Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Mga Awit 59-60

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.

59 Sa aking kaaway,
    iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.

Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.

Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”

Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.

Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.

11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]

14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.

16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.

Panalangin Upang Iligtas

Upang(B) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[d] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
    kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
    bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
    lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
    upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[e]
Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
    upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.

Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
    “Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
    ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
    ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
    samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
    samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
    at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”

Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
    Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
    Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
    pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
    matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.

Mga Awit 93

Ang Diyos ang Hari

93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
    ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
    kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
    bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.

Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
    lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
    maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
    malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
    higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.

Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
    sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Mga Awit 96

Diyos ang Kataas-taasang Hari(A)

96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
    purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
    araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
    sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
    higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
    si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
    ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.

O(B) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
    Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
    dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
    humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.

10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
    “Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
    sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
    lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
    pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
    at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.

Job 29:1

Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw

29 Muling nagsalita si Job,

Job 31:1-23

Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan

31 “Ako'y taimtim na nangako sa aking sarili,
    na di titingin nang may pagnanasa sa ibang babae.
Anong ginagawa ng Makapangyarihang Diyos sa atin?
    Anong gantimpala niya sa ating gawain?
Ibinibigay niya'y kapahamakan at pagkasira,
    sa mga taong gumagawa ng mali at masama.
Lahat ng ginagawa ko'y kanyang nalalaman,
    kitang-kita niya ang aking bawat hakbang.

“Pagsisinungaling ay hindi ko ginawa,
    kahit isang tao'y wala akong dinaya.
Timbangin sana ako ng Diyos sa maayos na timbangan,
    at makikita niya itong aking katapatan.
Kung ako'y lumihis sa landas ng katuwiran,
    o kaya'y naakit gumawa ng kalikuan,
    kahit na bahagya'y natukso ng kasamaan,
    masira nawa ang aking pananim,
    at ang mga halaman ko'y iba na ang kumain.

“Kung ako ay naakit sa asawa ng iba,
    sa pintuan ng kanyang bahay ay inabangan ko siya,
10     di bale nang asawa ko'y sa iba magsilbi,
    at siya'y sipingan ng ibang lalaki.
11 Ang pakikiapid ay karumal-dumal na kasalanan, kasamaang nararapat sa hatol na kamatayan.
12 Pagkat iyon ay apoy na di mamamatay,
    at iyon ang tutupok sa aking buong kabuhayan.

13 “Kung sana'y may inapi ako sa aking mga utusan,
    at dahil doo'y nagharap sila ng karaingan.
14 Di ako kikibo ako ma'y parusahan,
    siyasatin man ako'y walang ibibigay na kasagutan.
15 Pagkat ang Diyos na sa akin ay lumalang,
    siya ring lumikha sa aking mga utusan.

16 “Di(A) ako nagkait ng tulong kailanman,
    sa mga biyuda at nangangailangan.
17     Di ko pinabayaan ang mga ulila, kapag ako'y kumain, kumakain din sila.
18 Sa buong buhay ko sila'y aking tinulungan,
    inalagaan, mula pa sa aking kabataan.

19 “Ang makita kong walang damit
    pagkat walang maibili,
20     binibigyan ko ng makapal na damit,
    kaya't pasasalamat niya'y walang patid.

21 “Kung ang mga ulila'y aking inapi,
    pagkat alam kong sa hukuma'y ako ang magwawagi,
22     mabuti pang mga bisig ko ay baliin,
    at sa aking balikat ito ay tanggalin.
23 Sapagkat sa parusa ng Diyos ako'y natatakot,
    hindi ko kayang gawin ang gayong gawaing baluktot.

Mga Gawa 15:1-11

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May(A) dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.”

Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa matatandang pinuno ng iglesya.

Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga matatandang pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”

Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. Pagkatapos(B) ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. Ang(C) Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap niya nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo tulad ng pagkakaloob niya sa atin. Walang pagkakaiba ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. 10 Bakit sinusubok ninyo ang Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus at gayundin sila.”

Juan 11:17-29

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”

23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.

24 Sumagot(A) si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”

27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.”

Tumangis si Jesus

28 Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”

29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.