Book of Common Prayer
Pananalig sa Kautusan ni Yahweh
(Zayin)
49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.
Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh
(Kheth)
57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
49 Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
2 Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay,
makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
3 Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan,
ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
4 Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan,
sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.
5 Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—
6 mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig,
dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
7 Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.
8 Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
9 upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.
10 Alam(A) naman niyang lahat ay mamamatay,
kasama ang marunong, maging mangmang o hangal;
sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.
11 Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman,
kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;
12 maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan
katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.
13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili,
at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)[a]
14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,
itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol.
Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga,
laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.
15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,
aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)[b]
16 Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman,
lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
17 hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
19 katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay,
masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,
katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]
53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.
2 Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
3 Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.
4 Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”
5 Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.
6 Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 Muling nagsalita si Job,
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
30 “Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan,
na mga anak ng mga taong di ko pinayagan
na sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan.
2 Mga bisig nila ay hindi ko inasahan,
walang gawaing kanilang nakayanan.
16 ‘Halos mapatid na ang aking hininga,
hindi na maibsan ang hirap kong dala.
17 Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit,
ginhawa'y di madama kahit isang saglit.
18 Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan,
at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan.
19 Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagis
lumubog sa putik, parang isang yagit.
20 “Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing,
aking panalangin, hindi mo man lang pinansin.
21 Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan,
at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan?
22 Bakit hinayaang ang buhay kong angkin,
bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin?
23 Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan,
na huling hantungan ng bawat nilalang.
24 Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan,
wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang?
25 Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan,
at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan?
26 Tuwa at liwanag ang aking inaasahan;
subalit ang dumating ay hirap at kadiliman.
27 Kahirapan at sakit ang kayakap ko sa buhay,
at siyang nakakasama sa bawat araw.
28 Ang landas ko ay madilim at walang kapanatagan;
ako'y nagmamakaawa sa lahat kong kababayan.
29 Ang tinig ko'y walang sigla at namamalat,
parang boses ng uwak at ng asong gubat.
30 Ang balat ko'y nangingitim at natutuklap, sagad hanggang buto itong aking lagnat.
31 Ang dati kong naririnig ay masasayang tugtugan,
ngayo'y tunog ng pagluluksa at pag-iiyakan.
19 Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, 20 subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
21 Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. 22 Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. 23 Sa bawat iglesya ay nagtalaga sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan.
24 Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. 25 Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos para sa gawaing kanilang natapos na.
27 Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong nagbukas siya ng pagkakataon sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. 28 At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.
Ang Pagkamatay ni Lazaro
11 May(A) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. 2 Si(B) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, 3 nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”
4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. 6 Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. 7 Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”
8 Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”
9 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”
12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.
13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”
16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.