niya ang ating buhay
    at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.

10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
    na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
    at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
    parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
    Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
    upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
    katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
    Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
    hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
    at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.

Awit ng Pasasalamat

67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
    dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
    Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
    At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.

Salmo 19

Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios

19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
    ang gawa ng kanyang kamay.
Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.

    Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
    na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
    O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
    At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.

Ang Kautusan ng Panginoon

Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
    Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
    Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
    at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
    Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
    Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
    at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
    May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.

12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
    Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
    at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
    Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
    at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
    Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!

Salmo 46

Kasama Natin ang Dios

46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
    Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
    at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
    at mayanig ang kabundukan.

May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
    sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
    Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
    Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
    Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
    “Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
    Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
    Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”

11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

1 Samuel 4:12-22

Ang Pagkamatay ni Eli

12 Nang araw ding iyon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na tumatakbo galing sa digmaan papunta sa Shilo. Pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan ng abo ang kanyang ulo bilang tanda ng pagluluksa. 13-15 Pagdating niya sa Shilo, nakaupo si Eli sa upuan na nasa gilid ng daan at nagbabantay dahil nag-aalala siya para sa Kahon ng Dios. Si Eli ay 98 taon na noon at halos hindi na nakakakita. Ibinalita ng tao ang nangyaring digmaan sa bayan. Nang marinig ito ng mga tao, nag-iyakan sila. Narinig ito ni Eli at nagtanong siya, “Bakit umiiyak ang mga tao?” Dali-daling lumapit sa kanya ang tao, 16 at sinabi, “Kagagaling ko lang po sa digmaan. Nakatakas po ako.” Nagtanong si Eli, “Ano ang nangyari, anak?” 17 Sumagot ang tao, “Nagsitakas po ang mga Israelita sa harap ng mga Filisteo. Napakarami pong namatay sa mga sundalo natin, kasama po ang dalawang anak nʼyo na sina Hofni at Finehas. At naagaw din po ang Kahon ng Dios.”

18 Nang mabanggit ng tao ang tungkol sa Kahon ng Dios, natumba si Eli mula sa kinauupuan niya na nasa gilid ng pintuan ng lungsod. Nabali ang kanyang leeg at agad na namatay, dahil mataba siya at matanda na. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 40 taon.

19 Nang panahon ding iyon, kabuwanan ng manugang ni Eli na asawa ni Finehas. Nang mabalitaan niya na naagaw ang Kahon ng Dios at namatay ang kanyang asawa at biyenang lalaki, sumakit ang tiyan niya at napaanak ng wala sa panahon dahil sa matinding sakit. 20 Nang nag-aagaw buhay na siya, sinabi sa kanya ng mga manghihilot, “Lakasan mo ang loob mo. Lalaki ang anak mo.” Pero hindi na siya sumagot.

21-22 Bago siya namatay, Icabod[a] ang ipinangalan niya sa bata, dahil sinabi niya, “Wala na ang makapangyarihang presensya ng Dios sa Israel.” Sinabi niya ito dahil naagaw ang Kahon ng Dios at napatay ang asawa niya at biyenan niyang lalaki.

Santiago 1:1-18

Mula kay Santiago na lingkod[a] ng Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mahal kong mga mananampalataya na nagsipangalat saan man sa mundo.[b]

Ang Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid, magalak kayo sa tuwing dumaranas kayo ng mga pagsubok. Sapagkat alam ninyong nagdudulot ito ng katatagan sa inyong pananampalataya. Kaya tiisin ninyo ang mga pagsubok upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay nʼyo. Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Dios at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat. Ngunit dapat magtiwala ang humihingi at huwag magduda, dahil ang taong nagdududa ay katulad ng alon sa dagat na tinatangay at pinapadpad ng hangin. Ang ganitong tao ay hindi dapat umasa na may matatanggap mula sa Panginoon dahil nagdadalawang-isip siya at walang katiyakan sa mga ginagawa niya.

Mga Mahihirap at Mayayaman

Dapat ikagalak ng mga mahihirap na kapatid kay Cristo ang pagpaparangal ng Dios sa kanila. 10 Ang mga mayayaman naman na kapatid kay Cristo ay dapat ding ikarangal ang pagkakababa sa kanila ng Dios, dahil lilipas sila katulad ng mga bulaklak sa parang.[c] 11 Natutuyo ang mga damo sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang mga bulaklak nito, at kumukupas ang ganda. Ganoon din naman ang isang mayaman, mamamatay siya sa kasagsagan ng paghahanapbuhay niya.

Mga Pagsubok at Tukso

12 Mapalad ang taong nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok dahil pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang mga ito, tatanggapin niya bilang gantimpala ang buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios sa mga nagmamahal sa kanya. 13 Kung dumaranas ng tukso ang isang tao, hindi niya dapat isiping galing ito sa Dios, dahil hindi maaaring matukso ang Dios sa kasamaan, at hindi rin siya nanunukso sa kahit kanino. 14 Natutukso ang isang tao kapag nahihikayat siya at nadadala ng sariling pagnanasa. 15 At kung susundin niya ang pagnanasa niya, magbubunga ito ng kasalanan; at kung magpapatuloy siya sa kasalanan, hahantong ito sa kamatayan.

16 Kaya huwag kayong magpadaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Lahat ng mabubuti at angkop na kaloob ay nanggagaling sa Dios na siyang lumikha ng mga bagay sa langit na nagbibigay-liwanag. At kahit pabago-bago at paiba-iba ang anyo ng anino ng mga ito, ang Dios ay hindi nagbabago. 18 Ayon sa kanyang kalooban, ginawa niya tayong mga anak niya sa pamamagitan ng pagkilala natin sa katotohanan,[d] upang maging higit tayo sa lahat ng nilikha niya.

Mateo 19:23-30

23 Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, napakahirap para sa isang mayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 24 Mas madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 25 Nabigla ang mga tagasunod nang marinig nila ito, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible.”

27 Nagsalita si Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat para sumunod sa inyo. Ano po ang mapapala namin?” 28 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang araw na babaguhin ng Dios ang mundo, at ako na Anak ng Tao ay uupo sa aking trono. At kayong mga tagasunod ko ay uupo rin sa 12 trono upang husgahan[a] ang 12 lahi ng Israel. 29 At ang sinumang nag-iwan ng kanyang bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin ay tatanggap ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan. 30 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®