Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon
42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
2 Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
3 Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
“Nasaan na ang Dios mo?”
4 Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
na umuugong na parang tubig sa talon.
Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
8 Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
O Dios na nagbigay ng buhay ko.
9 O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
“Bakit nʼyo ako kinalimutan?
Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Nangako ang Dios na Pagpapalain Niya ang Jerusalem
8 1-2 Sinabing muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Labis ang aking pagmamalasakit sa Zion. At dahil sa labis kong pagmamalasakit, matindi ang galit ko sa mga kaaway nito. 3 Babalik ako sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at maninirahan doon. Ang Jerusalem ay tatawaging Tapat na Lungsod at ang aking bundok[a] ay tatawaging Banal na Bundok. 4 Mauupong muli sa mga plasa ng Jerusalem ang matatandang nakatungkod dahil sa katandaan. 5 At mapupuno ang mga plasa ng mga batang naglalaro.”
6 Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Maaaring imposible itong mangyari sa isip ng mga natitira kong mga mamamayan, pero hindi ito imposible sa akin. 7 Ililigtas ko ang aking mga mamamayang binihag at dinala sa mga lupain sa silangan at sa kanluran. 8 Dadalhin ko sila pabalik sa Jerusalem at patitirahin doon. At minsan pang magiging mga mamamayan ko sila at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Dios.”
9 Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Ang mga mensaheng ito ay sinabi rin ng mga propeta noong itinayong muli ang pundasyon ng aking templo. At ngayong napakinggan ninyo itong muli, magpakatatag kayo upang matapos ninyo ang pagpapatayo ng templo. 10 Noong hindi pa sinisimulan ang muling pagpapatayo ng templo, walang pambayad sa mga taong nagtatrabaho at sa mga hayop na ginagamit sa pagtatrabaho, at mapanganib kahit saan dahil pinag-aaway-away ko ang mga tao. 11 Ngunit ngayon, ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi na hindi ko na gagawin iyan sa inyong mga natitira. 12 Mapayapa kayong magtatanim.[b] Magbubunga ang inyong mga tanim na ubas, aani ang inyong mga bukirin, at magkakaroon na ng hamog. Ibibigay ko ang lahat ng ito sa inyo na mga natira. 13 Mga taga-Juda at taga-Israel, isinusumpa kayo ng ibang mga bansa. Ngunit ililigtas ko kayo at magiging pagpapala kayo sa kanila. Kaya huwag kayong matakot, sa halip magpakatatag kayo.”
14 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Noong ginalit ako ng inyong mga ninuno, napagpasyahan kong parusahan kayo at huwag kahabagan. 15 Ngunit napagpasyahan ko ngayon na muling maging mabuti sa Jerusalem at Juda. Kaya huwag kayong matakot. 16 Ito ang dapat ninyong gawin: Magsabi kayo ng totoo sa isaʼt isa. Humatol kayo nang tama sa inyong mga hukuman para sa ikabubuti ng lahat. 17 Huwag kayong magbalak ng masama laban sa inyong kapwa, at huwag kayong susumpa ng kasinungalingan dahil ang lahat ng iyan ay aking kinapopootan.”
Maraming Pinagaling si Jesus(A)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro. Pagdating niya roon, nakita niya ang biyenang babae ni Pedro na nakahiga at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinagsilbihan si Jesus.
16 Nang magtakip-silim na, maraming sinasaniban ng masasamang espiritu ang dinala ng mga tao kay Jesus. Sa isang salita lang, pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang mga may sakit. 17 Ginawa niya ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga sakit
at inalis ang ating mga karamdaman.”[a]
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Lalaking Sinasaniban ng Masasamang Espiritu(A)
28 Nang dumating siya sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno,[a] sinalubong siya ng dalawang lalaking galing sa mga kwebang libingan. Ang mga lalaking itoʼy sinasaniban ng masasamang espiritu. Napakababangis nila, kaya walang nakakadaan doon. 29 Sumigaw sila kay Jesus, “Ano ang pakialam mo sa amin, ikaw na anak ng Dios? Pumunta ka ba rito para pahirapan kami nang wala pa sa takdang panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng baboy na nanginginain. 31 Nakiusap ang masasamang espiritu sa kanya, “Kung palalayasin mo kami, payagan mo na lang kaming pumasok sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, umalis kayo!” Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang buong kawan ng baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
33 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita ang nangyari sa mga baboy at sa dalawang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 34 Kaya lumabas ang lahat ng tao sa bayan at pinuntahan si Jesus, at nakiusap sila na umalis siya sa lugar nila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®