Book of Common Prayer
Buháy na Pag-asa
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa laki ng kanyang dakilang kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa kamatayan, 4 upang magkamit ng isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas na inihanda sa langit para sa inyo. 5 Kayo'y iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang mahahayag sa katapusan ng panahon. 6 Dahil sa mga ito, dapat kayong magalak bagaman sa loob ng maikling panahon ay dumaranas kayo ng iba't ibang pagsubok. 7 Nararanasan ninyo ito upang dalisayin ang inyong pananampalataya. Kaya kung paanong pinararaan sa apoy ang ginto, ang inyong pananampalatayang mas mahalaga kaysa gintong nasisira ay pinararaan din sa apoy ng pagsubok upang mapatunayan kung talagang tapat. Kung magkagayon, tatanggap kayo ng papuri, kaluwalhatian at karangalan sa araw ng pagpapahayag kay Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, subalit sumasampalataya kayo sa kanya. Umaapaw na ang inyong puso sa kagalakang di kayang ilarawan ng salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay
14 “Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi ito totoo, bakit ko pa sasabihin sa inyo na aalis ako upang ipaghanda kayo ng lugar? 3 At kung aalis ako at ipaghahanda kayo ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako, naroon din kayo. 4 At nalalaman ninyo ang daan tungo sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta. Paano po namin malalaman ang daan?” 6 (A)Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makararating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko. Mula ngayon, siya'y kilala na ninyo at siya'y nakita na ninyo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.