Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan
Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
mga daing ko ay huwag namang layuan.
2 Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
sa bigat ng aking mga suliranin.
3 Sa maraming banta ng mga kaaway,
nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
namumuhi sila't may galit ngang tunay.
4 Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
sa aking takot na ako ay pumanaw.
5 Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
sinasaklot ako ng sindak na labis.
6 Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
hahanapin ko ang dakong panatag.
7 Aking liliparin ang malayong lugar,
at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
8 Ako ay hahanap agad ng kanlungan
upang makaiwas sa bagyong darating.”
9 Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
pati pang-aapi ay nasasaksihan.
12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.
16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
Aking itataghoy ang mga hinaing,
at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
at pababaliking taglay ang tagumpay,
matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[c]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
ayaw nang magbago at magbalik-loob.
20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
ngunit parang tabak ang talas at tulis.
22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
ang taong matuwid, di niya bibiguin.
23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
2 Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
3 Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
4 Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
5 Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
6 Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
7 Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?
Sa iyo bang Espiritu,[a] ako ba'y makakaiwas?
8 Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka,
sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;
9 kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
10 tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
11 Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
12 maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,
madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16 Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
19 Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama,
at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
20 Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo,
at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
21 Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo,
ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto.
22 Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam,
sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.
23 O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip,
subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
Mga Masamang Balak Laban kay Nehemias
4 Nabalitaan ni Sanbalat na aming itinatayong muli ang pader. Nagalit siya at kinutya kaming mga Judio. 2 Sa harapan ng kanyang mga kasama at mga hukbo ng Samaria ay sinabi niya, “Ano kaya ang iniisip ng mga kawawang Judiong ito? Itayong muli ang Jerusalem sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog at gawin iyon sa loob ng isang araw? Akala ba nila'y magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na bato roon?”
3 Sa tabi niya'y nagsalita naman si Tobias na Ammonita, “Ano bang klaseng pader ang gagawin ng mga Judiong iyan? Madaanan lamang iyon ng asong-gubat ay tiyak na guguho na!”
4 Sa narinig kong ito, ako ay nanalangin, “Tingnan mo kami O Diyos kung paano kami kinukutya! Mangyari sana sa kanila ang masamang hangad nila laban sa amin. Maubos nawa ang kanilang ari-arian at madala silang bihag sa ibang lupain. 5 Huwag mo silang patawarin at huwag mong kalimutan ang kanilang mga kasalanan, sapagkat hinamak nila kaming mga nagtatrabaho.”
6 Lalo kaming nagpatuloy sa pagtatayo ng pader, kaya't hindi nagtagal at nangalahati na ang taas nito dahil masigasig ang mga tao sa pagtatrabaho.
7 Nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ng mga taga-Arabia, Ammon at Asdod na halos mabuo na namin ang pader ng Jerusalem at ang mga butas nito ay natakpan na, lalo silang nagalit. 8 Nagkaisa silang salakayin ang Jerusalem upang kami'y guluhin. 9 Kaya nanalangin kami sa aming Diyos at nagtalaga kami ng mga bantay araw at gabi.
10 Ang mga taga-Juda ay may ganitong awit:
“Nanghihina kami sa bigat ng pasan,
at sobrang dami ng batong nabuwal.
Hindi namin kaya ang hirap na ito na itayo ang pader sa maghapong trabaho.”
11 Akala ng aming mga kaaway ay hindi namin sila makikita at hindi namin alam ang kanilang binabalak na pagsalakay. Iniisip nilang mapupuksa nila kami at mahihinto ang aming gawain. 12 Hindi nila alam na ang mga Judio na nakatirang kasama nila ay laging nagbabalita sa amin ng tungkol sa kanilang masamang balak.
13 Kaya't nagtalaga ako ng mga bantay sa ibaba, sa likod ng pader, at sa mga lugar na hindi pa tapos ang pader. Inilagay ko sila sa gawaing ito ayon sa kani-kanilang angkan. Binigyan ko sila ng iba't ibang sandata gaya ng espada, sibat at pana.
14 Binisita ko ang mga tao at sinabi ko sa mga pinuno at hukom at sa lahat ng naroon, “Huwag kayong matakot sa mga kaaway. Alalahanin nating dakila at kamangha-mangha si Yahweh. Ipagtanggol ninyo ang inyong mga kababayan, ang inyong mga anak, inyong mga asawa at mga tahanan.” 15 Nabalitaan ng mga kaaway na alam natin ang kanilang mga balak, at napag-isip-isip nilang hinahadlangan sila ng Diyos. Kaya ang lahat ay nagpatuloy sa paggawa ng pader.
16 Simula noon, kalahati na lamang ng aking mga tauhan ang gumagawa ng pader at ang kalahati naman ay nagbabantay. Ang mga bantay ay may dalang sibat, kalasag, pana at kasuotang bakal. Ang mga pinuno at mga pangunahing mamamayan ay nagbibigay ng kanilang lubusang tulong 17 sa gumagawa ng pader. Hawak sa isang kamay ng mga nagpapasan ang kanilang dala, at sandata naman ang hawak sa kabilang kamay. 18 Ang mga gumagawa sa pader ay may sariling espada na nakalagay sa kanyang baywang, at nasa tabi ko naman ang isang may hawak na trumpeta. 19 Sinabi ko sa mga pinuno, sa mga hukom at sa mga taong-bayan, “Malaki ang ating gawain at malalayo ang ating pagitan habang tayo'y nagtatrabaho, 20 kaya't tuwing maririnig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipun-tipon tayo sa kinatatayuan ko. Ipaglalaban tayo ng Diyos natin.”
21 At nagpatuloy kami sa pagtatrabaho araw-araw. Ang kalahati ay may dalang sibat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglabas ng mga bituin. 22 Sinabi ko rin sa mga tao, “Lahat ng lalaki at mga alipin ay kailangang magpalipas ng gabi sa loob ng Jerusalem at maging handa sa anumang pagsalakay kung gabi at sa araw ay magtrabaho naman.” 23 Kaya't ako, ang aking mga kasamahan, mga tauhan, at mga bantay ay laging nakahanda at laging may hawak na sandata.
4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isandaan at apatnapu't apat na libo (144,000) buhat sa labindalawang (12) lipi ng Israel. 5-8 Tig-labindalawang libo (12,000) mula sa bawat lipi ng Israel: Juda, Ruben, Gad, Asher, Neftali, Manases, Simeon, Levi, Isacar, Zebulun, Jose, at Benjamin.
Ang mga Nagtagumpay Mula sa Lahat ng Bansa
9 Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. 10 Isinisigaw nila, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” 11 Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, ng matatandang pinuno, at ng apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos 12 na nagsasabi, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen.”
13 Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”
14 “Ginoo,(A) kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko.
At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero. 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. 16 Hindi(B) na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, 17 sapagkat(C) ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Talinghaga tungkol sa Buto ng Mustasa(A)
31 Sa pagpapatuloy, isa pang talinghaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”
Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(B)
33 Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinghaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, hanggang umalsa ang buong masa ng harina.”
Ang Paggamit ni Jesus ng mga Talinghaga(C)
34 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Sa(D) gayon, natupad ang sinabi ng propeta:[a]
“Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga,
ihahayag ko ang mga bagay na inilihim mula pa nang likhain [ang daigdig].”[b]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.