Book of Common Prayer
Ang Pagtatagumpay sa Sanlibutan
5 Ang sinumang sumasampalatayang si Jesus ang Cristo ay anak na ng Diyos, at ang sinumang nagmamahal sa nagsilang ay nagmamahal din sa isinilang. 2 Ganito natin nalalaman na minamahal natin ang mga anak ng Diyos: kung minamahal natin ang Diyos at sinusunod ang kanyang mga utos. 3 Sapagkat ganito ang pagmamahal sa Diyos, na sundin natin ang kanyang mga utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. 4 Sapagkat ang sinumang anak na ng Diyos ay nagtatagumpay sa sanlibutan. At ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya. 5 At sino ang nagtatagumpay sa sanlibutan? Hindi ba siya na sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?
Ang Patotoo tungkol sa Anak ng Diyos
6 Si Jesu-Cristo ang siyang pumarito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo; hindi lamang sa pamamagitan ng tubig kundi ng tubig at ng dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7 Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[a] 8 ang Espiritu, ang tubig at ang dugo, at ang tatlong ito ay nagkakaisa. 9 Kung tumatanggap tayo ng patotoo ng mga tao, mas higit pa ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos, na kanyang ibinigay tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay sa kanyang sarili ng patotoong ito. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo: binigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak. 12 Ang sinumang kinaroroonan ng Anak ay may buhay; ang sinumang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay walang buhay.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(A)
38 Nilisan ni Jesus ang sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay inaapoy sa lagnat ang biyenang babae ni Simon at nakiusap sila kay Jesus para sa kanya. 39 At tumayo si Jesus sa tabi nito, pinatigil niya ang lagnat at nawala nga ito. Kaya't pagtayo ng babae, agad itong naglingkod sa kanila. 40 Nang palubog na ang araw, dinala sa kanya ng lahat ang kani-kanilang may mga sari-saring karamdaman. At pagkapatong ng kanyang mga kamay sa bawat isa ay pinagaling sila. 41 Sa marami ay lumayas din ang mga demonyo na pasigaw na nagsasabing, “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit sinaway niya ang mga ito at pinagbawalang magsalita sapagkat kilala nila na siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(B)
42 Kinaumagahan, nagtungo si Jesus sa ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao. Lumapit sila sa kanya at pinipigilan siyang lumayo sa kanila. 43 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang mabuting balita tungkol sa paghahari ng Diyos sapagkat isinugo ako para rito.” 44 At siya ay nangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.