Book of Common Prayer
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit na katha ni David.
103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
5 Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
6 Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
7 Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
8 Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.
11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.
15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!
Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos
148 Purihin si Yahweh!
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya'y papurihan.
2 Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
3 Ang araw at buwan, siya ay purihin,
purihin din siya ng mga bituin,
4 mataas na langit, siya ay purihin,
tubig sa itaas, gayon din ang gawin!
5 Siya ang may utos na kayo'y likhain,
kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
6 Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
hindi magbabago magpakailanpaman.[a]
7 Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
maging dambuhala nitong karagatan.
8 Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
malakas na hangin, sumunod na lahat!
9 Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
maging hayop na gumagapang at mga ibon.
11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
matatandang tao't kaliit-liitan.
13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Purihin si Yahweh!
Ang Pagtutuli, Palatandaan ng Kasunduan
17 Nang siyamnapu't siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi, “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay. 2 Ako'y makikipagtipan sa iyo at lubhang pararamihin ko ang iyong lahi.” 3 Pagkarinig nito'y nagpatirapa si Abram. Sinabi pa sa kanya ng Diyos, 4 “Ito ang aking tipan sa iyo: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. 5 Hindi(A) na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham,[a] sapagkat ngayo'y ginagawa kitang ama ng maraming bansa. 6 Pararamihin ko nga ang iyong lahi at magtatatag sila ng mga bansa; at may magiging hari sa kanila.
7 “Tutuparin(B) ko ang aking pangako sa iyo at sa iyong lahi habang panahon, at ako'y magiging Diyos ninyo. 8 Ibibigay(C) ko sa iyo at sa iyong magiging lahi ang lupaing ito ng Canaan na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ito ang magiging pag-aari nila sa habang panahon, at ako ang kanilang magiging Diyos.”
9 Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ikaw at ang lahat ng susunod mong salinlahi ay dapat maging tapat sa ating kasunduan. 10 Ganito(D) ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin, 11 at iyan ang magiging palatandaan ng ating tipan. 12 Lahat ng lalaki na isisilang sa inyong lahi ay tutuliin pagsapit ng ikawalong araw, kasama rito ang mga aliping isinilang sa inyong sambahayan, gayundin ang mga aliping binili sa dayuhan.
15 Sinabi pa rin ng Diyos kay Abraham, “Hindi na Sarai ang itatawag mo sa iyong asawa kundi Sara[a] 16 sapagkat siya'y pagpapalain ko. Magkakaanak ka sa kanya at siya'y magiging ina ng maraming bansa; may magiging hari mula sa kanyang mga salinlahi.”
Ang Ganap na Pamumuhay kay Cristo
6 Yamang tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo na may pakikipag-isa sa kanya. 7 Magpakatatag kayo at isalig ninyo sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.
8 Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhang karunungan at pandaraya na ayon sa mga tradisyon ng mga tao at mga alituntunin ng mundong ito, at ang mga ito ay hindi ayon kay Cristo. 9 Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao. 10 Kaya't nalubos ang inyong buhay sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.
11 Dahil sa pakikipag-isa kay Cristo, kayo'y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Sa(A) pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya.
23 Sa araw na iyon, hindi na ninyo kailangang humingi sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”
Pagtatagumpay sa Pangalan ni Jesus
25 “Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinghaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. 27 Mahal kayo ng Ama sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos.[a] 28 Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo'y aalis na ako sa sanlibutan at babalik na sa Ama.”
29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! 30 Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.”
by