Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 6

Panalangin sa Panahon ng Bagabag

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]

O(A) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
    o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
    pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
    O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?

Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
    hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
    sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?

Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
    gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
    binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
    halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.

Kayong(B) masasama, ako'y inyong layuan,
    pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
    at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
    sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.

Mga Awit 12

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]

12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
    wala nang taong tapat at totoo.
Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
    nagkukunwari at nagdadayaan sila.
Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
    at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
silang laging nagsasabi,
    “Kami'y magsasalita ng nais namin;
    at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
“Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
    “Upang saklolohan ang mga inaapi.
    Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”

Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
    ang katulad nila'y pilak na lantay;
    tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.

Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
    sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
    ang mga gawang liko ay ikinararangal!

Mga Awit 94

Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat

94 Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
    ipakita mo ngayon ang karapatang ganito.
Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
    ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
    Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
    upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
    Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
    pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
    hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”

Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
    hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
    akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
    Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11 Batid(A) ni Yahweh mga plano nating baluktot,
    katulad lang ng hininga, madaling malagot.

12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
    silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13 Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
    hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14 Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
    itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15 mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
    diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.

16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
    Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17 O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
    akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18 Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
    dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19 Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
    ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.

20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
    na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
    ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
    Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23 Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
    lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
    ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.

Jeremias 15:10-21

Dumaing kay Yahweh si Jeremias

10 Napakahirap ng kalagayan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa daigdig na ito? Lagi akong may kaaway at kalaban sa buong lupain. Hindi ako nagpautang, o kaya'y nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat. 11 Yahweh, mangyari nawa ang kanilang mga sumpa sa akin kung hindi kita pinaglingkurang mabuti, at kung hindi ako nakiusap sa iyo para sa aking mga kaaway nang sila'y naghihirap at naliligalig. 12 Walang makakabali sa bakal, lalo na kung ang bakal ay mula sa hilaga, sapagkat ito'y hinaluan ng tanso.

13 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pababayaan kong agawin ng mga kaaway ang mga kayamanan at ari-arian ng aking bayan, bilang parusa sa mga kasalanang kanilang nagawa sa buong lupain. 14 At sila'y magiging mga alipin ng kanilang kaaway, sa isang lupaing hindi nila alam, sapagkat ang poot ko'y parang apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”

15 Sinabi naman ni Jeremias, “Yahweh, ikaw ang nakakaalam ng lahat. Alalahanin mo ako't tulungan. Ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin. Huwag kang papayag sa kanila at baka ako'y kanilang patayin. Ako'y hinahamak nila dahil sa iyo. 16 Nagsalita ka sa akin, at pinakinggan kitang mabuti. Ang mga salita mo'y aking kagalakan. Ako'y sa iyo, Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 17 Hindi ko sinayang ang aking panahon sa pagpapakaligaya sa buhay, kasama ang ibang mga tao, ni hindi ako nakigalak sa kanila. Dahil sa pagsunod sa iyong utos, nanatili akong nag-iisa at nagpupuyos sa galit ang kalooban ko. 18 Bakit hindi na natapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumaling ang mga sugat ko? Talaga bang wala nang lunas ito? Nais mo bang ako'y mabigo, gaya ng isang batis na natutuyo sa tag-araw?”

19 Ganito ang isinagot ni Yahweh, “Kung manunumbalik ka, tatanggapin kita, at muli kitang gagawing lingkod ko. Kung magsasalita ka ng mga bagay na may kabuluhan, at hindi ng walang kabuluhan, muli kitang gagawing propeta. Lalapit sa iyo ang mga tao, at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. 20 Sa harapan ng mga taong ito'y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso. Lalabanan ka nila, ngunit hindi sila magtatagumpay. Sapagkat ako'y sasaiyo upang ingatan ka at panatilihing ligtas. 21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at iingatan laban sa mararahas.”

Filipos 3:15-21

15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na.

17 Mga(A) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.

Juan 12:20-26

Hinanap ng Ilang Griego si Jesus

20 May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”

22 Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 Ang(A) taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.