Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 33

Awit ng Pagpupuri

33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
    dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
    kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
    tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
Isang bagong awit, awiting malakas,
    kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!

Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
    at maaasahan ang kanyang ginawa.
Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
    ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.

Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
    ang araw, ang buwa't talang maririkit;
sa iisang dako, tubig ay tinipon,
    at sa kalaliman ay doon kinulong.

Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
    Dapat katakutan ng buong nilikha!
Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
    sa kanyang salita, lumitaw na kusa.

10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
    kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
    hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
    mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
    ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
    sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
    walang nalilingid sa kanilang gawa.

16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
    ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
    upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
    di makakapagligtas, lakas nilang taglay.

18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
    sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
    kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
    tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
    sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.

22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
    yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!

Exodo 19:3-8

Si Moises naman ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos.

Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Ito ang sabihin mo sa angkan ni Jacob, sa mga Israelita. ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. Nakita rin ninyo kung paanong dinala ko kayo rito tulad ng isang agilang nagdala sa kanyang mga inakay. Kung(A) (B) susundin ninyo ako at magiging tapat sa ating kasunduan, kayo ang magiging bayang hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi. Kayo'y(C) gagawin kong isang kaharian ng mga pari at isang bansang banal.’ Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita.” Kaya tinipon ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ni Yahweh. Sila nama'y sabay-sabay na sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh.” Si Moises ay nagbalik kay Yahweh at sinabi ang tugon ng mga tao.

Exodo 19:16-20

16 Kinaumagahan(A) (B) ng ikatlong araw ay kumulog at kumidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa buong kampo. 17 Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. 18 Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumabâ si Yahweh sa anyo ng apoy. Tumaas ang usok tulad ng usok ng isang pugon, at nayanig ang bundok. 19 Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sumagot sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng kulog. 20 Bumabâ si Yahweh sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises.

1 Pedro 2:4-10

Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sapagkat(A) sinasabi ng kasulatan,

“Tingnan ninyo,
    inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
    hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”

Kaya(B) nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito:

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-pundasyon.”

At(C)

“Ito ang batong katitisuran ng mga tao,
    batong ikadadapa nila.”

Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.

Ngunit(D) kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y(E) hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.