Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 101

Ang Pangako ng Hari

Isang Awit na katha ni David.

101 Ang aking awitin ay ang katapatan at ang katarungan;
    ako'y umaawit patungkol sa iyo, O Yahweh kong mahal;
ang aking susunding lagi ay ugaling walang kapintasan,
    kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan?
Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
    sa buhay kong ito ang gawang masama'y di ko tutulutan.
Ang sinumang taong gawai'y masama, di ko sasamahan,
    di ko papansinin kung sinuman siyang ang Diyos ay kalaban.
Aking sisikapin na ang masunod ko'y ang gawaing tapat;
    maging sa isipan di ko iisipin ang gawang di tumpak.
Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin;
    di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.

Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,
    sa aking palasyo ay papayagan ko na doon tumira,
kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.

Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan,
    sa aking presensya ang mapagkunwari'y di ko tutulutan.
Lahat ng masama, araw-araw sila'y aking wawasakin;
    lahat ng masama sa lunsod ni Yahweh ay palalayasin!

Mga Awit 109:1-30

Panalangin Upang Iligtas Laban sa Masasama

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

109 Pinupuri kita; O Diyos, huwag ka sanang manahimik,
ako ngayo'y nilulusob niyong mga malulupit,
mga taong sinungaling na manira lang ang nais.
Kay rami ng sinasabing pangungusap na di tunay,
    kinakalaban nga ako kahit walang madahilan.
Bagaman sila'y minahal ko, masama rin ang paratang,
    kahit ko pa idalangin, masama pa rin yaong bintang.
Sa mabuting ginawa ko, iginanti ay masama,
    kapalit ng pag-ibig ko ay galit at alipusta.

Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya,
    kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa,
pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa,
    kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin pa.
Ang(A) dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay,
    kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan.
Silang mga anak niya ay dapat na maulila,
    hayaan mong maging biyuda, itong giliw nilang ina.
10 Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos,
    sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos.
11 Ang lahat ng yaman niya'y ilitin ng nagpautang,
    agawin ng ibang tao, ang bunga ng pagpapagal.
12 Hindi siya nararapat kahabagan nino pa man,
    kahit anak na ulila sa hirap ay pabayaan.
13 Pati angkan niya't lahi, ay bayaang mamatay,
    sa sunod na lahi niya, ngalan niya ay maparam.
14 Gunitain sana ni Yahweh ang sala ng kanyang angkan,
    at ang sala nitong ina ay di dapat malimutan.
15 Huwag din sanang malimutan ni Yahweh ang sala nila,
    ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na!

16 Pagkat mga taong iyo'y wala namang natulungan,
    bagkus pa ang mahirap inuusig, pinapatay.
17 Mahilig sa pagsumpa, kaya dapat na sumpain,
    yamang ayaw na magpala, di dapat pagpalain.
18 Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit, kasuotang oras-oras nagagawa ang magbihis;
    sana'y siya ang ginawin, katulad ng nasa tubig
    tumagos sa buto niya, iyong sumpang parang langis.
19 Sana'y maging kasuotang nakabalot sa katawan,
    na katulad ng sinturong nakabigkis araw-araw.

20 Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan,
    sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan.
21 Katulad ng pangako mo, Yahweh, ako ay tulungan,
    yamang ika'y mapagmahal, ako'y ipagtanggol naman.
22 Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan,
    labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan.
23 Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala,
    parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga.
24 Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa di pagkain,
    payat na ang katawan ko, buto't balat sa paningin.
25 Ang(B) sinumang makakita sa akin ay nagtatawa,
    umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita.

26 Tulungan mo ako, Yahweh, sana naman ay iligtas,
    dahilan sa pag-ibig mong matatag at di kukupas.
27 Bayaan mong makilala na ikaw ang nahahabag,
    ipakita sa kaaway na ikaw ang nagliligtas.
28 Ako'y iyong pagpalain, kung kanilang sinusumpa,
    sa kanilang pag-uusig bayaan mong mapahiya;
    ako namang iyong lingkod mabubuhay na may tuwa.
29 Silang mga nang-uusig, bayaan mong mabahala,
    ang damit ng kahihiyan, isuot mo sa kanila.

30 Kay Yahweh ay buong puso akong magpapasalamat,
    sa gitna ng karamiha'y magpupuri akong ganap;

Mga Awit 119:121-144

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Ayin)

121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
    sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
    at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
    sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
    abang lingkod,
    upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
    nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
    kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
    pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.

Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh

(Pe)

129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
    lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
    nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
    na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
    at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133 Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
    mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
    iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
    at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
    dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.

Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh

(Tsade)

137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
    matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
    sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
    pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
    kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
    gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
    katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
    ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
    bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.

Error: '1 Macabeo 3:42-59' not found for the version: Magandang Balita Biblia
Pahayag 21:9-21

Ang Bagong Jerusalem

Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(A) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(B) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.

15 Ang(C) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(D)(E) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.

Mateo 17:22-27

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(A)

22 Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo 23 at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot.

Pagbabayad ng Buwis para sa Templo

24 Pagdating(B) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila.

25 “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ba ang nagbabayad ng buwis sa mga hari dito sa mundo, ang mga mamamayan[a] ba, o ang mga dayuhan?” 26 “Ang mga dayuhan po,” tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan. 27 Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang salaping pilak.[b] Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.