Book of Common Prayer
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3 Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4 Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5 Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6 Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.
77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
2 Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
3 Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)[a]
4 Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
5 Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
6 ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
7 “Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
8 Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
9 Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)[b]
10 Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”
11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[c]
16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.
18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
2 ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
3 Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
4 Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
5 Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
6 Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
7 Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.
8 Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
9 Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
10 Bakit magtatanong
itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?”
Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,
ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang.
11 Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
12 Iyong parusahan
yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,
parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
13 Kaya nga, O Yahweh,
kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!
Ipinanganak sina Esau at Jacob
19 Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham. 20 Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo. 21 Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi. 22 Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh. 23 Ganito(A) naman ang sagot ni Yahweh:
“Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan,
larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban;
magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna,
kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.”
24 Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal. 25 Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau[a] ang ipinangalan dito. 26 Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob[b] naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon.
Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Karapatan
27 Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay. 28 Higit ang pagtingin ni Isaac kay Esau, palibhasa'y kinawiwilihan niyang kainin ang mga nahuhuli nito sa pangangaso, samantalang si Jacob naman ang mas mahal ni Rebeca.
29 Minsan, si Jacob ay nagluluto ng sinabawang pulang patani; siya namang pagdating ni Esau mula sa pangangaso. 30 Sinabi niya, “Gutom na gutom na ako, bigyan mo naman ako niyang mapulang niluluto mo.” At dahil dito'y tinawag siyang Edom.[c]
31 Sumagot si Jacob, “Ibigay mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay.”
32 “Payag na ako,” sabi ni Esau, “aanhin ko pa ang pagiging panganay kung mamamatay naman ako sa gutom?”
33 “Kung(B) gayon,” sabi ni Jacob, “sumumpa ka muna.” Sumumpa nga si Esau, at ibinigay kay Jacob ang karapatan ng pagiging panganay. 34 Ibinigay naman ni Jacob kay Esau ang niluto niyang gulay at binigyan pa ito ng tinapay. Matapos kumai't uminom, umalis na agad si Esau. Iyon lamang ang halaga sa kanya ng kanyang karapatan bilang panganay.
Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos
13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Palaging(A) maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. 3 Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.
4 Dapat(B) ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.
5 Huwag(C) kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” 6 Kaya't(D) malakas ang loob nating masasabi,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. 8 Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.
10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(E) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
Daloy ng Tubig na Nagbibigay-buhay
37 Sa(A) kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. 38 Ang(B) sumasampalataya sa akin, ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’[a]” 39 Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa niluwalhati.
Nagtalu-talo ang mga Tao tungkol sa Cristo
40 Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” 41 “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit may nagsabi rin, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Di ba hindi? 42 Hindi(C) ba sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” 43 Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao dahil sa kanya. 44 Gusto ng iba na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas na humuli sa kanya.
Ang Di-paniniwala ng mga Pinuno
45 Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at ng mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?”
46 Sumagot ang mga bantay, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad ng taong ito!”
47 “Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. 48 “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? 49 Ang mga taong bayan na ito na walang nalalaman sa Kautusan ay mga sinumpa!”
50 Isa(D) sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, 51 “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?”
52 Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.