Book of Common Prayer
Ang Diyos na Hari
93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
2 Ang trono mo'y natatag noong una;
ikaw ay mula sa walang pasimula.
3 Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
4 Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!
5 Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
O Panginoon, magpakailanman.
96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
umawit sa Panginoon ang buong lupa.
2 Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
3 Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
4 Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
5 Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
6 Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.
7 Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
9 Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12 maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13 sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Si Elkana at ang Kanyang Sambahayan sa Shilo
1 May isang lalaking taga-Ramataim-zofim sa lupaing maburol ng Efraim na ang pangalan ay Elkana na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Tohu, na anak ni Zuf na Efraimita.
2 Siya'y may dalawang asawa. Ang pangalan ng isa'y Ana at ang isa pa ay Penina. Si Penina ay may mga anak ngunit si Ana ay walang anak.
7 Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng Panginoon ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain.
8 Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, “Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?”
Si Ana at Eli
9 Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon.
10 Si Ana[a] ay labis na nabagabag at nanalangin sa Panginoon.
11 Siya'y(A) gumawa ng ganitong panata: “O Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa Panginoon sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo.”
12 Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng Panginoon, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig.
13 Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.
14 Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak.”
15 Ngunit sumagot si Ana, “Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng Panginoon.
16 Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, “Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya.”
18 At sinabi niya, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot.
Ipinanganak at Itinalaga si Samuel
19 Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa Panginoon, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng Panginoon.
20 Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel.[b] Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”
21 At ang lalaking si Elkana at ang buong sambahayan niya ay naglakbay upang maghandog sa Panginoon ng taunang alay at upang tuparin ang kanyang panata.
22 Ngunit si Ana ay hindi naglakbay sapagkat sinabi niya sa kanyang asawa, “Sa sandaling ang bata'y maihiwalay sa pagsuso ay dadalhin ko siya upang siya'y humarap sa Panginoon, at manatili roon magpakailanman.”
23 Sinabi sa kanya ni Elkana na kanyang asawa, “Gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti sa iyo. Maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa pagsuso; lamang, nawa'y pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita.” Kaya't nanatili ang babae at inalagaan ang kanyang anak hanggang sa kanyang naihiwalay siya sa pagsuso.
24 Nang kanyang maihiwalay na siya sa pagsuso, kanyang isinama siya na may dalang tatlong guyang lalaki, at isang efang harina, at alak sa isang sisidlang balat; at kanyang dinala siya sa bahay ng Panginoon sa Shilo; at ang anak ay bata pa.
25 Pagkatapos ay kanilang pinatay ang guyang lalaki at dinala ang bata kay Eli.
26 Sinabi niya, “O panginoon ko! Habang ikaw ay buháy, aking panginoon, ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa Panginoon.
27 Dahil sa batang ito ako ay nanalangin, at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking kahilingan na idinulog sa kanya.
28 Kaya't ipinapahiram ko siya sa Panginoon; habang siya'y nabubuhay, siya ay ipinahiram sa Panginoon.” At doon ay sumamba siya sa Panginoon.
9 Kaya't mula nang araw na aming marinig ito, hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo'y punuin ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal,
10 upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos.
11 Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak;
12 na nagpapasalamat sa Ama, na ginawa niya tayong karapat-dapat na makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan.
13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak,
14 na(A) sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan.[a]
Si Cristo ang Pangunahin sa Lahat ng Bagay
15 Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang;
16 sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya.
17 Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya.[b]
18 Siya(B) ang ulo ng katawan, ang iglesya; siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, upang siya ay maging pangunahin sa lahat ng mga bagay.
19 Sapagkat minagaling na ang buong kapuspusan ay manirahan sa kanya,
20 at(C) sa pamamagitan niya ay pagkasunduin ng Diyos sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay, sa lupa man o sa langit, na ginagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus.
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang(A) sumapit na ang mga araw ng kanilang paglilinis ayon sa kautusan ni Moises, kanilang dinala siya sa Jerusalem upang iharap siya sa Panginoon
23 (ito ay ayon(B) sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay tatawaging banal sa Panginoon”).
24 Sila'y naghandog ng alay alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato, o dalawang batang kalapati.”
25 Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan na naghihintay sa kaaliwan ng Israel at nasa kanya ang Espiritu Santo.
26 Ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo na hindi niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.
27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok siya sa templo. Nang ipasok ng mga magulang sa templo ang sanggol na si Jesus upang gawin sa kanya ang naaayon sa kaugalian sa ilalim ng kautusan,
28 inilagay niya ang sanggol sa kanyang mga bisig, pinuri ang Diyos, at sinabi,
29 “Panginoon, ngayon ay hayaan mong ang iyong alipin ay pumanaw na may kapayapaan,
ayon sa iyong salita,
30 sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 na iyong inihanda sa harapan ng lahat ng mga tao,
32 isang(C) ilaw upang magpahayag sa mga Hentil,
at para sa kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”
33 Ang ama at ina ng bata[a] ay namangha sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kanya.
34 Sila'y binasbasan ni Simeon at sinabi kay Maria na kanyang ina, “Ang batang ito ay itinalaga para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel at pinakatanda na sasalungatin,
35 at tatagos ang isang tabak sa iyong sariling kaluluwa upang mahayag ang iniisip ng marami.”
36 Mayroong isang babaing propeta, si Ana na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay napakatanda na at may pitong taong namuhay na kasama ng kanyang asawa mula nang sila ay ikasal,
37 at bilang isang balo hanggang walumpu't apat na taong gulang. Hindi siya umalis sa templo kundi sumamba roon na may pag-aayuno at panalangin sa gabi at araw.
38 Pagdating niya sa oras ding iyon, siya'y nagpasalamat sa Diyos at nagsalita nang tungkol sa sanggol[b] sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.
Ang Pagbabalik sa Nazaret
39 Nang(D) magampanan na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.
40 At lumaki ang bata, lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001