Book of Common Prayer
Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno
97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
ang maraming pulo ay matuwa nawa!
2 Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
3 Apoy ang nasa unahan niya,
at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
4 Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
5 Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
6 Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
7 Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
8 Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.
10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.
99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
2 Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
3 Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
Siya'y banal!
4 Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
5 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
magsisamba kayo sa kanyang paanan!
Siya'y banal.
6 Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
7 Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.
8 O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
9 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!
Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.
100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
2 Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.
4 Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!
5 Sapagkat(C) ang Panginoon ay mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
2 Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
3 Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
4 Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
5 Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.
6 O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
7 Sapagkat(B)(C) siya'y ating Diyos,
at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
at mga tupa ng kanyang kamay.
Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
8 huwag(D) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
gaya ng araw sa ilang sa Massah,
9 nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(E) sa aking galit ako ay sumumpa,
na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”
Isinaayos ni Joab ang Pagpapabalik kay Absalom
14 Ngayon ay nahalata ni Joab, na anak ni Zeruia, na ang puso ng hari ay nakatuon kay Absalom.
2 At nagsugo si Joab sa Tekoa, at ipinasundo mula roon ang isang pantas na babae, at sinabi sa kanya, “Ikaw ay magkunwaring isang nagluluksa at magsuot ka ng damit pangluksa. Huwag kang magpahid ng langis, kundi ikaw ay magkunwaring isang babaing nagluluksa nang mahabang panahon dahil sa isang namatay.
3 Pumunta ka sa hari, at magsalita ka ng gayon sa kanya.” Kaya't inilagay ni Joab ang mga salita sa bibig ng babae.
4 Nang magsalita ang babaing taga-Tekoa sa hari, siya ay nagpatirapa sa lupa, nagbigay galang, at nagsabi, “Tulungan mo ako, O hari.”
5 Sinabi ng hari sa kanya, “Anong bumabagabag sa iyo?” At siya'y sumagot, “Sa katotohanan ako'y balo, at ang aking asawa ay patay na.
6 Ang iyong lingkod ay may dalawang anak at silang dalawa'y nag-away sa parang. Walang umawat sa kanila, at sinaktan ng isa ang isa at napatay ito.
7 Ang buong angkan ay bumangon laban sa iyong lingkod, at sila'y nagsabi, ‘Ibigay mo ang taong pumatay sa kanyang kapatid, upang siya'y mapatay namin dahil sa buhay ng kanyang kapatid na kanyang pinatay’; sa gayo'y mapapatay din nila ang tagapagmana. Sa gayo'y mapapatay nila ang aking nalalabing baga at walang maiiwan sa aking asawa kahit pangalan o anumang nalabi sa balat ng lupa.”
8 Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka sa iyong bahay, at ako'y mag-uutos tungkol sa iyo.”
9 At sinabi ng babaing taga-Tekoa sa hari, “Panginoon kong hari, ang kasamaan ay maging akin nawa, at sa sambahayan ng aking ama; at ang hari at ang kanyang trono ay mawalan nawa ng sala.”
10 Sinabi ng hari, “Sinumang magsabi sa iyo ng anuman, dalhin mo siya sa akin, at hindi ka na niya gagalawin pa.”
11 Pagkatapos ay sinabi niya, “Hinihiling ko na alalahanin ng hari ang Panginoon mong Diyos, upang ang tagapaghiganti ng dugo ay huwag nang pumatay pa, at upang huwag nang mapuksa ang aking anak.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, wala ni isang buhok ng iyong anak ang mahuhulog sa lupa.”
12 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Hinihiling kong pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita ng isang bagay sa aking panginoong hari.” At kanyang sinabi, “Magsalita ka.”
13 At sinabi ng babae, “Bakit ka nagbalak ng gayong bagay laban sa bayan ng Diyos? Sapagkat sa pagbibigay ng ganitong pasiya ay itinuring ng hari na nagkasala ang sarili, yamang hindi ipinababalik ng hari ang kanyang sariling itinapon.
14 Tayong lahat ay kailangang mamatay, tayo'y gaya ng tubig na nabuhos sa lupa, na hindi na muling matitipon, ngunit hindi kukunin ng Diyos ang buhay niya na humahanap ng paraan upang ang itinapon ay huwag mamalaging isang ipinatapon.
15 Ngayon ay pumarito ako upang sabihin ang bagay na ito sa aking panginoong hari, sapagkat tinakot ako ng taong-bayan, at inakala ng iyong lingkod, ‘Ako'y magsasalita sa hari, marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.
16 Sapagkat papakinggan ng hari at ililigtas ang kanyang lingkod sa kamay ng lalaking magkasamang papatay sa akin at sa aking anak mula sa pamana ng Diyos.’
