Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 66-67

Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat

Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.

66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
    Awitan siya't luwalhatiin siya!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
    “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
    yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
    awit ng papuri yaong kinakanta;
    ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]

Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
    ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
    mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
Makapangyarihang hari kailanman,
    siya'y nagmamasid magpakailanman;
    kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]

Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
    inyong iparinig papuring malugod.

Iningatan niya tayong pawang buháy,
    di tayo bumagsak, di niya binayaan!

10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
    sinubok mo kami upang dumalisay;
    at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
    at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
    sinubok mo kami sa apoy at baha,
    bago mo dinala sa dakong payapa.

13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
    ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
    ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
    mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[c]

16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
    at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
    kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
    di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
    sa aking dalangin, ako ay sinagot.

20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
    pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
    at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.

Awit ng Pagpapasalamat

Isang Awit na kinatha upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

67 O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
    kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah)[d]
upang sa daigdig mabatid ng lahat
    ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
    pagkat matuwid kang humatol sa madla;
    ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah)[e]

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nag-aning mabuti ang mga lupain,
    pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!

Magpatuloy nawa iyong pagpapala
    upang igalang ka ng lahat ng bansa.

Mga Awit 19

Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
    Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
    patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Wala silang tinig o salitang ginagamit,
    wala rin silang tunog na ating naririnig;
ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
    tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
    tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
    walang nakapagtatago sa init nitong taglay.

Ang Batas ni Yahweh

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
    ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
    nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
    ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
    nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
    magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
    patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
    mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
    may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
    iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
    huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
    at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
    kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.

Mga Awit 46

Ang Diyos ay Sumasaatin

Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]

46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
    at handang saklolo kung may kaguluhan.
Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
    kahit na sa dagat ang bundok matangay;
kahit na magngalit yaong karagatan,
    at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]

May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
    sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
    ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
    mula sa umaga ay kanyang alaga.
Nangingilabot din bansa't kaharian,
    sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.

Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]

Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
    sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
Maging pagbabaka ay napatitigil,
    sibat at palaso'y madaling sirain;
    baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
    kataas-taasan sa lahat ng bansa,
    sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”

11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]

Genesis 29:20-35

20 Pitong taóng naglingkod si Jacob upang mapasakanya si Raquel, ngunit iyon ay parang katumbas lamang ng ilang araw dahil sa laki ng kanyang pag-ibig dito.

21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Dumating na po ang panahong dapat kaming makasal ng inyong anak.” 22 Naghanda nang malaki si Laban at inanyayahan ang lahat ng tagaroon. 23 Ngunit nang gabing iyon, hindi alam ni Jacob na ang pinasiping sa kanya ay si Lea, sa halip na si Raquel. 24 Ibinigay naman ni Laban kay Lea ang alipin nitong si Zilpa. 25 Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea pala ang kanyang kasiping. Kaya sinabi niya kay Laban, “Bakit ninyo ito ginawa sa akin? Bakit ninyo ako nilinlang? Naglingkod ako sa inyo para kay Raquel, hindi po ba?”

26 Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa amin na mauna pang mag-asawa ang nakababatang kapatid. 27 Patapusin mo muna ang sanlinggong pagdiriwang na ito at pagkatapos ay ibibigay ko sa iyo si Raquel kung maglilingkod ka sa akin ng pitong taon pa.”

28 Sumang-ayon naman si Jacob at nang matapos ang pagdiriwang, ibinigay nga sa kanya ni Laban si Raquel bilang asawa. 29 Ibinigay rin ni Laban kay Raquel ang alipin nitong si Bilha. 30 Sa wakas, naangkin ni Jacob si Raquel; mas mahal niya ito kaysa kay Lea. Kaya't naglingkod pa si Jacob kay Laban nang pitong taon pa.

Ang mga Anak ni Jacob

31 Alam ni Yahweh na si Lea ay di gaanong mahal ni Jacob, kaya't niloob niyang magkaanak na ito, samantalang si Raquel ay baog. 32 Lalaki ang unang anak ni Lea. Ang sabi niya, “Nakita ni Yahweh ang aking suliranin. Ngayon, tiyak na mamahalin ako ng aking asawa.” Kaya't Ruben[a] ang ipinangalan niya rito. 33 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki na naman ang kanyang naging anak. Kanyang sinabi, “Kaloob din ito sa akin ni Yahweh, dahil narinig niyang ako'y hindi mahal ng aking asawa.” Kaya't tinawag naman niya itong Simeon.[b] 34 Muling nagdalang-tao si Lea at lalaki uli ang naging anak. Sinabi niya, “Lalo akong mapapalapit sa aking asawa, sapagkat tatlong lalaki na ang aming anak.” At tinawag niya itong Levi.[c] 35 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki pa rin ang kanyang anak. Sinabi niya, “Ngayo'y pupurihin ko si Yahweh.” Kaya't tinawag niya itong Juda.[d] Pagkatapos noo'y hindi na siya nagkaanak.

1 Timoteo 3:14-4:10

Ang Hiwaga ng Ating Relihiyon

14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga tao sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. 16 Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:

Siya'y[a] nahayag sa anyong tao,
    pinatunayang matuwid ng Espiritu,[b] at nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
    pinaniwalaan sa sanlibutan, at itinaas sa kaluwalhatian.

Mga Huwad na Guro

Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo[c] at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.

Marcos 10:23-31

23 Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap [para sa mga mayayaman na][a] makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”

28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”

29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit(A) maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahúhulí ang mauuna.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.