Book of Common Prayer
Awit ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masasama,
huwag kang managhili sa mga masama ang gawa!
2 Sapagkat gaya ng damo sila'y dagling maglalaho,
at gaya ng luntiang halaman, sila'y matutuyo.
3 Magtiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng kabutihan;
upang ikaw ay makapanirahan sa lupain at magtamasa ng katiwasayan.
4 Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya,
at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo'y ibibigay niya.
5 Ipagkatiwala mo ang iyong lakad sa Panginoon;
magtiwala ka sa kanya, at siya'y gagawa.
6 Ang iyong pagiging walang-sala ay pakikinangin niyang gaya ng liwanag,
at ang iyong pagiging matuwid na gaya ng katanghaliang-tapat.
7 Ikaw ay manahimik sa Panginoon, at matiyaga kang maghintay sa kanya:
huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya,
dahil sa taong nagsasagawa ng masamang pakana.
8 Iwasan mo ang pagkagalit, at ang poot ay iyong talikdan!
Huwag kang maghimutok, ito'y maghahatid lamang sa kasamaan.
9 Sapagkat ang masasama ay tatanggalin;
ngunit ang naghihintay sa Panginoon ay magmamana ng lupain.
10 Gayunma'y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na;
kahit tingnan mong mabuti ang kanyang lugar, siya ay wala roon.
11 Ngunit(A) mamanahin ng maaamo ang lupain,
at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan.
12 Ang masama ay nagpapakana laban sa matuwid,
at ang mga ngipin nito sa kanya'y pinagngangalit;
13 ngunit pinagtatawanan ng Panginoon ang masama,
sapagkat kanyang nakikita na dumarating ang araw niya.
14 Hinuhugot ng masama ang tabak at ang kanilang mga pana ay iniaakma,
upang ang dukha at nangangailangan ay pabagsakin,
upang ang mga lumalakad nang matuwid ay patayin;
15 ang kanilang tabak ay tatarak sa sariling puso nila,
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao,
kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo.
17 Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali;
ngunit inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.
18 Nalalaman ng Panginoon ang mga araw ng mga walang kapintasan,
at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman.
19 Hindi sila mapapahiya sa panahon ng kasamaan;
sa mga araw ng taggutom ay mayroon silang kasaganaan.
20 Ngunit ang masama ay mamamatay,
ang mga kaaway ng Panginoon ay gaya ng luwalhati ng mga pastulan,
sila'y nawawala—gaya ng usok sila'y napaparam.
21 Ang masama ay humihiram, at hindi makapagbayad,
ngunit ang matuwid ay bukas-palad at nagbibigay;
22 sapagkat ang mga pinagpala ng Panginoon ay magmamana ng lupain;
ngunit ang mga sinumpa niya ay tatanggalin.
23 Ang mga lakad ng isang tao ay ang Panginoon ang nagtatatag;
at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad;
24 bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal,
sapagkat ang Panginoon ang aalalay sa kanyang kamay.
25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na;
gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan,
ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay.
26 Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram;
at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala.
27 Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti;
upang sa magpakailanman ikaw ay manatili.
28 Sapagkat iniibig ng Panginoon ang katarungan,
hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain,
at maninirahan doon magpakailanman.
30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan,
at ang kanyang dila ay nagsasalita ng katarungan.
31 Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay,
hindi nadudulas ang kanyang mga hakbang.
32 Inaabangan ng masama ang matuwid na tao,
at pinagsisikapang patayin niya ito.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kanyang kamay,
ni hahayaan siyang maparusahan kapag siya'y nahatulan.
34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan ang kanyang daan,
at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain;
ang pagkawasak ng masama ay iyong pagmamasdan.
35 Nakakita ako ng masama at marahas na tao,
na lumalaganap na gaya ng sariwang punungkahoy sa kanyang lupang tinubuan.
36 Muli akong dumaan at, narito, wala na siya;
kahit hinanap ko siya, hindi na siya makita.
37 Tandaan mo ang taong walang kapintasan, at ang matuwid ay iyong masdan,
sapagkat may hinaharap para sa taong may kapayapaan.
38 Ngunit ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain;
ang susunod na lahi ng masama ay puputulin.
39 Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa Panginoon;
siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon.
40 At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng Panginoon;
kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila,
sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya.
Ang mga Hatol ng Panginoon
9 Nakita ko ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng dambana, at kanyang sinabi:
“Hampasin mo ang mga kapitel,
upang ang mga tuntungan ay mauga;
at basagin mo sila sa ulo nilang lahat,
at aking papatayin ng tabak ang nalabi sa kanila;
hindi sila magkakaroon ng takas na makakaalis,
o sinuman na makakatakas.
2 “Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol,
mula roo'y kukunin sila ng aking kamay;
bagaman sila'y umakyat hanggang sa langit,
mula roo'y ibababa ko sila.
