Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 80:1-7

Dalangin para Tulungan ng Dios ang Bansa

80 O Pastol ng Israel, pakinggan nʼyo kami.
    Kayo na nangunguna at pumapatnubay sa angkan ni Jose na parang mga tupa.
    Kayo na nakaupo sa inyong trono sa gitna ng mga kerubin,
    ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,
sa lahi ni Efraim, ni Benjamin at ni Manase.
    Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan;
    puntahan nʼyo kami para iligtas.
O Dios, ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    hanggang kailan ang galit ninyo sa mga panalangin ng inyong mga mamamayan?
Pinuno nʼyo kami ng kalungkutan, at halos mainom na namin ang aming mga luha.
Pinabayaan nʼyong awayin kami ng mga kalapit naming bansa
    at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway.
O Dios na Makapangyarihan,
    ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.

Salmo 80:17-19

17 Ngunit ngayon, tulungan nʼyo kami na inyong mga hinirang na maging malapit sa inyo at palakasin kami para sa inyong kapurihan,
18 at hindi na kami tatalikod sa inyo.
    Ibalik sa amin ang mabuting kalagayan,
at sasambahin namin kayo.
19 O Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!
    Ipakita sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.

2 Samuel 7:23-29

23 At wala ring katulad ang inyong mga mamamayang Israelita. Ito lamang ang bansa sa mundo na inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mga mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa dakila at kamangha-manghang ginawa ninyo. Itinaboy nʼyo ang mga bansa at ang mga dios nila sa pamamagitan ng mga mamamayan nʼyo nang inilabas nʼyo sila sa Egipto. 24 Itinatag nʼyo ang Israel bilang sarili nʼyong mga mamamayan magpakailanman, at kayo Panginoon, ang kanilang naging Dios.

25-26 “At ngayon, Panginoong Dios, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa angkan ko, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang sambahayan ko ay patuloy na maglilingkod sa inyo magpakailanman. 27 Panginoong Makapangyarihan, Dios ng Israel, malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito dahil ipinahayag nʼyo sa akin na inyong lingkod, na patuloy na manggagaling sa aking angkan ang magiging hari ng Israel. 28 Panginoong Dios, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod ang mabubuting bagay na ito, at tapat kayo sa mga pangako ninyo. 29 Nawa poʼy ikalugod nʼyo na pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy silang manahan sa inyong presensya magpakailanman, dahil ito po ang ipinangako nʼyo, Panginoong Dios. At sa pagpapala nʼyong ito, pinagpala ang aking angkan magpakailanman.”

Juan 3:31-36

Ang Nagmula sa Langit

31 Sinabi pa ni Juan, “Si Cristoʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. Tayo naman ay taga-lupa at nagsasalita tungkol lang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit si Cristo na nagmula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Ipinapahayag niya ang nakita at narinig niya sa langit, ngunit ilan lang ang naniniwala sa kanyang pahayag. 33 Ngunit ang naniniwala sa pahayag niya ay nagpapatunay na totoo ang mga sinasabi ng Dios. 34 Sapagkat si Cristo na sinugo ng Dios ay nagpapahayag sa atin ng mga sinasabi ng Dios, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ang Banal na Espiritu. 35 Mahal ng Ama ang kanyang Anak, at ipinailalim sa kapangyarihan niya ang lahat. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan kundi mananatili sa kanya ang galit ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®