Book of Common Prayer
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Nang mga araw na patuloy ang pagdami ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Ito'y sa dahilang napapabayaan ang kanilang mga babaing balo sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 2 Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na pabayaan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. 3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilalang may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, at itatalaga namin sila sa tungkuling ito, 4 habang iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod para sa salita.” 5 Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia na nahikayat sa Judaismo. 6 Pinatayo sila sa harapan ng mga apostol at sila'y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay. 7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at mabilis na dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem, kabilang ang maraming pari sa mga naging tagasunod ng pananampalataya.
59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang papanagutin sa kasalanang ito.” Pagkasabi nito, siya'y namatay.[a]
8 Kasang-ayon si Saulo sa pagpaslang kay Esteban.
Ang Pag-usig ni Saulo sa Iglesya
Nang araw na iyon, sumiklab ang isang malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem. Maliban sa mga apostol, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mananampalataya sa buong lupain ng Judea at Samaria. 2 Inilibing si Esteban ng mga lalaking masigasig sa kabanalan. Tumangis sila nang malakas dahil sa kanya. 3 Samantala'y winawasak ni Saulo ang iglesya. (A) Pinapasok niya ang mga bahay-bahay, kinakaladkad at ibinibilanggo ang mga lalaki't babae.
Ang Pangangaral sa Samaria
4 Ang mga nagkawatak-watak nama'y naglakbay na ipinapahayag ang salita. 5 Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. 6 Nang marinig ng maraming tao ang mga sinabi ni Felipe at nang makita ang mga himalang ginawa niya, nagkaisa silang bigyan ng pansin ang kanyang sinasabi. 7 Sapagkat lumalabas ang masasamang espiritu na sumisigaw nang malakas mula sa maraming taong sinapian; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. 8 Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.