Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 83

Isang Awit. Awit ni Asaf.

83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
    huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
    silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
    sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
    upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
    laban sa iyo ay nagtipanan sila—
ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
    ang Moab at ang mga Hagrita,
ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
    ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
    sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)

Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
    gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
    na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
    lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
    ang mga pastulan ng Diyos.”

13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
    parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
    gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
    at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
    O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
    malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
    na Panginoon ang pangalan,
    ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
    gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
    sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
    ang mukha ng Diyos?
Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
    “Nasaan ang iyong Diyos?”
Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
    habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
    at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
    napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
    kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
    mula sa Bundok ng Mizhar.
Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
    sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
    sa akin ay tumabon.
Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
    at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
    isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
    “Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
    dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
    ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
    “Nasaan ang Diyos mo?”

11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
    laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
    bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
    dahil sa kaaway kong malupit?

O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
    patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
    at sa iyong tirahan!
Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
    sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
    O Diyos, aking Diyos.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Mga Awit 85-86

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
    ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
    pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
Inalis mo ang lahat ng poot mo,
    tumalikod ka sa bangis ng galit mo.

O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
    at alisin mo ang iyong galit sa amin.
Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
    Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
    upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
    at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.

Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
    sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
    at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
    upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
    ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
    at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
    at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
    at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.

Panalangin ni David.

86 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at ako'y sagutin mo,
    sapagkat dukha at nangangailangan ako.
Ingatan mo ang aking buhay, sapagkat ako'y banal na tao.
Ikaw na aking Diyos,
    iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo.
O Panginoon, maawa ka sa akin,
    sapagkat sa buong araw sa iyo ako'y dumaraing.
Pasayahin mo ang kaluluwa ng lingkod mo,
    sapagkat sa iyo, O Panginoon itinataas ko ang kaluluwa ko.
Sapagkat ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad,
    sagana sa tapat na pag-ibig sa lahat ng sa iyo ay tumatawag.
Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
    pakinggan mo ang tinig ng aking daing.
Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo;
    sapagkat sinasagot mo ako.

Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, O Panginoon;
    ni mayroong anumang mga gawang gaya ng sa iyo.
Lahat(A) ng mga bansa na iyong nilalang ay darating
    at sasamba sa harapan mo, O Panginoon;
    at ang iyong pangalan ay kanilang luluwalhatiin.
10 Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kahanga-hangang mga bagay,
    ikaw lamang ang Diyos.
11 O Panginoon, ituro mo sa akin ang iyong daan,
    upang makalakad ako sa iyong katotohanan;
    ilakip mo ang aking puso upang matakot sa iyong pangalan.
12 Nagpapasalamat ako sa inyo ng buong puso, O Panginoon kong Diyos,
    at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.
13 Sapagkat dakila ang iyong tapat na pagsinta sa akin;
    sa kalaliman ng Sheol ay iniligtas mo ang aking kaluluwa.

14 O Diyos, ang mga taong mayabang ay nagbangon laban sa akin,
    isang pangkat ng malulupit na tao ang nagtatangka sa aking buhay,
    at hindi ka nila isinaalang-alang sa harapan nila.
15 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay Diyos na mahabagin at mapagbiyaya,
    banayad sa pagkagalit, sa tapat na pag-ibig at katapatan ay sagana.
16 Lingunin mo ako, maawa ka sa akin;
    ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod,
    at iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17 Pagpakitaan mo ako ng tanda para sa kabutihan,
    upang makita ng mga napopoot sa akin at mapahiya,
    sapagkat ikaw, Panginoon, ay tumulong at umaliw sa akin.

Genesis 46:1-7

Si Jacob at ang Kanyang Angkan ay Pumunta sa Ehipto

46 Kaya't si Israel, dala ang lahat niyang pag-aari ay naglakbay at dumating sa Beer-seba, at doon ay nag-alay ng mga handog sa Diyos ng kanyang amang si Isaac.

Ang Diyos ay nagsalita kay Israel sa mga pangitain sa gabi, at sinabi, “Jacob, Jacob.” Sumagot siya, “Narito ako.”

Kanyang sinabi, “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama; huwag kang matakot na pumunta sa Ehipto sapagkat doo'y gagawin kitang isang dakilang bansa.

Ako'y pupuntang kasama mo sa Ehipto, at muli rin kitang ibabalik; at isasara ng kamay ni Jose ang iyong mga mata.”

Kaya't naglakbay si Jacob mula sa Beer-seba at dinala ng mga anak ni Israel si Jacob na kanilang ama, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa, sa mga karwahe na ipinadala ng Faraon kay Jacob.