17 At(A) inakala ng iyong lingkod, ‘Ang salita ng aking panginoong hari ang magpapatiwasay sa akin, sapagkat ang aking panginoong hari ay gaya ng anghel ng Diyos upang makilala ang mabuti at masama. Ang Panginoon mong Diyos ay sumaiyo nawa!’”
18 Nang magkagayo'y sinagot ng hari ang babae, “Huwag mong ikubli sa akin ang anumang itatanong ko sa iyo.” At sinabi ng babae, “Hayaang magsalita ang panginoon kong hari.”
19 Sinabi ng hari, “Kasama mo ba ang kamay ni Joab sa lahat ng bagay na ito?” At sumagot ang babae at nagsabi, “Kung paanong ikaw ay buháy panginoon kong hari, walang makakaliko sa kanan o sa kaliwa sa anumang sinabi ng aking panginoong hari. Ang iyong lingkod na si Joab ang siyang nag-utos sa akin, at siyang naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod.
20 Upang baguhin ang takbo ng mga pangyayari, ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito. Ngunit ang aking panginoon ay may karunungan gaya ng anghel ng Diyos upang malaman ang lahat ng mga bagay na nasa lupa.”
Nagtungo si Pablo sa Jerusalem
21 Nang kami'y humiwalay sa kanila at naglakbay, tuluy-tuloy na tinungo namin ang Cos at nang sumunod na araw ay ang Rodas, at buhat doon ay ang Patara.
2 Nang aming matagpuan ang isang barko na daraan sa Fenicia, sumakay kami at naglakbay.
3 Natanaw namin ang Cyprus sa dakong kaliwa; at naglakbay kami hanggang sa Siria at dumaong sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito.
4 Hinanap namin doon ang mga alagad at tumigil kami roon ng pitong araw. Sa pamamagitan ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem.
5 At nang matapos na ang aming mga araw doon, umalis kami at nagpatuloy sa aming paglalakbay, at silang lahat, kasama ang mga asawa at mga anak, ay inihatid kami sa aming patutunguhan hanggang sa labas ng bayan. Pagkatapos naming lumuhod sa baybayin at nanalangin,
6 kami ay nagpaalam sa isa't isa. Pagkatapos, lumulan na kami sa barko at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.
7 Nang aming matapos na ang paglalakbay buhat sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida; at binati namin ang mga kapatid at kami'y nanatiling kasama nila ng isang araw.
8 Kinabukasan,(A) lumabas kami at dumating sa Cesarea; at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelista, na isa sa pito, at nanatili kaming kasama niya.
9 Siya ay may apat na anak na dalaga[a] na nagsasalita ng propesiya.
10 Habang(B) naroon kami ng ilang araw, isang propeta na ang pangalan ay Agabo ang dumating mula sa Judea.
11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at ginapos niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ganito ang sinasabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Hentil.’”
12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at pati ang mga tagaroon ay nakiusap sa kanya na huwag nang umahon patungo sa Jerusalem.
13 Kaya't sumagot si Pablo, “Anong ginagawa ninyo, nag-iiyakan kayo at dinudurog ang aking puso? Handa ako na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.”
14 Nang hindi siya mahimok, tumigil kami, na nagsasabi, “Hayaang mangyari ang kalooban ng Panginoon.”
Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
10 Mula roon, siya'y umalis at pumunta sa lupain ng Judea at sa kabila ng Jordan. At muling nagtipon ang napakaraming tao sa paligid niya at tulad ng kanyang nakaugalian, muli niyang tinuruan sila.
2 Dumating ang mga Fariseo at upang subukin siya ay kanilang itinanong, “Ipinahihintulot ba sa lalaki na makipaghiwalay sa kanyang asawa?”
3 At sumagot siya sa kanila, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?”
4 Sinabi(B) nila, “Ipinahintulot ni Moises na sumulat ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at makipaghiwalay sa babae.”
5 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso, isinulat niya ang utos na ito sa inyo.
6 Ngunit(C) buhat pa sa pasimula ng paglikha, ‘ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.’
7 ‘Dahil(D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at makikipisan sa kanyang asawa;
8 at ang dalawa ay magiging isang laman!’ Kaya't hindi na sila dalawa, kundi isang laman.
9 Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag hayaang paghiwalayin ng tao.”
10 Sa bahay naman ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.
11 At(E) sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kanya.
12 Kung nakipaghiwalay siya sa kanyang asawang lalaki at mag-asawa sa iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)
13 At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad.
14 Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
15 Tunay(G) na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.”
16 At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001