Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 102

Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan

Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.

102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    lingapin mo ako sa aking pagdaing.
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
    lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
    sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.

Nanghihina akong usok ang katulad,
    damdam ko sa init, apoy na maningas.
Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
    pati sa pagkai'y di ako ganahan.
Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
    yaring katawan ko'y buto na at balat.
Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
    para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
ang aking katulad sa hindi pagtulog,
    ibon sa bubungang palaging malungkot.
Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
    gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.

Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
    luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
    dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
    katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.

12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
    di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
    pagkat dumating na ang takdang panahon,
    sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
    bagama't nawasak at gumuhong lubos.

15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
    maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
    kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
    di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.

18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
    susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
    ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
    upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
    at sa Jerusalem pupurihing ganap
22     kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
    sa banal na lunsod upang magsisamba.

23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
    pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
    huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25     nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
    at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
    at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
    walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
    mamumuhay namang panatag ang loob;
    magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.

Mga Awit 107:1-32

IKALIMANG AKLAT

Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos

107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.

Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.

10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.

17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!

23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.

Genesis 32:22-33:17

Nakipagbuno si Jacob sa Peniel

22 Nang gabi ring iyon, gumising si Jacob at itinawid sa Ilog Jabok ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang asawang-lingkod. 23 Pagkatapos(A) maitawid ang lahat niyang ari-arian, 24 naiwang(B) mag-isa si Jacob.

Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa pagbubukang-liwayway. 25 Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya madadaig si Jacob, hinampas niya ito sa balakang at ang buto nito'y nalinsad. 26 Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!”

“Hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ako binabasbasan,” wika ni Jacob. 27 Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya'y si Jacob.

28 Sinabi(C) sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo'y Israel[a] na ang itatawag sa iyo, at hindi na Jacob, sapagkat nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 “Ano(D) namang pangalan ninyo?” tanong ni Jacob.

“Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob.

30 Sinabi ni Jacob, “Nakita ko ang mukha ng Diyos, gayunma'y buháy pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel[b] ang lugar na iyon. 31 Sumisikat na ang araw nang umalis siya roon at papilay-pilay na lumakad. 32 Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayo'y hindi kinakain ng mga Israelita ang litid ng pigi ng hayop, sapagkat iyon ang bahaging napilay kay Jacob.

Nagkita sina Jacob at Esau

33 Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila.

“Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau.

“Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau.

“Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya.

Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.”

10 Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! 11 Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob.

12 “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau.

13 Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. 14 Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.”

15 “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau.

“Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. 16 Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. 17 Pumunta naman si Jacob sa Sucot[c] at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon.

1 Juan 3:1-10

Ang mga Anak ng Diyos

Tingnan(A) ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis.

Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman(B) ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya.

Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

Ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanila ang binhing mula sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama nila, hindi sila maaaring magpatuloy sa pagkakasala. 10 Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.

Juan 10:31-42

31 Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. 32 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”

33 Sumagot(A) ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.”

34 Tumugon(B) si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? 35 Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila.

40 Muling(C) pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.