Book of Common Prayer
Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel
Isang Maskil[a] ni Asaf.
78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2 Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
5 Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
6 Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
7 Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
8 Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
9 Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,
sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
10 Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,
hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,
mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
12 Ang(B) (C) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(D) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(E) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(F) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.
17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(G) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
“Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”
21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(H) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
30 Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,
at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
31 pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,
sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;
ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.
32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunud-sunod na himala,
ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33 Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34 Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37 Sa(I) kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.
38 Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,
ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin;
dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin,
kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
39 Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,
hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.
40 Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang;
ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
41 Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,
ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel.
42 Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain,
gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
43 Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,
ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
44 Yaong(J) mga ilog doo'y naging dugong umaagos,
kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
45 Makapal(K) na mga langaw at palaka ang dumating,
nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
46 Dumating(L) ang maninira sa taniman ng halaman,
mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
47 Pati(M) tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,
anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro.
48 Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,
sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
49 Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,
kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,
mga anghel ang gumanap ng parusang sunud-sunod.
50 Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,
yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;
dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
51 Yaong(N) lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,
ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham.
52 Tinipon(O) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(P) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(Q) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(R) niyang lahat ang naroong namamayan,
pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.
56 Ngunit(S) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57 katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(T) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(U) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.
65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.
70 Ang(V) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.
26 “Ngunit(A) (B) kinalaban ka pa rin nila,
at tinalikuran nila ang iyong Kautusan.
Pinatay nila ang iyong mga propeta
na isinugo mo upang sila'y panumbalikin sa iyo.
Patuloy ka nilang hinahamak.
27 Dahil sa ginawa nila, pinabayaan mong sakupin sila ng kanilang mga kaaway,
ipinaalipin mo sila at pinahirapan.
Ngunit nang sila'y tumawag sa iyo,
pinakinggan mo pa rin sila mula sa langit.
Sa habag mo sa kanila,
binigyan mo sila ng mga pinunong sa kanila'y magliligtas.
28 Ngunit nang ang buhay nila'y naging matiwasay, muli silang nagkasala laban sa iyo,
kaya't pinababayaan mo silang muling matalo ng kaaway.
Ngunit kapag sila'y muling nagsisi at humingi ng tulong,
pinapakinggan mo sila mula sa langit
at paulit-ulit mo silang inililigtas sapagkat ikaw ay mahabagin.
29 Binabalaan(C) mo silang manumbalik sa iyong Kautusan,
ngunit sa kanilang kapalalua'y lalo nilang nilabag ito.
Kahit na ang Kautusan mo ay nagbibigay-buhay,
sa katigasan ng kanilang ulo'y sinuway nila iyon.
30 Maraming(D) taon na pinagtiisan mo sila,
at binalaan ng iyong Espiritu[a] sa pamamagitan ng mga propeta,
ngunit hindi pa rin sila nakinig.
Kaya't ipinasakop mo na naman sila sa mga dayuhan.
31 Ngunit dahil sa iyong labis na kahabagan,
hindi mo rin sila ganap na nilipol at itinakwil.
Ikaw ay mapagpatawad at mahabaging Diyos!
32 “O(E) aming Diyos, napakadakila mong Diyos,
kakila-kilabot ang iyong kapangyarihan.
Tumutupad ka sa iyong kasunduan at mga pangako.
Mula pa nang kami'y sakupin ng mga hari ng Asiria,
hanggang ngayo'y labis ang aming paghihirap.
Naghirap ang aming mga hari at pinuno,
mga pari, mga propeta, at ang mga ninuno.
Ang iyong buong bayan ay dumanas ng kahirapan,
kaya't alalahanin mo ang aming pagdurusa.
33 Makatuwiran ka sa iyong pagpaparusa sa amin;
naging tapat ka sa kabila ng aming pagkakasala.
34 Ang aming mga ninuno, hari, pinuno at pari
ay hindi sumunod sa iyong Kautusan.
Sinuway nila ang iyong mga utos at babala.
35 Sa gitna ng kasaganaang kanilang tinatamasa, sa ilalim ng mabuting pamamahala ng kanilang mga hari,
sa kabila ng malalawak at matatabang lupaing kanilang minana,
hindi pa rin sila naglingkod sa iyo at nagsisi sa kanilang mga kasalanan.
36 Ngayon, sa lupaing ito na iyong ipinamana,
sa lupaing ito na ang pagkain ay sagana, kami'y busabos at alipin.
37 Ang dahilan ay ang aming pagkakasala,
kaya ang nagpapasasa sa ani ng bukid ay ang mga haring sa ami'y lumupig.
Nasusunod nila anumang gustuhin, pati mga kawan nami'y inaangkin.
O sukdulan na itong hirap namin!”
Pangakong Susundin ang Kautusan
38 Dahil dito, kaming sambayanang Israel ay gumawa ng isang kasulatan ng sinumpaang kasunduan. Ito'y lubos na sinang-ayunan at nilagdaan ng aming mga pinuno, mga Levita at mga pari.
9 Tatangis(A) at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lungsod. 10 Tatayo sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa kanya!”
11 Dahil(B) sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. 12 Wala(C) nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga telang lino, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. 13 Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at maging kaluluwa ng tao. 14 “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay naglahong kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!” 15 Hindi(D) lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lungsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati. 16 Sasabihin nila, “Nakakapangilabot ang nangyari sa tanyag na lungsod! Dati'y nadaramtan siya ng lino at telang kulay ube at pula, at napapalamutian ng mga alahas, ginto at perlas! 17 Sa(E) loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!”
Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nangangalakal sa dagat, 18 at(F)(G) tinangisan nila ang nasusunog na lungsod habang minamasdan ang usok na nagmumula roon, “Walang katulad ang katanyagan ng lungsod na iyon!” 19 Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lungsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!”
20 Magalak(H) ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo!
Ang Pananalig ng Isang Cananea(A)
21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.”
23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” 24 Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.”
26 Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”
27 “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.