Book of Common Prayer
Ang Kasal ng Hari
45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.
2 Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
3 Marangal na hari na dakilang mandirigma!
Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
4 Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
5 Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.
6 O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
at ang paghahari moʼy makatuwiran.
7 Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
8 Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[a]
nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
9 Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.
10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.
13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.
16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.
Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan
47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
2 Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
3 Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
4 Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
5 Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.
6 Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
7 Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
8 Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
9 Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
at mataas ang paggalang nila sa kanya.
Ang Zion ang Bayan ng Dios
48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
ang kanyang banal na bundok.
2 Itoʼy mataas at maganda,
at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
3 Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.
4 Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
5 Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
nagulat, natakot at nagsitakas sila.
6 Dahil sa takot, nanginig sila
gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
7 Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
na sinisira ng hanging amihan.
8 Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.
9 Sa loob ng inyong templo, O Dios,
iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
at ng mga bayan ng Juda,
dahil sa inyong makatarungang paghatol.
12 Mga mamamayan ng Dios,
libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”
12 “Makinig kayo sa akin, kayong mga taga-Israel na aking pinili. Ako ang Dios; ako ang pasimula at ang wakas ng lahat. 13 Ako ang naglagay ng pundasyon ng mundo at ako rin ang nagladlad ng langit. Kapag nag-utos ako sa mga ito, itoʼy sumusunod.
14 “Magtipon kayong lahat at makinig: Sino sa mga dios-diosan ang humulang lulusubin ng aking kaibigan[a] ang Babilonia para sundin ang ipinapagawa ko laban sa bansang iyon? Wala! 15 Ako ang nagsabi sa kanya at ako rin ang tumawag sa kanya. Sinugo ko siya at pinagtagumpay sa kanyang ginawa. 16 Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito: Mula pa ng pasimula hindi ako nagsalita nang lihim. Sa panahon na nangyari ang sinabi ko, naroon ako.”
At ngayon sinugo ako ng Panginoong Dios at ng kanyang Espiritu na sabihin ito: 17 “Sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel: Ako ang Panginoon na inyong Dios na nagturo sa inyo kung ano ang mabuti para sa inyo at ako ang pumatnubay sa inyo sa tamang daan. 18 Kung kayo lamang ay sumunod sa aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong tagumpay[b] ay sunud-sunod sana na parang alon na dumarating sa dalampasigan. 19 Ang inyo sanang mga lahi ay naging kasindami ng buhangin na hindi mabilang, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”
20 Umalis kayo sa Babilonia! Buong galak ninyong ihayag sa buong mundo[c] na iniligtas ng Panginoon ang kanyang lingkod, ang mga mamamayan ng Israel.[d] 21 Hindi sila nauhaw nang patnubayan sila ng Dios sa ilang, dahil pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila. Biniyak niya ang bato at umagos ang tubig.
18 Pagkatapos ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem para makipagkita kay Pedro. Dalawang linggo akong namalagi sa kanya. 19 Wala na akong nakita pang ibang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Totoo ang lahat ng sinasabi ko sa sulat na ito, at alam ng Dios na hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos, pumunta na ako sa Syria at Cilicia. 22 Nang panahong iyon, hindi pa ako personal na nakikita ng mga iglesya sa Judea na nakay Cristo. 23 Nabalitaan lang nila na ang dating umuusig sa kanila ay nangangaral na ngayon ng tungkol sa pananampalatayang sinikap niyang puksain noon. 24 Kaya pinapurihan nila ang Dios dahil sa ginawa niya sa akin.
Ang Pagtanggap kay Pablo bilang Apostol
2 Pagkatapos ng 14 na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem. Kasama ko sina Bernabe at Tito. 2 Bumalik ako dahil nangusap sa akin ang Dios na dapat akong pumunta roon. Nakipagkita ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga hindi Judio. Ginawa ko ito para masiguro ko na hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon. 3 Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Judio. 4 Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin para sirain ang kalayaang natamo natin kay Cristo Jesus, at gawin ulit tayong alipin ng Kautusan ni Moises. 5 Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.
6 Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Dios.) 7 Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Dios sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga hindi Judio, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Sapagkat ang Dios na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga hindi Judio. 9 Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Dios ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga hindi Judio, at sila naman ang mangangaral sa mga Judio. 10 Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis si Jesus sa lugar na iyon at umuwi sa sarili niyang bayan. Kasama niya ang kanyang mga tagasunod. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio at nagturo roon. Nagtaka ang maraming taong nakikinig sa kanya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan? At ano ang karunungang ito na ibinigay sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga himala? 3 Hindi baʼt siya ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi baʼt ang mga kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin?” At hindi siya pinaniwalaan. 4 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban sa kanyang sariling bayan at mga kamag-anak at mga kasambahay.” 5 Iyan ang dahilan kung bakit hindi siya nakagawa ng mga himala roon maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Nagtaka siya sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)
Nilibot ni Jesus ang mga kanayunan at nangaral sa mga tao. 7 Tinawag niya ang 12 apostol at sinugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 8 At ibinilin niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit pagkain, pera o bag, maliban sa isang tungkod. 9 Pwede kayong magsuot ng sandalyas, pero huwag kayong magdala ng bihisan. 10 Kapag pinatuloy kayo sa isang bahay, doon na lang kayo manatili hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon. 11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan ng mga tao sa isang lugar, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” 12 Kaya umalis ang 12 at nangaral sa mga tao na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang maraming masamang espiritu at maraming may sakit ang pinahiran nila ng langis at pinagaling.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®