Book of Common Prayer
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
9 Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
Awit ng Papuri
33 Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon!
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4 Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5 Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
7 Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
8 Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
9 dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.
16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.
17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.
22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
Ang Pagtawag ng Dios kay Abram
12 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.
2 Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan.
Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
3 Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo.
Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo.
Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.”
4-5 Kaya umalis si Abram sa Haran at pumunta sa Canaan, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya. Nasa 75 taong gulang noon si Abram. Sumama sa kanya ang pamangkin niyang si Lot. Kasama rin niya ang asawa niyang si Sarai at ang lahat ng ari-arian at aliping natipon nila sa Haran.
6 Pagdating nila sa Canaan, nagpatuloy sila hanggang sa nakarating sa malaking puno[a] ng Moreh roon sa Shekem. (Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Cananeo). 7 Pagkatapos, nagpakita ang Panginoon kay Abram at sinabi sa kanya, “Ang lupaing ito ay ibibigay ko sa mga lahi mo.” Kaya gumawa ng altar si Abram para sa Panginoon.
Mga Dakilang Halimbawa ng Pananampalataya
11 Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita. 2 Dahil sa pananampalataya ng mga ninuno natin, kinalugdan sila ng Dios. 3 Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Dios sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.
4 Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain. At dahil sa pananampalataya niya, itinuring siyang matuwid ng Dios, dahil tinanggap ng Dios ang handog niya. Kaya kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya.
5 Dahil sa pananampalataya, hindi namatay si Enoc kundi dinala siya sa langit,[a] “Hindi na siya nakita pa dahil dinala siya ng Dios.”[b] Ayon sa Kasulatan dinala siya dahil nalugod ang Dios sa buhay niya. 6 Hindi makapagbibigay-lugod sa Dios ang taong walang pananampalataya, dahil ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Dios at nagbibigay siya ng gantimpala sa mga taong humahanap sa kanya.
7 Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Dios tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Dios.
8 Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Dios na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. 9 Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Dios kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niya na si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Dios. 10 Sapagkat ang talagang inaasahan ni Abraham ay isang lungsod na may matibay na pundasyon, na ang Dios mismo ang nagplano at nagtayo.
11 Dahil sa pananampalataya, nagkaanak si Abraham kahit na matanda na siya at baog ang asawa niyang si Sara, dahil naniwala si Abraham na tutuparin ng Dios ang pangako niya na magkakaanak si Sara. 12 Kaya mula kay Abraham, na wala nang pag-asang magkaanak pa,[c] nagmula ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.
36 “Ngunit gaya ng sinabi ko sa inyo, ayaw ninyong manampalataya sa akin kahit nakita na ninyo ang mga himalang ginawa ko. 37 Ang lahat ng taong ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at hinding-hindi ko itataboy ang mga lumalapit sa akin. 38 Sapagkat naparito ako mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban ng aking Amang nagsugo sa akin. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin; sa halip ay bubuhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat kalooban ng aking Ama na ang lahat ng kumikilala at sumasampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko silang muli sa huling araw.”
41 Samantala, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sinabi ni Jesus na siya ang tinapay na mula sa langit. 42 Kaya sinabi nila, “Hindi baʼt si Jesus lang naman iyan na anak ni Jose? Bakit sinasabi niyang bumaba siya mula sa langit, samantalang kilala natin ang mga magulang niya?”
48 dahil ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. 49 Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat. 50 Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito. 51 Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®