Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 34

Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.

34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
    pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
    kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang kadakilaan niya ay ihayag,
    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
    pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
    sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
    sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
    mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
    nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
    ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
    at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(C) may gusto ng mahabang buhay;
    sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
    pagsikapang kamtin ang kapayapaan.

15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
    sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
    at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
    inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
    at di binibigo ang walang pag-asa.

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(D) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

Mga Awit 33

Awit ng Pagpupuri

33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
    dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
    kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
    tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
Isang bagong awit, awiting malakas,
    kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!

Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
    at maaasahan ang kanyang ginawa.
Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
    ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.

Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
    ang araw, ang buwa't talang maririkit;
sa iisang dako, tubig ay tinipon,
    at sa kalaliman ay doon kinulong.

Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
    Dapat katakutan ng buong nilikha!
Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
    sa kanyang salita, lumitaw na kusa.

10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
    kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
    hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
    mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
    ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
    sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
    walang nalilingid sa kanilang gawa.

16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
    ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
    upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
    di makakapagligtas, lakas nilang taglay.

18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
    sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
    kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
    tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
    sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.

22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
    yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!

Genesis 12:1-7

Tinawag ng Diyos si Abram

12 Sinabi(A) ni Yahweh kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.

Ang(B) sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,
at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;
sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”[a]

Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot. Isinama ni Abram ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at mga kayamanang naipon nila sa Haran. Pagkatapos nito'y nagtungo sila sa Canaan.

Pagdating nila roon, nagtuloy si Abram sa isang banal na lugar sa Shekem, sa malaking puno ng Moreh. Noo'y naroon pa ang mga Cananeo. Nagpakita(C) kay Abram si Yahweh na nagsabi sa kanya, “Ito ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng altar para kay Yahweh na nagpakita sa kanya.

Mga Hebreo 11:1-12

Ang Pananampalataya sa Diyos

11 Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Kinalugdan(A) ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kanilang pananampalataya.

Dahil(B) sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita.

Dahil(C) sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Dahil(D) sa pananampalataya, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.

Dahil(E) sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos.

Dahil(F) sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil(G) din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap ng ganoon ding pangako. 10 Sapagkat umasa si Abraham ng isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo.

11 Dahil(H) din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako.[a] 12 Kaya't(I) sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng di mabilang na buhangin sa dalampasigan.

Juan 6:35-42

35 Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36 Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya sa akin. 37 Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. 38 Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39 At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”

41 Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong bumabâ siya mula sa langit?”

Juan 6:48-51

48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. 50 Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. 51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.”