3 At bagaman sila'y magtago sa tuktok ng Carmel,
mula roo'y hahanapin ko sila at kukunin,
at bagaman sila'y magkubli sa aking paningin sa kailaliman ng dagat,
mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutuklawin sila niyon.
4 At bagaman sila'y mapunta sa pagkabihag sa harapan ng kanilang mga kaaway,
doon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin sila niyon.
at aking itititig ang aking mga mata sa kanila
sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.”
5 Ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
na siyang humihipo ng lupain at natutunaw,
at lahat ng naninirahan doon ay tatangis;
at lahat niyon ay tumataas na gaya ng Nilo,
at lulubog uli, na gaya ng Nilo ng Ehipto;
6 siya na gumagawa ng kanyang mga silid sa langit,
at inilagay ang kanyang pabilog na bubong sa lupa;
siya na tumatawag ng tubig sa dagat
at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa—
Panginoon ang kanyang pangalan.
7 “Di ba kayo'y parang mga anak ng Etiopia para sa akin,
O mga anak ni Israel?” sabi ng Panginoon.
“Hindi ko ba pinaahon ang Israel mula sa lupain ng Ehipto,
at ang mga Filisteo, mula sa Caftor, at ang mga taga-Siria mula sa Chir?
8 Ang mga mata ng Panginoong Diyos ay nasa makasalanang kaharian,
at wawasakin ko iyon mula sa ibabaw ng lupa;
gayunman hindi ko lubos na wawasakin ang sambahayan ni Jacob,” sabi ng Panginoon.
9 “Sapagkat narito, ako'y mag-uutos,
at aking liligligin ang sambahayan ni Israel sa gitna ng lahat ng bansa,
gaya ng pagliliglig sa pamamagitan ng isang bithay,
subalit hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil.
10 Lahat ng makasalanan sa aking bayan ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak,
sila na nagsasabi, ‘Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o sasalubong sa atin.’
Ang Mensahe sa Smirna
8 “At(A) sa anghel ng iglesya sa Smirna ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay at muling nabuhay.
9 “Alam ko ang iyong kapighatian, at ang iyong karalitaan, ngunit ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninirang-puri ng mga nagsasabing sila'y mga Judio ngunit hindi naman, kundi sila ay isang sinagoga ni Satanas.
10 Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit mo nang danasin. Malapit nang ikulong ng diyablo ang ilan sa inyo, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatian sa loob ng sampung araw. Maging tapat ka hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.
11 Ang(B) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay hindi masasaktan ng ikalawang kamatayan.
Ang Mensahe sa Pergamo
12 “At sa anghel ng iglesya sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim.
13 “Alam ko kung saan ka naninirahan, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Ngunit iniingatan mong mabuti ang aking pangalan, at hindi mo ipinagkaila ang pananampalataya mo sa akin,[a] kahit nang mga araw ni Antipas na aking tapat na saksi, na pinatay sa gitna ninyo, kung saan nakatira si Satanas.
14 Subalit(C) mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo: sapagkat mayroon ka diyang ilan na sumusunod[b] sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang kumain sila ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan at upang makiapid.
15 Gayundin naman, mayroon kang ilan na sumusunod[c] sa aral ng mga Nicolaita.
16 Kaya't magsisi ka. Kung hindi, madali akong darating sa iyo, at didigmain ko sila ng tabak ng aking bibig.
17 Ang(D) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong mana, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa ibabaw ng bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap.
Tinuligsa ni Jesus ang mga Eskriba at mga Fariseo(A)
13 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga pumapasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok.
[14 Kahabag-habag kayo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.]
15 Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang magkaroon ng isang mahihikayat, at kung siya'y nahikayat na ay ginagawa ninyo siyang makalawang-ulit pang anak ng impiyerno kaysa inyong mga sarili.
16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya ay may pananagutan.’
17 Kayong mga mangmang at mga bulag! Alin ba ang higit na dakila, ang ginto, o ang templo na nagpapabanal sa ginto?
18 At sinasabi ninyo, ‘Kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, siya ay may pananagutan.’
19 Kayong mga bulag! Sapagkat alin ba ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog?
20 Kaya't ang gumagamit sa dambana sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw nito.
21 At ang gumagamit sa templo sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa kanya na tumatahan sa loob nito.
22 Ang(B) gumagamit sa langit sa pagsumpa ay nanunumpa sa trono ng Diyos at sa kanya na nakaupo doon.
23 “Kahabag-habag(C) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nag-iikapu kayo ng yerbabuena, ng anis at ng komino, at inyong pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan: ang katarungan, ang habag, at ang pananampalataya. Subalit dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba.
24 Kayong mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!
25 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô sila ng kasakiman at kalayawan.
26 Ikaw na bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[a] upang luminis din naman ang labas nito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001