Kanilang(A) dinala rin ang kanilang mga hayop, ang mga pag-aari na kanilang natamo sa lupain ng Canaan, at dumating sa Ehipto si Jacob at ang lahat ng inapong kasama niya.

Ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at ang mga anak na lalaki at babae ng kanyang mga anak na kasama niya, at ang kanyang buong binhi ay dinala niya sa Ehipto.

Genesis 46:28-34

28 At isinugo ni Israel si Juda kay Jose upang ituro ang daan patungo sa Goshen; at sila'y dumating sa lupain ng Goshen.

29 Inihanda ni Jose ang kanyang karwahe at umahon upang salubungin si Israel na kanyang ama sa Goshen. Siya'y humarap sa kanya, yumakap sa kanya, at umiyak nang matagal sa kanyang leeg.

30 Sinabi ni Israel kay Jose, “Ngayo'y hayaan na akong mamatay pagkatapos na makita kong[a] ikaw ay buháy pa.”

31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa sambahayan ng kanyang ama, “Ako'y aahon at sasabihin ko sa Faraon, ‘Ang aking mga kapatid, at ang sambahayan ng aking ama na nasa lupain ng Canaan ay pumarito sa akin;

32 ang mga lalaki ay mga pastol ng kawan sapagkat sila'y naging tagapag-alaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang ari-arian.’

33 At kapag tinawag kayo ng Faraon, at sasabihin, ‘Ano ang inyong hanapbuhay?’

34 ay inyong sasabihin, ‘Ang iyong mga lingkod ay naging tagapag-alaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang sa ngayon, kami at ang aming mga ninuno,’ upang kayo'y patirahin sa lupain ng Goshen, sapagkat bawat pastol ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio.”

1 Corinto 9:1-15

Mga Karapatan at Tungkulin ng Apostol

Hindi ba ako'y malaya? Hindi ba ako'y isang apostol? Hindi ba nakita ko si Jesus na Panginoon natin? Hindi ba kayo'y bunga ng paggawa ko sa Panginoon?

Kung sa iba'y hindi ako apostol, sa inyo man lamang ay gayon ako; sapagkat kayo ang tatak ng aking pagka-apostol sa Panginoon.

Ito ang aking pagtatanggol sa mga sumusuri sa akin.

Wala ba kaming karapatang kumain at uminom?

Wala ba kaming karapatan na magsama ng isang asawa gaya ng ibang mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas?

O ako lamang ba at si Bernabe ang walang karapatang huminto sa paghahanap-buhay?

Sino ang naglilingkod bilang isang kawal sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim ng ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? Sino ang nag-aalaga sa kawan, at hindi umiinom ng gatas ng kawan?

Ang mga bagay na ito ay sinasabi ko hindi ayon sa pananaw ng mga tao. Hindi ba't ganito rin ang sinasabi ng kautusan?

Sapagkat(A) nakasulat sa kautusan ni Moises, “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik.” Ang mga baka ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos?

10 Hindi ba't siya ay nagsasalita para sa ating kapakanan? Ito ay nasulat para sa atin, sapagkat ang nag-aararo ay dapat mag-araro na may pag-asa, at ang gumigiik ay gumiik na may pag-asa na magkakaroon ng bahagi.

11 Kung(B) kami ay nakapaghasik sa inyo ng mga bagay na espirituwal, kalabisan ba na aming anihin ang inyong mga bagay na materyal?

12 Kung ang iba ay mayroong ganitong karapatan sa inyo, hindi ba higit pa kami? Gayunma'y hindi namin ginamit ang karapatang ito, kundi tinitiis namin ang lahat ng mga bagay, upang huwag kaming makahadlang sa ebanghelyo ni Cristo.

13 Hindi(C) ba ninyo nalalaman na ang mga gumagawa ng paglilingkod sa templo ay kumakain ng mga bagay na mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay mga kabahagi ng mga handog sa dambana?

14 Gayundin(D) naman, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng kanilang ikabubuhay mula sa ebanghelyo.

15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gayon ang mangyari sa akin. Sapagkat mabuti pa sa akin ang mamatay, kaysa pawalang-saysay ng sinuman ang aking pagmamalaki!

Marcos 6:30-46

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(A)

30 Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.

31 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali.” Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain.

32 Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila.

34 Pagbaba(B) niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay.

35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na.

36 Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain.”

37 Ngunit sumagot siya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila sa kanya, “Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?”

38 At sinabi niya sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan.” Nang malaman nila ay kanilang sinabi, “Lima, at dalawang isda.”

39 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo.

40 Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu.

41 Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.

42 Kumain silang lahat at nabusog.

43 Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na punô ng pira-pirasong tinapay at mga isda.

44 Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)

45 Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao.

46 Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001