Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos
Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”
52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
Sa buong araw
2 ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
ikaw na gumagawa ng kataksilan.
3 Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
4 Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
O ikaw na mandarayang dila.
5 Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
6 Makikita ng matuwid, at matatakot,
at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
7 “Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
at nagpakalakas sa kanyang nasa.”
8 Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
magpakailanpaman.
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
sa harapan ng mga banal.
Panalangin para sa Pag-iingat
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
nang mga unang araw:
2 sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
at iyong ikinalat sila.
3 Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
at ng liwanag ng iyong mukha,
sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.
4 Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
5 Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
6 Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
ni ililigtas man ako ng aking tabak.
7 Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
8 Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)
9 Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.
13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.
17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
bagaman hindi ka namin kinalimutan,
at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.
20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.
23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!
Ang mga Kabayo sa Pangitain ni Zacarias
7 Nang ikadalawampu't apat na araw nang ikalabing-isang buwan, na buwan ng Sebat, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, na propeta, na sinasabi:
8 “Nakita(A) ko noong gabi at narito, isang lalaking nakasakay sa isang pulang kabayo! Siya'y nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa lambak. Sa likuran niya'y may mga kabayong pula, hubero at puti.
9 Nang magkagayo'y aking sinabi, ‘O panginoon ko, ano ang mga ito?’ At ang anghel na nakipag-usap sa akin ay nagsabi sa akin, ‘Aking ipapakita sa iyo kung anu-ano ang mga ito.’
10 Ang lalaking nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ay sumagot, ‘Ang mga iyon ang mga sinugo ng Panginoon upang manmanan ang lupa.’
11 Sila'y sumagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto, ‘Nalibot na namin ang lupa, at narito, ang buong lupa ay mapayapa at tahimik.’
12 Nang magkagayo'y sinabi ng anghel ng Panginoon, ‘O Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan ka mawawalan ng habag sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda, na sa kanila'y nagalit ka nitong pitumpung taon?’
13 Ang Panginoon ay sumagot ng malumanay at nakaaaliw na mga salita sa anghel na nakipag-usap sa akin.
14 Kaya't sinabi sa akin ng anghel na nakipag-usap sa akin, ‘Sumigaw ka, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y lubos na naninibugho para sa Jerusalem at sa Zion.
15 Ako'y galit na galit sa mga bansang tiwasay, sapagkat habang kakaunti pa ang aking galit, kanilang ipinagpatuloy ang pagwasak.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y bumalik sa Jerusalem na may pagkahabag. Ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang pising panukat ay iuunat sa ibabaw ng Jerusalem.
17 Muli kang sumigaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: ‘Ang aking mga lunsod ay muling aapawan ng kasaganaan, at muling aaliwin ng Panginoon ang Zion, at muling pipiliin ang Jerusalem.’”
Ang Mensahe sa Filadelfia
7 “At(A) sa anghel ng iglesya sa Filadelfia ay isulat mo:
“Ang mga bagay na ito ang sinasabi ng banal, ng totoo,
na may susi ni David,
na nagbubukas at hindi maisasara ng sinuman, na nagsasara at walang makakapagbukas.
8 “Alam ko ang iyong mga gawa. Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintong bukas, na hindi maisasara ng sinuman. Alam kong ikaw ay may kaunting kapangyarihan, ngunit tinupad mo ang aking salita, at hindi mo itinakuwil ang aking pangalan.
9 Ibinibigay(B) ko sa mga sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nagsisinungaling: sila'y aking papupuntahin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at malalaman nilang ikaw ay aking inibig.
10 Sapagkat tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa oras ng pagsubok na darating sa buong daigdig, upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.
11 Ako'y dumarating na madali; panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang walang makaagaw ng iyong korona.
12 Ang(C) magtagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa roon, at isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem, na bumababa buhat sa langit, mula sa aking Diyos, at ang aking sariling bagong pangalan.
13 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
Ang Karumaldumal na Paglapastangan(A)
15 “Kaya,(B) kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel, na nakatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),
16 ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa mga bundok.
17 Ang(C) nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang mga bagay sa loob ng kanyang bahay.
18 At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal.
19 Ngunit kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon!
20 Kaya't idalangin ninyo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa taglamig o sa Sabbath.
21 Sapagkat(D) sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding paghihirap na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.
22 At kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, ay walang makakaligtas na laman, subalit alang-alang sa mga hinirang ay paiikliin ang mga araw na iyon.
23 At kung may sinumang magsabi sa inyo, ‘Masdan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Nariyan siya!’ huwag ninyong paniwalaan.
24 Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang.
25 Tingnan ninyo, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.
26 Kaya,(E) kung sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa ilang,’ huwag kayong lumabas. ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa mga silid,’ huwag ninyong paniwalaan.
27 Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
28 Kung(F) saan naroon ang bangkay, ay doon magkakatipon ang mga buwitre.[a]
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(G)
29 “At(H) pagkatapos ng paghihirap sa mga panahong iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.
30 Pagkatapos(I) ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
31 Isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001