Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtatapos na Payo
13 Hayaan ninyong magpatuloy sa inyo ang pagmamahalan ng magkakapatid.
2 Huwag ninyong kalimutan ang maging mapagpatuloy sa mga taga-ibang bayan. Sa pamamagitan nito, ang iba ay tumanggap ng mga anghel bilang mga panauhin na hindi nila ito nalalaman. 3 Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na waring kayo ay nabilanggo na kasama nila. At alalahanin ninyo iyong mga pinagmalupitan na waring kaisang-katawan din kayo.
4 Ang pag-aasawa ay marangal sa lahat at ang pagsasamahan ng mag-asawa na walang dungis. Ngunit hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. 5 Ang pamumuhay ninyo ay dapat walang pag-ibig sa salapi. Masiyahan na kayo sa mga bagay na taglay ninyo sapagkat sinabi ng Diyos:
Kailanman ay hindi kita iiwan at kailanman ay hindi kita pababayaan.
6 Kaya nga, masasabi natin na may pagtitiwala:
Ang Panginoon ang aking katulong. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?
7 Alalahanin ninyo ang inyong mga tagapangasiwa na nagpahayag ng salita ng Diyos sa inyo. At tularan ninyo ang kanilang pananampalataya habang minamasdan ninyo ang hangarin ng kanilang buhay. 8 Si Jesus ay siya pa rin kahapon, ngayon, bukas at magpakailanman.
15 Kaya sa pamamagitan niya, patuloy tayong magdala ng handog ng papuri sa Diyos. Ang ating hain ay ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. 16 Ang paggawa ng mabuti at pakikibahagi sa paglilingkod ay huwag ninyo itong kaliligtaan sapagkat kalugud-lugod sa Diyos ang mga handog na tulad nito.
Si Jesus sa Bahay ng Isang Fariseo
14 At nangyari na si Jesus ay pumunta sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain ng tinapay. Noon ay araw ng Sabat. Sa pagpunta niya roon, kanila siyang pinagmamatyagan.
7 Siya ay nagsabi ng talinghaga sa mga inanyayahan nang mapuna niyang pinipili nila ang mga pangunahing dako. 8 Sinabi niya sa kanila: Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag kang umupo sa pangunahing dako sapagkat baka may inanyayahan pa siyang higit na marangal kaysa sa iyo. 9 Siya na nag-anyaya sa iyo at sa kaniya ay lalapit sa iyo. Sasabihin niya sa iyo: Paupuin mo ang taong ito sa kinauupuan mo. Pagkatapos, ikaw ay mapapahiyang kukuha ng kahuli-hulihang dako. 10 Ngunit kapag ikaw ay inanyayahan, sa pagpunta mo ay maupo ka sa kahuli-hulihang dako. Ito ay upang sa paglapit ng nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya: Kaibigan, pumunta ka sa higit na mataas. Pagkatapos, ang karangalan ay mapapasaiyo sa harap ng mga kasama mong nakadulog sa hapag. 11 Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at siya na nagpapakumbaba ay itataas.
12 Si Jesus ay nagsabi rin sa nag-anyaya sa kaniya. Sinabiniya: Kapag naghanda ka ng agahan o hapunan, huwag mong tawagin ang mga kaibigan mo. Huwag mong tawagin maging ang mga kapatid mo o mga kamag-anak mo. Huwag mong tawagin ang mga kapitbahay mong mayayaman. Kung gagawin mo iyon, ikaw ay anyayahan din nila at gagantihan ka nila. 13 Kung naghanda ka ng isang piging, tawagin mo ang mga dukha, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. 14 At pagpapalain ka dahil wala silang maigaganti sa iyo sapagkat ikaw ay gagantihan sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.
Copyright © 1998 by Bibles International