Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 84

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!

1 Mga Hari 19:1-12

Pananakot ni Jezebel

19 Isinalaysay ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paanong kanyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.

Nang magkagayo'y nagpadala si Jezebel ng sugo kay Elias na nagsasabi, “Gayundin ang gawin sa akin ng mga diyos, at higit pa, kung hindi ko gagawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila bukas sa mga ganitong oras.”

Kaya't siya'y natakot; bumangon siya at umalis upang iligtas ang kanyang buhay at dumating sa Beer-seba na sakop ng Juda, at iniwan ang kanyang lingkod doon.

Ngunit(A) siya'y naglakbay ng isang araw patungo sa ilang at dumating at umupo sa lilim ng isang punungkahoy. Siya'y humiling na siya'y mamatay na sana, na nagsasabi, “Sapat na; ngayon, O Panginoon, kunin mo ang aking buhay sapagkat hindi ako mas mabuti kaysa aking mga ninuno.”

Siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punungkahoy na enebro; kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kanya, “Bumangon ka at kumain.”

Siya'y tumingin, at nasa kanyang ulunan ang isang munting tinapay na niluto sa nagbabagang bato, at isang bangang tubig. Siya'y kumain, uminom at muling nahiga.

Ang anghel ng Panginoon ay nagbalik sa ikalawang pagkakataon, at kinalabit siya, at sinabi, “Bumangon ka at kumain; kung hindi, ang paglalakbay ay magiging napakahirap para sa iyo.”

Siya nga'y bumangon, kumain, uminom, at humayo na taglay ang lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Horeb na bundok ng Diyos.

Ang Tinig ng Panginoon

Siya'y pumasok doon sa isang yungib, at nanirahan roon. Ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, at sinabi niya sa kanya, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”

10 Sinabi(B) niya, “Ako'y naging napakamapanibughuin para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang tinutugis ang aking buhay, upang patayin ito.”

11 Kanyang sinabi, “Humayo ka, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon.” At ang Panginoon ay nagdaan at biniyak ang mga bundok ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputul-putol ang mga bato sa harap ng Panginoon, ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin. At pagkatapos ng hangin ay isang lindol, ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol:

12 Pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig.

2 Corinto 3:1-9

Mga Lingkod ng Bagong Tipan

Magsisimula ba kaming muli na purihin ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri sa inyo, o mula sa inyo?

Kayo mismo ang aming sulat na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao:

ipinapakita(A) ninyo na kayo'y sulat ni Cristo na iniingatan namin, isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa mga tapyas ng puso ng tao.

Gayon ang pagtitiwalang taglay namin sa pamamagitan ni Cristo tungo sa Diyos.

Hindi sa kami ay may kakayahan mula sa aming sarili upang angkinin ang anuman na nagmula sa amin, kundi ang aming kakayahan ay mula sa Diyos;

na(B) ginawa kaming may kakayahan na maging mga lingkod ng bagong tipan, hindi ng titik, kundi ng Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.

Ngunit(C) kung ang pangangasiwa[a] ng kamatayan na nasusulat at nakaukit sa mga bato ay may kaluwalhatian, anupa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kanyang mukha, na ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas,

paanong ang pangangasiwa[b] ng Espiritu ay hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian?

Sapagkat kung ang pangangasiwa[c] ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ang pangangasiwa ng katuwiran ay lalong may higit na kaluwalhatian.

2 Corinto 3:18

18 At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001