Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 80

Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.

80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
    mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
    sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!

Ibalik mo kami, O Diyos,
    at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
    Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
    luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
    iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.

Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
    sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
    doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
    mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
    pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
    pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
    kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.

14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
    Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
    at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
    yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!

16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
    sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
    iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
    kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!

Mga Awit 77

Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.

77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
    ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
    hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
    ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
    ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)[a]

Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
    hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
    nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
    ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
“Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
    Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
    Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
    Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)[b]
10 Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
    para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”

11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
    ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
    magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.

13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
    at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
    iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
    ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[c]

16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
    pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
    at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
    na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.

18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
    ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
    pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
    ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
    ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
    si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!

Mga Awit 79

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Awit ni Asaf.

79 O(A) Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.

Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.

Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
10 Bakit magtatanong
itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?”
Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,
ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang.

11 Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
12 Iyong parusahan
yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,
parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
13 Kaya nga, O Yahweh,
kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!

Levitico 25:35-55

Pagpapautang sa Mahihirap

35 “Kung(A) ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo. 36 Huwag ninyo siyang patutubuan kung siya'y mangutang sa inyo. Matakot kayo sa Diyos, at hayaan ninyo itong mabuhay na kasama ninyo. 37 Huwag(B) ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo. 38 Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo.

Paglaya ng mga Alipin

39 “Kung(C) dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin. 40 Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya. 41 Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian. 42 Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; hindi sila dapat ipagbili upang maging alipin. 43 Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos. 44 Kung kailangan ninyo ng aliping lalaki o babae, doon kayo bumili sa mga bansa sa inyong paligid. 45 Maaari ninyong bilhin bilang alipin ang mga anak ng mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 46 Maaari ninyo silang ipamigay sa inyong mga anak at maaari rin ninyo silang gawing alipin, ngunit huwag ninyong aalipinin o pagmamalupitan ang kapwa ninyo Israelita.

47 “Kung dahil sa labis na kahirapan at mapilitan ang isang Israelita na ipagbili ang kanyang sarili sa isang dayuhang mayaman, 48 siya ay may karapatang lumaya. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 amain, pinsan, kamag-anak o siya mismo kung kaya na niya. 50 Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay kukuwentahin mula nang bilhin siya hanggang sa Taon ng Paglaya, at ang itutubos sa kanya ay katumbas ng sweldo ng isang manggagawa. 51 Kung matagal pa ang Taon ng Paglaya, malaki ang pagbabayaran ng tutubos. 52 Ngunit maliit lamang kung malapit na ang panahong iyon, sapagkat ang itutubos sa kanya ay batay sa dami ng taon na dapat pa niyang ipaglingkod. 53 Ituturing siyang bayarang manggagawa sa panahon ng kanyang paglilingkod ngunit hindi siya maaaring pagmalupitan. 54 Kung hindi siya matubos sa mga paraang nabanggit, siya at ang mga anak niya ay palalayain pagsapit ng Taon ng Paglaya, 55 sapagkat alipin ko ang mga Israelita, at ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo.

Colosas 1:9-14

Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo[a] sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa(A) pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].[b]

Mateo 13:1-16

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

13 Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil(B) sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya:

“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” 11 Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagkat(D) ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 13 Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. 14 Natutupad(E) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,

‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman,
    at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman.
15 Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
    mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
    at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
    nakarinig ang kanilang mga tainga,
    nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
    at pinagaling ko sila.’

16 “Subalit(F) pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.