Book of Common Prayer
Ang Mithiin ni Pablo
12 Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbigay-daan sa paglaganap ng ebanghelyo, 13 anupa't (A) naging malinaw sa lahat ng mga bantay ng pamahalaang Romano at sa iba pang tao na ang aking pagkabilanggo ay dahil kay Cristo. 14 Kaya karamihan sa mga kapatid sa Panginoon ay nagkaroon ng lakas ng loob na ipahayag nang buong tapang at walang takot ang salita ng Diyos dahil sa aking pagkabilanggo.
15 Totoo nga na ipinangangaral ng iba si Cristo sapagkat sila'y naiinggit at nais lamang makipagpaligsahan, samantalang ang iba naman ay dahil sa mabuting hangarin. 16 Ang mga ito'y nangangaral dahil sa pag-ibig sapagkat alam nila na ako'y itinalaga para ipagtanggol ang ebanghelyo. 17 Ipinangangaral naman ng iba si Cristo dahil sa mga pansariling layunin; wala silang katapatan, at ang hangarin ay lalo pa akong pahirapan sa aking pagkakabilanggo. 18 Ano naman ito sa akin? Ang mahalaga ay naipapahayag si Cristo kahit sa anong paraan, pakunwari man o tunay ang layunin. Dahil dito'y nagagalak ako at ako'y patuloy na magagalak, 19 sapagkat alam kong ang pangyayaring ito ay para sa aking kaligtasan, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Gaya ng aking pinakahihintay at inaasahan, hindi ako mapapahiya sa anumang kadahilanan, kundi sa pagkakaroon ko ng buong katapangan, si Cristo ay dadakilain ngayon, tulad ng dati, sa aking katawan, sa pamamagitan man ng buhay o ng kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Kung ako man ay mabubuhay sa katawan, ito'y mangangahulugan na mas maraming bagay pa ang ibubunga ng aking gawain. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin. 23 Ako'y naiipit sa dalawang ito: Nais ko nang lumisan at makapiling si Cristo, sapagkat ito'y lalong mabuti. 24 Subalit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan para sa inyong kapakanan. 25 At sa paniniwalang ito, alam kong mananatili pa ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong pag-unlad at kagalakan sa pananampalataya. 26 Sa muli kong pagpunta sa inyo ay masagana akong magiging bahagi ng inyong pagmamalaki na nakay Cristo Jesus.
27 Mamuhay lamang kayo sa paraang karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Sa gayon dumating man ako at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang inyong kalagayan, malalaman kong kayo'y matatag na naninindigan sa iisang espiritu, at may isang layunin na sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya ng ebanghelyo, 28 at sa anumang paraan ay hindi kayang takutin ng inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang pagkapahamak, ngunit sa inyo naman ay tanda ng inyong kaligtasan, at ito'y galing sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magdusa rin alang-alang sa kanya, 30 yamang (B) nararanasan ninyo ang pakikipaglaban na nakita ninyong hinarap ko, at ngayo'y nababalitaan ninyong kinakaharap ko pa rin.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
16 Pagkaraan ng araw ng Sabbath, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng pabango upang pahiran ang bangkay ni Jesus. 2 Pagkasikat ng araw nang unang araw ng Linggo, maagang-maaga pa ay pumunta sila sa libingan. 3 Nag-uusap-usap sila habang nasa daan, “Sino kaya ang mapapakiusapan nating maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” 4 Ngunit natanaw nilang naigulong na ang napakalaking batong pantakip. 5 Pagpasok nila sa libingan, nakita nila ang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit. Nakaupo ito sa gawing kanan. At natakot sila. 6 Ngunit sinabi ng binata sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazareth, ang ipinako sa krus; wala na siya rito; Siya'y binuhay na muli! Tingnan ninyo ang lugar na pinaglagyan sa kanya! 7 Humayo (B) kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, gaya ng sinabi niya sa inyo.’ ” 8 Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis, nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot ay walang masabing anuman.
ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS
Sinabi ng mga babae kay Pedro at sa mga kasama nito ang lahat ng mga iniutos sa kanila. At pagkatapos, sinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad sa buong daigdig, na ipangaral nila ang banal at di lilipas na kapahayagan ng walang hanggang kaligtasan. Amen.
ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)
9 [Nang siya'y muling mabuhay nang unang araw ng linggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, ang babaing pinalaya niya mula sa kapangyarihan ng pitong demonyo. 10 Pinuntahan niya ang mga alagad, na noo'y nagluluksa at tumatangis, at ibinalita sa mga ito ang kanyang nakita. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala sa ibinalita ni Maria na buháy si Jesus at nagpakita sa kanya.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)
12 Pagkatapos ng mga ito'y nagpakita si Jesus sa ibang anyo sa dalawang alagad habang sila'y naglalakad patungo sa bukid. 13 Bumalik sila at ipinagbigay-alam ito sa ibang alagad. Ngunit ang mga ito'y hindi naniwala sa kanila.
Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(E)
14 Hindi nagtagal at nagpakita siya sa labing-isa samantalang sila'y kumakain. Sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa hindi nila pagsampalataya at katigasan ng kanilang puso, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 15 Sinabi (F) niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang ebanghelyo[a] sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas. Ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. 17 Ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking pangalan at magsasalita sila ng mga bagong wika; 18 walang mangyayaring masama sa kanila kahit makahawak sila ng mga ahas o makainom ng lason; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at gagaling ang mga ito.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(G)
19 Pagkatapos (H) magsalita sa kanila ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo ang kanyang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Sinamahan sila ng Panginoon sa gawaing ito at pinatunayan ang kanyang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][b]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.