Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 97

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
    Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
    kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
    sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
    kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
    sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
    sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
    Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
    nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
    dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
    dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
    siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
    sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
    sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
    sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.

Mga Awit 99

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
    mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
    kaya daigdig ay nayayanig.
Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
    si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
    si Yahweh ay banal!

Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
    ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
    ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
    sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
    Si Yahweh ay banal!

Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
    at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
    nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
    sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.

O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
    at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
    ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
    sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!

Mga Awit 115

Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos

115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
    hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
    walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.

Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
    “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
    at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa(A) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
    sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
    at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
    ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
    mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
    ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
    lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
    pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
    pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(B) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
    kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
    anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
    pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
    samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
    niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
    siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.

Purihin si Yahweh!

Mikas 7:7-15

Ngunit para sa akin, kay Yahweh ako mananalig. Hihintayin kong may pagtitiwala ang Diyos na magliligtas sa akin at ako'y kanyang diringgin.

Ang Gagawing Pagliligtas ni Yahweh

Mga kaaway ko, huwag kayong magalak dahil sa nangyari sa akin! Kung ako ma'y nadapa, muli akong babangon. Kung ako ma'y nasa kadiliman, tatanglawan ako ngayon ni Yahweh. Titiisin ko ang galit niya sapagkat nagkasala ako sa kanya. Magtitiis ako hanggang sa ipagtanggol niya ako at bigyan ng katarungan. Dadalhin niya ako sa kaliwanagan at makikita ko ang kanyang pagliligtas. 10 Ito'y makikita ng aking kaaway, at mapapahiya siya na nagsabi sa akin, “Nasaan si Yahweh na iyong Diyos?” Makikita ko naman ang kanyang pagbagsak, at niyuyurakan siyang parang putik sa lansangan.

11 Mga taga-Jerusalem, darating ang araw na itatayong muli ang inyong mga pader at lalong lalawak ang inyong nasasakupan. 12 Sa araw na iyon ay babalik sa inyo ang mga tao buhat sa Asiria sa silangan hanggang sa Egipto, sa timog; buhat sa dakong ang hangganan ay ang Ilog Eufrates, mula sa malalayong dagat, at kabundukan. 13 Ngunit magiging disyerto ang lupa dahil sa masasamang gawain ng mga naninirahan doon.

Ang Pag-ibig ni Yahweh para sa Israel

14 Yahweh, patnubayan mong gaya ng isang pastol ang iyong bayan, ang bayan na iyong pinili. Bagama't sila'y nag-iisa sa ilang, napapalibutan naman sila ng masasaganang lupain. Hayaan mo silang manirahan at manginain sa sariwang pastulan ng Bashan at Gilead gaya noong unang panahon.

15 Magpakita ka sa amin ng mga kamangha-manghang bagay tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan.

Mga Gawa 3:1-10

Pinagaling ang Isang Lumpo

Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasók sa Templo, siya'y humingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.

Juan 15:1-11

Ang Tunay na Puno ng Ubas

15 “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

“Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin, gaya ng sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at nasusunog. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo. Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging mga alagad ko. Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.

11 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.