Book of Common Prayer
33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(A) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.
39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.
43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(B)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Awit ng Pagpupuri
33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
2 Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
3 Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
5 Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
6 Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa't talang maririkit;
7 sa iisang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.
8 Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
Dapat katakutan ng buong nilikha!
9 Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
sa kanyang salita, lumitaw na kusa.
10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.
16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
di makakapagligtas, lakas nilang taglay.
18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.
22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
35 Sinabi(A) ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. 3 Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” 4 Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.
5 Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis. 6 Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan, 7 gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel[a] ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid. 8 Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.”
9 Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan, 10 “Jacob(B) ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.” 11 Sinabi(C) pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa. 12 Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.” 13 At iniwan siya ng Diyos. 14 Naglagay(D) si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos. 15 Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon.
Namatay si Raquel
16 Umalis sila sa Bethel. Nang sila'y malapit na sa Efrata, naramdaman ni Raquel na manganganak na siya at napakatindi ng kanyang hirap. 17 Sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, lalaki na naman ang isisilang mo.” 18 Nasa bingit na siya ng kamatayan, at bago siya nalagutan ng hininga, ang sanggol ay tinawag niyang Benoni,[b] ngunit Benjamin[c] naman ang ipinangalan ni Jacob.
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daang patungo sa Efrata na ngayon ay Bethlehem. 20 Ang puntod ay nilagyan ni Jacob ng batong pananda at hanggang ngayo'y makikita pa rin ang panandang iyon sa puntod ni Raquel.
Magmahalan Tayo
11 Ito(A) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(B) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.
13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(C) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid. 17 Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? 18 Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa.
Ang Pagkamatay ni Lazaro
11 May(A) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. 2 Si(B) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, 3 nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”
4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. 6 Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. 7 Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”
8 Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”
9 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”
12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.
13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”
16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.