Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 105

Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)

105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
    ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
    sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
    magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
    patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
    ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
    mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!

Siya ang Panginoon nating Diyos;
    ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
    ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
    ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
    sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
    bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
    at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
    mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(D) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
    sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
    ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”
16 At(E) siya'y nagdala ng taggutom sa lupain;
    binali niya ang bawat tungkod ng tinapay,
17 siya'y(F) nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila,
    si Jose na ipinagbili bilang alipin.
18 Ang(G) kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala,
    siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal;
19 hanggang sa ang kanyang salita ay maganap;
    siya ay sinubok ng salita ng Panginoon.
20 Ang(H) hari ay nagsugo at pinakawalan siya;
    ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya,
21 kanyang(I) ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan,
    at pinuno ng lahat niyang ari-arian,
22 upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais,
    at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.

23 At(J) ang Israel ay dumating sa Ehipto;
    si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham.
24 At(K) ginawang napakabunga ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway.
25 Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan,
    upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod.

26 Kanyang(L) sinugo si Moises na kanyang lingkod,
    at si Aaron na kanyang pinili.
27 Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila,
    at mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y(M) nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim,
    sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita.
29 Kanyang(N) ginawang dugo ang kanilang tubig,
    at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang(O) kanilang lupain ay napuno ng mga palaka,
    maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari.
31 Siya'y(P) nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
    at mga niknik sa buong bayan.
32 Binigyan(Q) niya sila ng yelo bilang ulan,
    at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos,
    at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain.
34 Siya'y(R) nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
    ang mga batang balang na di kayang bilangin,
35 na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain,
    at kinain ang bunga ng kanilang lupain.
36 Pinagpapatay(S) din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain,
    ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan.

37 At(T) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
    at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
    sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(U) inilatag ang ulap bilang panakip,
    at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(V) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
    at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(W) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
    ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
    at si Abraham na kanyang lingkod.

43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
    at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(X) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
    at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
    at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!

2 Samuel 15:1-18

Si Absalom ay Nagsimula ng Paghihimagsik

15 At nangyari pagkatapos nito, naghanda si Absalom ng isang karwahe at mga kabayo, at limampung lalaking tatakbo na nauuna sa kanya.

Nakagawian na ni Absalom na bumangong maaga at tumayo sa tabi ng daan sa pintuang-bayan. Kapag ang isang tao ay may dalang usapin upang idulog sa hari para hatulan, tatawagin siya ni Absalom, at sasabihin, “Taga-saang bayan ka?” At kapag kanyang sinabi, “Ang iyong lingkod ay mula sa ganito o sa ganoong lipi ng Israel,”

ay sasabihin ni Absalom sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong usapin ay mabuti at matuwid; ngunit walang itinalaga ang hari upang pakinggan ka.”

Bukod dito ay sinabi ni Absalom, “O naging hukom sana ako sa lupain! Kung gayon, ang bawat taong may usapin o ipinaglalaban ay lalapit sa akin at siya'y aking bibigyan ng katarungan.”

At tuwing may taong lalapit upang magbigay-galang sa kanya, kanyang iniuunat ang kanyang kamay at hinahawakan siya, at hinahagkan.

Gayon ang ginawa ni Absalom sa buong Israel na lumalapit sa hari upang hatulan; sa gayon naagaw ni Absalom ang puso ng mga tao ng Israel.

At nangyari sa katapusan ng apat[a] na taon, sinabi ni Absalom sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na hayaan mo akong umalis at tuparin ko ang aking panata sa Panginoon, sa Hebron.

Sapagkat ang iyong lingkod ay gumawa ng isang panata samantalang ako'y naninirahan sa Geshur sa Aram,[b] na sinasabi, ‘Kung tunay na dadalhin akong muli ng Panginoon sa Jerusalem ay sasamba ako sa Panginoon.’”

Sinabi ng hari sa kanya, “Humayo kang payapa.” Kaya't tumindig siya at pumunta sa Hebron.

