Book of Common Prayer
Awit ng Pagtatagumpay
118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
3 Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
4 Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
5 Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
6 Kung(B) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
7 Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
8 Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
9 Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(C) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.
22 Ang(D) (E) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(F) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.
26 Pinagpala(G) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.
28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Awit ng Pagpupuri
Katha ni David.
145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
2 aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
3 Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
6 Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
7 Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
8 Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.
21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
16 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagpapahayag sa inyo. Pawang kasinungalingan lamang ang sinasabi nila. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi ay kathang-isip lamang nila at hindi nagmula sa akin. 17 Palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa akin, ‘Magiging mabuti ang inyong kalagayan’; at sa mga ayaw tumalikod sa kasalanan, ‘Hindi ka daranas ng anumang kahirapan.’”
18 Subalit isa man sa mga propetang ito'y hindi nakakakilala kay Yahweh. Wala man lamang nakarinig sa kanyang pahayag o sumunod sa kanyang utos. 19 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyong nagngangalit, parang nag-aalimpuyong ipu-ipo na kanyang pababagsakin sa masasama. 20 Hindi maaalis ang poot ni Yahweh hanggang hindi niya naisasakatuparan at nagaganap ang kanyang mahiwagang panukala. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito.
21 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila. 22 Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maipapangaral nila ang aking mensahe sa mga tao at sila'y magsisi at tatalikod sa kanilang masasamang gawa.
23 “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. 24 Walang(A) makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa. 25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! 26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso? 27 Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal. 28 Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh. 29 “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato. 30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe. 31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh. 32 Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.”
19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.
23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat(A) ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.
Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”
34 Pinalapit(B) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(C) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
9 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.