Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Maysakit
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
2 Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
3 Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
4 Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
5 Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
“Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
6 Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
7 Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
8 Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
9 Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.
10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.
13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Amen! Amen!
Ang Hatol at Habag ng Diyos
Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.
52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
2 Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
3 Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
4 Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.
5 Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
6 Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
7 “Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”
8 Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
9 Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.
Panalangin Upang Iligtas
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
44 Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
2 Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
3 hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
4 O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
5 Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
6 Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
7 Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
8 Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)[b]
9 Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.
13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.
23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.
25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!
Ang Pananalita ni Elihu(A)
32 Hindi na nakipagtalo pa ang tatlong kausap ni Job sapagkat talagang iginigiit niyang wala siyang kasalanan. 2 Samantala, may nakikinig noon sa kanilang pag-uusap, isang lalaki na nagngangalang Elihu. Siya ay anak ni Baraquel, apo ni Bus na mula sa angkan ni Ram. Nagalit si Elihu kay Job sapagkat nagmamatuwid si Job sa kanyang sarili at sinisisi pa niya ang Diyos. 3 Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job sapagkat hindi nila masagot ang mga sinabi nito at parang lumalabas na ang Diyos ang may kasalanan. 4 Pinakabata si Elihu sa mga naroon kaya hinintay niyang makapagsalita muna ang lahat. 5-6 Nang wala nang maisagot ang tatlo, nagalit ito at sinabi,
“Bata ako at kayo'y matatanda,
kaya ako'y nag-aalangang magsalita.
7 Palagay ko'y nararapat na kayo muna ang magsalita,
at mamahagi ng karunungan ang nakatatanda.
8 Ngunit ang karunungan ay saan ba nagbubuhat?
Di ba sa Diyos na Makapangyarihan?
9 Ngunit hindi dahil matanda ay may pang-unawa,
hindi dahil may edad na'y alam na ang tama.
10 Kaya makinig kayo ngayon sa aking sasabihin,
itong aking opinyon, inyo namang dinggin.
19 Kapag ang nasa loob ko ay hindi naibulalas,
ang dibdib ko ay puputok, laman nito'y sasambulat.
20 Hindi na nga maaari na ako ay maghintay pa,
di na ako makatiis kaya ako'y nangusap na.
21 Sa inyong usapan ay wala akong papanigan,
ang sinuman sa inyo'y hindi ko papupurihan.
22 Ang di tapat na papuri ay hindi ko nakaugalian,
kapag ginawa ko ito, ako'y paparusahan.
Pinagsabihan ni Elihu si Job
33 “At ngayon, Job, makinig ka sa aking sasabihin,
at mga salita ko'y bigyan mo ng pansin.
19 Pinadadalhan niya ang tao ng iba't ibang sakit,
upang sa pamamagitan ng kirot ang tao'y maituwid.
20 Ang taong may sakit ay walang panlasa,
masarap man ang pagkain, wala pa ring gana.
21 Nauubos ang kanyang laman,
natitira'y buto't balat na lamang.
22 At parang handang handa nang pumunta sa daigdig ng mga patay.
23 “O baka siya'y tulungan ng isa sa libong mga anghel,
na nagpapaalala sa tao ng kanyang mga tungkulin.
24 Maaaring itong anghel na puspos ng kahabagan, ay magsabi ng ganito: ‘Siya ay pawalan,
hindi siya dapat humantong sa libingan,
narito ang bayad para sa kanyang kalayaan.’
25 Siya ay gagaling, muling sisigla; tataglayin muli ang lakas noong kabataan niya.
26 Mananalangin siya sa Diyos at siya'y papakinggan.
Ang pagsamba niya'y mapupuno ng kasiyahan,
muli siyang ilalagay ng Diyos sa mabuting katayuan.
27 Sasabihin niya sa madla, ‘Sa Diyos ako'y nagkasala,
walang matuwid na nagawa subalit pinatawad niya.’
28 Hindi niya itinulot na ako'y mamatay,
magpahanggang ngayon ako'y nabubuhay.
44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon.[a] 45 Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta. 47 Ganito(A) ang iniutos sa amin ng Panginoon,
‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil
upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”
48 Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan.
49 Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. 50 Ngunit ang mga pinuno ng lungsod at ang mga debotong babae na kilala sa lipunan ay sinulsulan ng mga Judio upang usigin sina Pablo at Bernabe at palayasin sa lupaing iyon. 51 Kaya't(B) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. 52 Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.
19 Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?”
Itinakwil ng mga Judio si Jesus
22 Taglamig(A) na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. 23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, 24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.”
25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang(B) aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat,[a] at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.