Book of Common Prayer
Tungkulin sa Kapatid
8 Huwag kayong manatiling may pagkakautang kaninuman, maliban sa pagkakautang na magmahalan kayo, sapagkat ang nagmamahal sa kanyang kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. 9 Ang (A) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang maging sakim;” at ang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 10 Sapagkat ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito dahil alam na ninyong panahon na ngayon upang kayo'y gumising mula sa inyong pagkakahimbing. Ang ating kaligtasan ay mas malapit na ngayon kaysa noong una nang tayo ay sumampalataya. 12 Lumalalim na ang gabi, at papalapit na ang araw. Kaya't hubarin na natin ang mga gawa ng dilim, at isuot ang kasuotang pandigma mula sa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal, gaya ng paglakad sa liwanag, hindi sa kalayawan at paglalasing, sa kalaswaan at kahalayan, sa mga away at pagseselos. 14 Sa halip, isapuso ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag bigyang-daan ang hilig ng laman patungo sa mga pagnanasa nito.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(A)
36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama ang mga alagad sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanila, “Maupo kayo rito. Pupunta muna ako sa banda roon at mananalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Noon ay nagsimula siyang malungkot at mabagabag. 38 At sinabi niya sa kanila, “Punung-puno ng kalungkutan ang aking kaluluwa na halos ikamatay ko. Dito muna kayo at makipagpuyat sa akin.” 39 Lumakad pa siya sa di-kalayuan, at doon ay nagpatirapa at nanalangin, na sinasabi, “Aking Ama, kung maaari, lumampas sa akin ang kopang ito. Gayunma'y hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang masunod.” 40 Bumalik siya sa mga alagad, at nadatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba ninyo kayang makipagpuyat sa akin kahit isang oras lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin, upang hindi kayo malagay sa tukso. Tunay na ang espiritu ay nagnanais ngunit ang laman ay mahina.” 42 Sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang umalis at nanalangin ng ganito, “Aking Ama, kung hindi maaaring lumampas ang kopang ito, malibang ito'y aking inuman, masunod nawa ang iyong kalooban.” 43 Bumalik na naman siya at naratnan silang natutulog, sapagkat mabigat na ang mga mata nila sa antok. 44 Kaya't muli niya silang iniwan; umalis siya, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na gayunding mga salita ang binibigkas. 45 Nilapitan niyang muli ang mga alagad at sinabi sa kanila, “Hanggang ngayon ay natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46 Bangon na! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, dumarating na ang nagkakanulo sa akin.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.