Book of Common Prayer
Awit ng Tagumpay ni David(A)
18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
2 Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
3 Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
6 Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.
7 Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
8 Umusok din ang inyong ilong,
at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
9 Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.
28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
Ang inyong mga salita ay maaasahan.
Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
kaya hindi ako natitisod.
37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.
17 “Kapag nangangailangan ng tubig ang mga mamamayan kong dukha, at wala silang matagpuan, at kapag natutuyo na ang mga lalamunan nila sa uhaw, akong Panginoon ang tutulong sa kanila. Akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila. 18 Paaagusin ko ang tubig sa batis, dadaloy ito sa mga tuyong burol at magkakaroon ng mga bukal sa mga lambak. Gagawin kong tubigan ang ilang at ang mga lupang tigang ay magkakaroon ng mga bukal. 19 Patutubuin ko sa ilang ang mga puno ng sedro, akasya, mirto, olibo, pino, enebro, at sipres,[a] 20 para makita, malaman, at maunawaan ng mga tao na ang lumikha nito ay ako, ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.”
Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan
21 Sinabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel,[b] sa mga dios-diosan, “Sige, magreklamo kayo at mangatuwiran! 22-23 Lumapit kayo at sabihin sa amin kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Sabihin ninyo sa amin ang mga sinabi nʼyo noon na mangyayari para malaman namin kung nangyari nga ito. Sabihin ninyo sa amin kung ano ang mangyayari sa hinaharap para malaman namin na kayo ngaʼy mga dios. Gumawa kayo ng mabuti o ng masama para kami ay magtaka at matakot sa inyo. 24 Pero ang totoo, wala kayong silbi at wala kayong magagawa. Kasuklam-suklam ang mga taong pumili sa inyo para kayo ay sambahin. 25 Pinili ko ang taong mula sa hilaga para mamahala. Dumudulog siya sa akin, at ngayon ay darating siya mula sa silangan. Wawasakin niya ang mga namamahala katulad ng pagyapak ng magpapalayok sa putik[c] na gagawin niyang palayok. 26 Sino sa inyo ang nakahula noong una pa na mangyayari ito para malaman namin at nang masabi naming tama siya? Ni isa man lang sa inyoʼy walang nagsabi, at walang nakarinig na mayroon kayong sinabi. 27 Akong Panginoon ang nagsabi nito noon sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Nagpadala ako ng isang mensahero para ibalita ang magandang balita na nandiyan na ang tutulong sa kanila. 28 Tiningnan ko kung may dios-diosan na makapagpapayo pero wala akong nakita. Ni isa sa kanilaʼy walang makasagot sa mga tanong ko. 29 Lahat ng mga dios-diosan ay walang kabuluhan, at walang magagawang anuman. Para silang lalagyan na puro hangin ang laman.”
11 Alalahanin nʼyo ang kalagayan ninyo noon bilang mga hindi Judio. Ipinanganak kayong hindi mga Judio at sinasabi ng mga Judio na wala kayong kaugnayan sa Dios dahil sa hindi kayo katulad nila na mga tuli, pero ang pagkakatuling ito ay sa laman lang. 12 Alalahanin nʼyo rin na noon ay hindi nʼyo pa kilala si Cristo; hindi kayo kabilang sa mga mamamayan ng Israel at hindi sakop ng mga kasunduan ng Dios na batay sa mga pangako niya. Namumuhay kayo sa mundong ito ng walang pag-asa at walang Dios. 13 Ngunit kayo ngayon ay na kay Cristo na. Malayo kayo noon sa Dios, pero ngayon ay malapit na kayo sa kanya sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 At sa pamamagitan ng kamatayan niya, pinagkasundo niya tayo. Pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng paggiba sa pader na naghihiwalay sa atin. 15 Ang pader na giniba niya ay ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga tuntunin nito. Ginawa niya ito para pag-isahin ang mga Judio at hindi Judio, nang sa ganoon ay magkasundo na ang dalawa. 16 Ngayong iisang katawan na lang tayo sa pamamagitan ng kamatayan niya sa krus, winakasan na niya ang alitan natin at ibinalik niya tayo sa Dios. 17 Pumarito si Cristo at ipinahayag ang Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan sa inyong mga hindi Judio na noong unaʼy malayo sa Dios, at maging sa aming mga Judio na malapit sa Dios. 18 Ngayon, tayong lahat ay makakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Banal na Espiritu dahil sa ginawa ni Cristo para sa atin. 19 Kaya kayong mga hindi Judio ay hindi na mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kaisa na ng mga pinabanal[a] at kabilang sa pamilya ng Dios. 20 Tayong mga mananampalataya ay katulad ng gusali na ang mga haligi ay ang mga apostol at mga propeta, at ang pundasyon ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan ni Cristo, ang lahat ng bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. 22 At dahil kayo ay nakay Cristo, bahagi na rin kayo nitong gusaling itinatayo, kung saan nananahan ang Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)
2 1-2 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum. Agad namang kumalat ang balitang naroon siya. Kaya napakaraming tao ang nagtipon doon sa tinutuluyan niya hanggang sa wala nang lugar kahit sa labas ng pintuan. At ipinangaral niya sa kanila ang salita ng Dios. 3 Habang siya ay nangangaral, may mga taong dumating kasama ang isang paralitikong nasa higaan na buhat-buhat ng apat na lalaki. 4 Dahil sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Jesus. Kaya binutasan nila ang bubong sa tapat ni Jesus at saka ibinaba ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 6 Narinig ito ng ilang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon. Sinabi nila sa kanilang sarili, 7 “Bakit siya nagsasalita ng ganyan? Nilalapastangan niya ang Dios! Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” 8 Nalaman agad ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 9 Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad’? 10 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako na Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!” 12 Tumayo nga ang paralitiko, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nakatingin ang lahat. Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®