Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 37

Awit ni David.

37 Huwag kang mabalisa dahil sa masasama,
    huwag kang managhili sa mga masama ang gawa!
Sapagkat gaya ng damo sila'y dagling maglalaho,
    at gaya ng luntiang halaman, sila'y matutuyo.

Magtiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng kabutihan;
    upang ikaw ay makapanirahan sa lupain at magtamasa ng katiwasayan.
Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya,
    at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo'y ibibigay niya.

Ipagkatiwala mo ang iyong lakad sa Panginoon;
    magtiwala ka sa kanya, at siya'y gagawa.
Ang iyong pagiging walang-sala ay pakikinangin niyang gaya ng liwanag,
    at ang iyong pagiging matuwid na gaya ng katanghaliang-tapat.

Ikaw ay manahimik sa Panginoon, at matiyaga kang maghintay sa kanya:
    huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya,
    dahil sa taong nagsasagawa ng masamang pakana.

Iwasan mo ang pagkagalit, at ang poot ay iyong talikdan!
    Huwag kang maghimutok, ito'y maghahatid lamang sa kasamaan.
Sapagkat ang masasama ay tatanggalin;
    ngunit ang naghihintay sa Panginoon ay magmamana ng lupain.

10 Gayunma'y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na;
    kahit tingnan mong mabuti ang kanyang lugar, siya ay wala roon.
11 Ngunit(A) mamanahin ng maaamo ang lupain,
    at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan.

12 Ang masama ay nagpapakana laban sa matuwid,
    at ang mga ngipin nito sa kanya'y pinagngangalit;
13 ngunit pinagtatawanan ng Panginoon ang masama,
    sapagkat kanyang nakikita na dumarating ang araw niya.

14 Hinuhugot ng masama ang tabak at ang kanilang mga pana ay iniaakma,
    upang ang dukha at nangangailangan ay pabagsakin,
    upang ang mga lumalakad nang matuwid ay patayin;
15 ang kanilang tabak ay tatarak sa sariling puso nila,
    at mababali ang kanilang mga pana.

16 Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao,
    kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo.
17 Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali;
    ngunit inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.

18 Nalalaman ng Panginoon ang mga araw ng mga walang kapintasan,
    at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman.
19 Hindi sila mapapahiya sa panahon ng kasamaan;
    sa mga araw ng taggutom ay mayroon silang kasaganaan.

20 Ngunit ang masama ay mamamatay,
    ang mga kaaway ng Panginoon ay gaya ng luwalhati ng mga pastulan,
    sila'y nawawala—gaya ng usok sila'y napaparam.

21 Ang masama ay humihiram, at hindi makapagbayad,
    ngunit ang matuwid ay bukas-palad at nagbibigay;
22 sapagkat ang mga pinagpala ng Panginoon ay magmamana ng lupain;
    ngunit ang mga sinumpa niya ay tatanggalin.

23 Ang mga lakad ng isang tao ay ang Panginoon ang nagtatatag;
    at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad;
24 bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal,
    sapagkat ang Panginoon ang aalalay sa kanyang kamay.

25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na;
    gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan,
    ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay.
26 Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram;
    at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala.
27 Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti;
    upang sa magpakailanman ikaw ay manatili.
28 Sapagkat iniibig ng Panginoon ang katarungan,
    hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal.

Sila'y iingatan magpakailanman,
    ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain,
    at maninirahan doon magpakailanman.

30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan,
    at ang kanyang dila ay nagsasalita ng katarungan.
31 Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay,
    hindi nadudulas ang kanyang mga hakbang.

32 Inaabangan ng masama ang matuwid na tao,
    at pinagsisikapang patayin niya ito.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kanyang kamay,
    ni hahayaan siyang maparusahan kapag siya'y nahatulan.

34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan ang kanyang daan,
    at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain;
    ang pagkawasak ng masama ay iyong pagmamasdan.

35 Nakakita ako ng masama at marahas na tao,
    na lumalaganap na gaya ng sariwang punungkahoy sa kanyang lupang tinubuan.
36 Muli akong dumaan at, narito, wala na siya;
    kahit hinanap ko siya, hindi na siya makita.

37 Tandaan mo ang taong walang kapintasan, at ang matuwid ay iyong masdan,
    sapagkat may hinaharap para sa taong may kapayapaan.
38 Ngunit ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain;
    ang susunod na lahi ng masama ay puputulin.
39 Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa Panginoon;
    siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon.
40 At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng Panginoon;
    kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila,
    sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya.

Habakuk 3:1-18

Ang Panalangin ni Habakuk

Panalangin ni propeta Habakuk ayon sa Shigionot.

O Panginoon, narinig ko ang tungkol sa iyo
    at ako'y natatakot.
O Panginoon, buhayin mong muli ang iyong mga gawa sa gitna ng mga taon.
    Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo iyon,
    sa kapootan ay alalahanin mo ang kaawaan.
Ang Diyos ay dumating mula sa Teman,
    at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. Selah
Ang kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa mga langit,
    at ang lupa'y punô ng kanyang kapurihan.
Ang kanyang ningning ay parang liwanag;
    may mga sinag na nagliliwanag mula sa kanyang kamay;
    at doo'y ikinubli niya ang kanyang kapangyarihan.
Sa unahan niya'y nagpapauna ang peste,
    at ang salot ay malapit na sumusunod.
Siya'y tumayo at sinukat ang lupa.
    Siya'y tumingin at niliglig ang mga bansa;
at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat;
    ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod.
    Ang kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan.
Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati.
    Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig.
Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O Panginoon?
    Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog,
    O ang iyo bang poot ay laban sa dagat,
kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo,
    sa iyong karwahe ng kaligtasan?
Hubad na nilantad mo ang iyong pana,
    ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. Selah
    Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa.
10 Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig;
    ang rumaragasang tubig ay dumaan,
ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig,
    at itinaas nito ang kanyang mga kamay.
11 Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar,
    sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis,
    sa kislap ng iyong makinang na sibat.
12 Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain,
    iyong tinapakan ang mga bansa sa galit.
13 Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan,
    at iligtas ang iyong pinahiran ng langis.
Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan,
    hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. Selah
14 Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat;
    na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako;
    ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha.
15 Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo,
    ang bunton ng makapangyarihang tubig.

Ang Propeta ay Nagtitiwala sa Panginoon

16 Aking narinig, at ang aking katawan ay nanginginig,
    ang aking mga labi ay nangangatal sa tinig;
ang kabuluka'y pumapasok sa aking mga buto,
    ang aking mga hakbang ay nanginginig.
Ako'y tahimik na maghihintay sa araw ng kapahamakan,
    na dumating sa bayan na sumasakop sa atin.
17 Bagama't ang puno ng igos ay hindi namumulaklak,
    ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas;
    ang olibo ay hindi magbubunga,
at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain;
ang kawan ay aalisin sa kulungan,
    at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan,
18 gayunma'y magagalak ako sa Panginoon,
    ako'y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan.

Filipos 3:12-21

Pagpapatuloy sa Mithiin

12 Hindi sa ito'y aking nakamit na, o ako'y sakdal na; kundi nagpapatuloy ako upang iyon ay aking maabot, kung paanong ako ay inabot din ni Cristo Jesus.

13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,

14 nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus.

15 Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos.

16 Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na.

17 Mga(A) kapatid, kayo'y magkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga lumalakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin.

18 Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo.

19 Ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, ang kanilang tiyan ang kanilang diyos, at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa.

20 Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo,

21 na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay.

Juan 17:1-8

Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga Alagad

17 Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak,

yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya.

At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo.

Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin.

At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan.

Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.

Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo;

sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001