10 Ngunit si Absalom ay nagsugo ng mga espiya sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, “Pagkarinig ninyo ng tunog ng trumpeta ay inyo ngang sasabihin, ‘Si Absalom ay hari sa Hebron!’”

11 Sumama kay Absalom ang dalawandaang lalaki na mga inanyayahang panauhin mula sa Jerusalem at sila'y pumaroong walang kamalay-malay, at walang nalalamang anuman.

12 Samantalang si Absalom ay naghahandog, ipinasugo niya si Ahitofel na Gilonita na tagapayo ni David mula sa kanyang bayang Gilo. Ang pagsasabwatan ay lumakas at ang mga taong kasama ni Absalom ay patuloy na dumarami.

Tumakas si David mula sa Jerusalem

13 Dumating ang isang sugo kay David, na nagsasabi, “Ang mga puso ng mga Israelita ay nasa panig na ni Absalom.”

14 At sinabi ni David sa lahat ng kanyang mga lingkod na kasama niya sa Jerusalem, “Humanda kayo, at tayo'y tumakas sapagkat kung hindi ay hindi tayo makakatakas kay Absalom. Magmadali kayo, baka madali niya tayong abutan at bagsakan tayo ng masama, at sugatan ang lunsod ng talim ng tabak.”

15 At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, “Ang iyong mga lingkod ay handang gawin ang anumang ipasiya ng aming panginoong hari.”

16 Kaya't umalis ang hari at ang buong sambahayan niya ay sumunod sa kanya. At nag-iwan ang hari ng sampung asawang-lingkod upang pangalagaan ang bahay.

17 Humayo ang hari at ang taong-bayan na kasunod niya, at sila'y huminto sa huling bahay.

18 Lahat niyang mga lingkod ay dumaan sa harapan niya; at ang lahat ng mga Kereteo, mga Peleteo, mga Geteo, at ang animnaraang lalaking sumunod sa kanya mula sa Gat ay dumaan sa harapan ng hari.

Mga Gawa 21:27-36

Dinakip si Pablo

27 Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip,

28 na isinisigaw, “Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito.”

29 Sapagkat(A) nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.

30 At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto.

31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo.

32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.

33 Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.

34 Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan.

35 Nang dumating si Pablo[a] sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao.

36 Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, “Alisin siya!”

Marcos 10:32-45

Ikatlong Pagbanggit ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

32 Sila'y nasa daang paakyat sa Jerusalem at nauuna sa kanila si Jesus. Sila'y namangha at ang mga sumunod ay natakot. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay sa kanila ang mga bagay na mangyayari sa kanya

33 na sinasabi, “Tingnan ninyo, umaahon tayo patungo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay siya sa mga Hentil.

34 Siya'y kanilang tutuyain, at duduraan, siya'y hahampasin at papatayin. Pagkaraan ng tatlong araw siya ay muling mabubuhay.”

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(B)

35 Lumapit sa kanya sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na nagsasabi sa kanya, “Guro, ibig naming gawin mo sa amin ang anumang aming hingin sa iyo.”

36 At sinabi niya sa kanila, “Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?”

37 Sinabi nila sa kanya, “Ipagkaloob mo sa amin na makaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.”

38 Subalit(C) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong uminom sa kopang aking iinuman; o mabautismuhan sa bautismo na ibinabautismo sa akin?”

39 Sumagot sila, “Kaya namin.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinabautismo sa akin ay babautismuhan kayo.

40 Ngunit ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob; subalit ito'y para sa kanila na pinaghandaan nito.”

41 Nang marinig ito ng sampu, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan.

42 Kaya't(D) sila'y tinawag ni Jesus at sinabi sa kanila, “Nalalaman ninyo na ang mga kinikilala upang mamuno sa mga Hentil ay tumatayong panginoon sa kanila; at ang mga dakila sa kanila ang siyang nasusunod sa kanila.

43 Subalit(E) hindi gayon sa inyo, ngunit ang sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo;

44 at ang sinumang nais na maging una ay kailangang maging alipin ng lahat.

45 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001