Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Hebreo 2:10-18

10 Ang lahat ng mga bagay ay para sa Diyos at siya ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Nang siya ay magdala ng maraming anak sa kaluwahatian, nararapat na gawin niyang ganap ang may akda ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng kahirapan. 11 Sapagkat siya na nagpapaging-banal at ang mga pinaging-banal ay kabilang sa iisang sambahayan. Kaya ito ang dahilan na kung tawagin niya silang mga kapatid ay hindi siya nahihiya. 12 Sinabi niya:

Ipahahayag ko ang pangalan mo sa aking mga kapatid. Aawitin ko ang iyong papuri sa gitna ng iglesiya.

13 At muli sinabi niya:

Ilalagak ko ang aking tiwala sa kaniya.

At muli sinabi niya:

Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng Diyos sa akin.

14 Yamang ang mga anak ay may laman at dugo, siya din naman ay nakibahagi ng ganoon, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapawalang-bisa ang diyablo na siyang may hawak ng kapangyarihan ng kamatayan. 15 Gayun­din sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapalaya ang sinu­mang natatakot sa kamatayan at sa kanilang buong buhay ay nasa ilalim ng pagkaalipin. 16 Ito ay sapagkat tiyak na hindi ang mga anghel ang kaniyang tinutulungan kundi ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya kinakailangang matulad siya sa kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan upang sa kaniyang paglilingkod sa Diyos, siya ay maging mahabagin at matapat na pinaka­punong-saserdote, upang siya ay maging kasiya-siyang hain sa mga kasalanan ng mga tao. 18 Sapagkat nakaranas siya na siya ay tuksuhin. Kaya naman kaya niyang tulungan ang mga tinutukso.

Mateo 2:13-23

Tumakas Sila Papuntang Egipto

13 Nang sila ay nakauwi na, nangyari na ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina. Tumakas kayo papuntang Egipto sapagkat ipahahanap na ni Herodes ang bata upang patayin. Manatili kayo roon hanggang sa sabihin ko sa iyo.

14 Bumangon siya at sa kinagabihan, dinala niya ang bata at ang ina nito papuntang Egipto. 15 Nanatili sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi: Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.

16 Nang magkagayon, nakita ni Herodes na nalinlang siya ng mga lalaking pantas. Labis siyang nagalit at nag-utos siya na patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa buong palibot nito. Ang mga batang ipinapatay ay mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahon na maingat niyang tinanong sa mga lalaking pantas. 17 Nang magkagayon, natupad ang sinabi ng propetang Jeremias, na sinasabi:

18 Isang tinig ang narinig sa Rama. Panaghoy, pananangis at pagdadalamhati. Tinatangisan ni Rachel ang kaniyang mga anak. Hindi niya ibig na maaliw sapagkat sila ay wala na.

Bumalik Sila Mula sa Egipto

19 Ngunit nang patay na si Herodes, narito, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa Egipto sa isang panaginip.

20 Sinabi niya: Bumangon ka at dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumaroon kayo sa lupain ng Israel sapagkat patay na silang naghahangad sa buhay ng bata.

21 Bumangon siya at dinala ang bata at ang ina nito at dumating sa lupain ng Israel. 22 Si Arquelao ang naghahari sa Judea bilang kapalit ng kaniyang amang si Herodes. Nang mabalitaan ito ni Jose, natakot siyang pumunta roon. Sa isang panaginip binigyan siya ng Diyos ng babala. Umalis siya patungo sa mga dako ng Galilea. 23 Siya ay dumating at tumira sa isang lungsod na tinatawag na Nazaret. Sa ganito natupad ang sinabi ng mga propeta:

Siya ay tatawaging taga-Nazaret.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International